2021
Handa para sa Templo
Oktubre 2021


Handa para sa Templo

“Paano ako makakakuha ng temple recommend?” tanong ni Ajan.

“Tiyaking inyong ginagawa ang lahat ng bagay nang karapat-dapat” (Mormon 9:29).

family meeting together at home in Jamaica

Napangiti nang husto si Ajan nang makarinig siya ng katok sa pinto. Inanyayahan ni Madda (Inay) ang kanilang ministering brother na tumulong sa isang espesyal na home evening.

Binuksan niya ang pinto. “Wah gwaan, Brother Williams!” (“Kumusta?”)

Everyting is irie!” sabi ni Brother Williams. (“Ayos naman ang lahat!”) Iniabot nito kay Ajan ang isang supot ng mangga mula sa kanyang puno.

Umupo si Brother Williams sa sopa. Hinilingan ni Madda ang nakababatang kapatid na babae ni Ajan na si Dana na magdasal.

Pagkatapos nitong magdasal, sinabi ni Brother Williams, “Ngayong taon, 12 taong gulang na si Ajan. May nakakaalam ba kung bakit espesyal ang taon na ito para sa kanya?”

Tuwang-tuwa ang nakababatang kapatid na lalaki ni Ajan na si Tejaun. “Kasi tatanggap na siya ng priesthood at magpapasa ng sakramento!”

“Tama!” sabi ni Brother Williams. “Pero may isa pa ring dahilan.”

Binuksan niya ang kanyang pitaka at hinugot ang isang maliit na piraso ng papel. “Ito ay isang temple recommend.”

Iniabot niya ito kay Ajan.

“Ang galing!” Dinama ni Ajan sa kanyang mga daliri ang gintong templo sa card. “Ano po ang ginagawa ninyo rito?”

“Ipinapakita ko ito sa taong nakaupo sa front desk sa templo. Ipinapakita nito sa kanila na karapat-dapat akong pumasok sa loob.”

“Patingin!” Inagaw ito ni Dana kay Ajan at tiningnan itong mabuti.

“Ano sa palagay mo ang madarama mo kung may sarili kang recommend?” tanong ni Brother Williams.

“Na espesyal ako!” Tumingala si Ajan mula sa pagkakatingin sa card. “Pero hindi ko alam kung makakapunta ako sa templo. Malaki ang halagang kailangan para makabili ng tiket sa eroplano para makapunta roon.”

“Hindi rin ako makakapunta nang madalas sa templo,” sabi ni Brother Williams. “Pero ipinapaalala sa akin ng recommend ko na laging maging handang pumasok sa loob.”

Nag-isip sandali si Ajan. “Gusto ko rin pong maging handa,” sabi niya. “Paano ako makakakuha ng temple recommend?”

“Makipagkita ka sa bishop,” sabi ni Brother Williams. “Tatanungin ka niya ng ilang bagay para malaman kung handa ka na.”

“Para po ba itong pagsusuri?” tanong ni Ajan, na medyo kinakabahan.

“Mas para itong pag-uusap,” sabi ni Brother Williams. “Ang bishop ay kaibigan mo, at gusto ka niyang tulungang maging handa.”

Tumango si Ajan. Gusto niya ang bishop.

“Gusto mo bang makita ang mga tanong?” Iniabot ni Brother Williams kay Ajan ang isang pirasong papel na may nakasulat na ilang tanong. Sumiksik sina Dana at Tejaun sa tabi niya para makita rin ito.

“Una,” pagbasa ni Ajan. “May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?”

Lumiwanag ang mukha niya. Madali lang iyon. “Opo!”

Patuloy niyang binasa ang mga tanong, nang isa-isa. Ipinaliwanag nina Madda at Brother Williams ang kahulugan ng ilang bagay.

Pagkatapos ay binasa ni Ajan ang isa pang tanong: “‘Nauunawaan at sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?’” Sumimangot siya. “Minsan akong binigyan ni D’andre ng kaunting rum punch noong nasa bahay niya ako,” sabi niya. “Pero ayaw ko nang uminom ulit noon. Ibig po bang sabihin niyan ay hindi ako puwedeng magkaroon ng temple recommend?”

“Ang ibig sabihin ng pagsunod sa Word of Wisdom ay hindi pag-inom ng alak, at may alak ang rum punch,” sabi ni Brother Williams. “Pero maaari kang magsisi palagi at maging marapat na pumunta sa templo.”

“Dahil kay Jesus!” sabi ni Tejaun.

“Tama!” sabi ni Brother Williams. “Sa gayon ay maipapaalala sa iyo ng temple recommend mo na patuloy na sundin ang Word of Wisdom. At palaging maging handang pumunta sa templo.”

Napangiti si Ajan. Bumuti ang pakiramdam niya.

“Siguro po malapit na akong makapunta sa templo,” sabi ni Ajan. “At kapag nagpunta ako, handa na ako!”

Friend Magazine, Global 2021/10 Oct

Paglalarawan ni Shawna J. C. Tenney