Mga Panalangin para kay Tessa
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
“Walang may gustong isama ako sa team nila,” sabi ni Tessa.
“Sino’ng panig sa Diyos? Ipabatid ngayon” (Mga Himno, blg. 162).
Napatitig si Tessa sa sapatos niya. Oras na para sa gym class. Pumipili ng mga ka-team ang mga bata para maglaro ng kickball. Alam niyang huli siyang mapipili. Alam niya iyon noon pa man.
Hindi nagtagal, wala nang naiwan kundi si Tessa. “Mukhang siya na naman ang naiwan sa atin,” bulong ng team captain sa kaibigan niya. Ngumisi silang dalawa.
Nagkunwari si Tessa na hindi niya iyon narinig.
Pagkaraan ng ilang minuto sa laro, sinipa ng isang batang babae sa kabilang team ang bola. Papunta iyon kay Tessa!
Ipapakita ko sa kanila na kaya kong maglaro! naisip ni Tessa. Pumorma siyang pasugod para saluhin ang bola. Pero tumama ito sa mga bisig niya at tumalbog sa lupa.
“Wala ka bang magawang tama?” sabi ng team captain.
Pumihit si Tessa para harapin siya. “Sige! Hindi na ninyo ako kailangang isama!” Nagdadabog na pinuntahan niya ang bola at sinipa ito nang malakas.
Hinabol si Tessa ng matalik niyang kaibigan na si Shondra. “Hoy, ayos lang iyon,” sabi ni Shondra. “Kahit sino naman, nakakahulog ng bola.”
“Talaga? Kung gayon, bakit walang may gustong isama ako sa team nila?” sabi ni Tessa.
“Siguro dahil sobra kang magalit,” sabi ni Shondra. Bumalik siya sa lugar kung saan naghihintay ang ibang mga bata.
Naupo si Tessa sa isang bangko sa sulok ng playground. Sumakit ang mga mata niya sa kaiiyak. Ayaw niyang ipatawag ulit ng paaralan ang mga magulang niya. Ipinatawag na sila dati. Sabi ng prinsipal, nahirapang makisama si Tessa sa iba pang mga bata.
Hindi alam ni Tessa kung bakit kumilos siya nang ganoon. Hindi niya gustong maging sanhi ng problema. Galit na galit lang siya at nalulungkot kung minsan, at nahirapan siyang itago ito.
Bumuntong-hininga si Tessa. “Hindi ko talaga kayang makisama,” sabi niya sa sarili niya.
Nang uwian na sa paaralan, nagmamadaling lumabas si Tessa. Naroon si Inay para sunduin siya. Nakinig siya habang ikinukuwento ni Tessa ang nangyari sa kanya sa maghapon.
“Hindi nila ako pinipiling isama sa team nila,” sabi ni Tessa. “Pakiramdam ko, walang sinumang panig sa akin.”
“Pasensya ka na, anak,” sabi ni Inay. “Kung minsan masungit ang mga tao. Pero palaging panig sa iyo ang Ama sa Langit. At gayon din ang pamilya mo.” Niyakap niya si Tessa. “Uwi na tayo. May sorpresa ako sa iyo.”
Pag-uwi nila, naroon si Lola! Gustung-gusto ni Tessa ang mga pagbisita ni Lola.
“Gusto kong malaman ang lahat ng nangyayari sa buhay mo,” sabi ni Lola. “Kumusta sa paaralan?”
Tumungo si Tessa. “Hindi po gaanong mabuti.”
“Sabi ng nanay mo, nahihirapan ka,” sabi ni Lola. “Alam mo na ipinagdarasal ka niya at ng tatay mo, hindi ba?”
“Opo.”
“At alam mo na ipinagdarasal ka namin ni Lolo, hindi ba?”
Tumango si Tessa.
“Ngayon ay marami ring iba pang taong nagdarasal para sa iyo!”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong ni Tessa.
“Inilagay ko ang pangalan mo sa prayer roll sa templo,” sabi ni Lola. “Sa gayong paraan, maraming taong nagdarasal para sa iyo—kahit ang mga taong hindi nakakakilala sa iyo.”
“Kaya, parang ka-team ko po sila?” sabi ni Tessa.
“Tama, parang ganoon na nga,” sabi ni Lola. “Palagi kang ipinagbubunyi ng Ama sa Langit! At ngayon, gayon din ang lahat ng taong nagdarasal para sa iyo.”
“Salamat po, Lola!” Niyakap nang mahigpit ni Tessa si Lola.
Nang sumunod na sumama-ang-loob ni Tessa sa paaralan, pumikit siya at huminga nang malalim. Naalala niya ang lahat ng taong nagdarasal para sa kanya. Nakatulong ito na bumuti nang kaunti ang kanyang pakiramdam. Pagkatapos ay yumuko siya para manalanging mag-isa.
Salamat po, Ama sa Langit, pagdarasal niya. Salamat po sa pagbubunyi Ninyo para sa akin.