Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Margaret Cummings
Matapat na Banal mula sa Australia
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Nakarating ba sila nang ganito kalayo para sa wala?
Inihiga ni Margaret ang kanyang mga anak sa kama. Nagmulat ng isang mata ang anak niyang si Jeffrey. “Inay, kailan tayo makakapunta sa templo?”
Hinagkan siya ni Margaret sa noo. “Sa sandaling matapos ito.” Pinatay niya ang ilaw.
Inasam din ni Margaret ang paglalaan ng templo. Sabik na siyang mabuklod sa kanyang pamilya. Pero malayo ang templo sa New Zealand. Malaking pera ang magagastos sa paglalakbay mula sa kanilang tahanan sa Australia. Nakapag-impok na sila nang ilang buwan. Ibinenta pa nga nila ang kotse nila. Pero kinulang pa rin sila ng 200 pounds.
Lumuhod siya para magdasal. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo kaming makuha ang perang kailangan namin.”
Sa sandaling iyon pumasok ang asawa niyang si Don. “Nagkita kami ng tatay ko kanina. Humingi siya ng paumanhin sa hindi pagbisita sa atin, at ibinigay niya ito sa atin.”
Iniabot niya sa kanyang asawa ang isang pirasong papel. Tseke iyon sa halagang 100 pounds! Hindi makapaniwala si Margaret. Maraming buwan na silang hindi kinausap ng tatay ni Don. Himala iyon!
Makalipas ang ilang araw, bumisita ang mga magulang ni Margaret. “Nag-iimpok kami ng kaunting pera,” sabi ng tatay niya. Nag-ipit ito ng 100 pounds sa kamay ni Margaret. “Masayang paglalakbay!”
Ngumiti si Margaret. May sapat na pera na sila ngayon!
May isa pang problema. Aabutin ng anim na linggo ang paglalakbay. Sinabihan si Don ng boss niya na hindi siya maaaring mawala nang gayon katagal. Pagkaraan ng maraming panalangin, ipinasiya nina Margaret at Don na magbitiw si Don sa trabaho niya.
Sa wakas ay oras na para umalis. Tinulungan nina Margaret at Don ang kanilang mga anak na sumakay sa tren. Sumakay sila roon nang limang buong araw.
“Nakarating na ba tayo?” tanong ni Jeffrey kay Margaret.
“Hindi pa,” sagot nito. “Ngayon ay magbabarko tayo papuntang New Zealand.”
Pero may iba pang masamang balita. Nabangga ang barko. Hindi ito nagsasakay ng mga pasahero. Nakarating ba sila nang ganito kalayo para sa wala?
Hindi! Muling nasagot ang mga dalangin ni Margaret. May nagbigay sa kanila ng mga tiket sa eroplano. Hindi nagtagal at lumipad na sina Margaret at ang kanyang pamilya sa ibabaw ng karagatan. Susunod na hinto, New Zealand!
Nang sa wakas ay makapasok na sa templo si Margaret, nag-alab ang kanyang puso. Nakamayan pa niya ang propeta. “Bibiyayaan ng Ama sa Langit ang inyong pamilya dahil pinili ninyong pumunta rito,” sabi niya.
Kalaunan, nagsuot ng puting damit si Margaret at ang kanyang pamilya. Lumuhod sila sa paligid ng isang altar para mabuklod. Masayang ngumiti si Margaret. Ngayon ay maaari na silang magkasama-sama magpakailanman!
Pagkauwi nila, 5 pounds na lang ang natira kina Margaret at Don. Pero naalala ni Margaret ang pangako ng propeta. Bibiyayaan sila ng Ama sa Langit.
At biniyayaan nga Niya sila! Nang sumunod na linggo, umuwi si Don na may masayang balita. “May trabaho na ako! Mas maganda pa nga ito kaysa sa dati kong trabaho.”
Niyakap siya nang mahigpit ni Margaret. Alam niya na palaging magiging sulit ang pagpunta sa templo.