2021
Pagtingin kay Musa
Oktubre 2021


Pagtingin kay Musa

Ang awtor ay naninirahan sa Iowa, USA.

Hindi naman siguro talagang masungit ang batang baguhan.

“Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7).

girl watching brother and sister walking to school

“Inay, may nangyari sa paaralan ngayon na talagang bumabagabag sa akin.” Ibinaba ni Angie ang backpack niya sa sahig at sumalampak sa sopa.

Tumingala si Inay mula sa binabasa niyang aklat. “Talaga?” Ano’ng nangyari?”

“May isang batang lalaking baguhan sa klase ko na Musa ang pangalan.”

“Maganda ‘yan!” sabi ni Inay. “Kinausap mo ba siya?”

“Hindi po, at ayaw ko!” sabi ni Angie. “Masungit siya.”

“Ano ba ang ginawa niya?”

Sumimangot si Angie. “Nakita kong naglalakad sila ng kapatid niyang babae papasok sa paaralan. Pinalakad niya lang ito sa likuran niya habang daan! Tuwing susubukan nitong lumakad sa tabi niya, nagmamadali siyang unahan ito. Nagalit talaga ako roon.”

Napakunot-noo si Inay. “Mukhang hindi maganda iyon. Kailangan niya siguro ng isang kaibigang katulad mo para ipakita sa kanya kung paano pakitunguhan ang iba nang may pagmamahal.”

Sa sandaling iyon, nagmamadaling pumasok ang nakababatang kapatid ni Angie na si Meghan. “Inay, hulaan ninyo? May batang babaeng baguhan sa klase ko! Ang pangalan niya ay Dalia Kader. Magandang pangalan iyon, ‘di ba?

“Palagay ko nasa klase ko ang kapatid niyang lalaki,” sabi ni Angie.

“Talaga? Napakasuwerte mo.”

Napakunot-noo si Angie. “Suwerte? Bakit?”

“Ikinuwento sa akin ni Dalia ang lahat tungkol sa kanya!”

“Baka nga ginawa niya iyon,” bulong ni Angie.

“Sabi niya kinailangan niyang magpatak ng gamot sa mata kaninang umaga, at dapat siyang magsuot ng sunglassses para protektahan ang mga mata niya, pero nalimutan niya. Kaya nang maglakad sila papasok sa paaralan, lumakad si Musa sa unahan niya habang daan para maliliman siya mula sa araw. Hindi ba ang bait niya?”

Napakurap si Angie sa gulat. Nagkamali ba siya ng paghusga kay Musa?

“Parang napaka-maalalahanin niyang kapatid,” sabi ni Inay.

“Oo nga po!” sabi ni Megan. “At pagdating nila sa paaralan, magkasama silang naglakad papunta sa opisina para makatawag sila sa bahay. At sinamahan niya ang kapatid niya hanggang sa dalhin ng nanay nila ang sunglasses.”

brother and sister sitting next to each other

Wow, naisip ni Angie. Palagay ko hindi ko nakita ang totoong nangyayari.

Tinabihan ni Meghan si Angie sa sopa. “Ang ganda ng sunglasses ni Dalia! Kulay ube iyon na may mamahaling mga bato. Inay, puwede ko po ba siyang imbitahin dito sa linggong ito? Pareho naming maisusuot ang sunglasses namin at maglalaro kami ng pagsusuot ng iba’t ibang mga damit!”

“Magandang ideya,” sabi ni Inay. “Anyayahan mo rin kaya si Musa? Gusto kong makilala silang dalawa. Ano sa tingin mo, Angie?”

“Gusto ko rin silang makilala.” Ngumiti si Angie. “Palagay ko magiging mabuting kaibigan si Musa.”

Friend Magazine, Global 2021/10 Oct

Mga paglalarawan ni Jörg Saupe