Kapayapaan at mga Awitin sa Primary
Inilarawan ni Max sa kanyang isipan ang magiging pamilya niya balang-araw.
“Si Cristo’y dama sa paligid ‘pagkat mayro’ng pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102).
Nagtumba-tumba si Max sa kanyang upuan. Magsisimula na ang paborito niyang bahagi ng Primary.
“Welcome sa oras ng pag-awit,” sabi ni Sister Rose. Nagsimula ang tugtog sa piyano. Sumabay si Max sa pagkanta.
Gustung-gusto ni Max ang oras ng pag-awit. Pero ang kanyang pamilya ay hindi talaga katulad ng masasayang pamilyang kinakanta niya sa Primary. Mahirap ang mga bagay-bagay sa tahanan.
Kaya nga gustung-gusto ni Max ang Primary. Nadarama niya palagi na may nagmamahal sa kanya at ligtas siya kapag naroon siya. Nakadama siya ng kapayapaan sa Primary.
“Para sa susunod nating awitin, may espesyal na hamon ako sa inyo,” sabi ni Sister Rose. “Habang kumakanta tayo, gusto kong isipin ninyo kung ano ang pakiramdam kapag malalaki na kayo at may sarili nang pamilya.”
Nagsimula ulit ang tugtog sa piyano. Mahina at payapa ang mga nota. Tumingin si Max sa paligid ng kuwarto. Nakita niya ang mga larawan ni Jesus at ng templo na nakasabit sa dingding.
Nagsimulang kumanta ang iba pang mga bata. Nagsimula ring kumanta si Max. Tahanan ko sa t’wina ay pagkasaserdote ang gabay.
Pumikit si Max at inisip niya na kunwari siya ay isang ama. Inisip niya na nagdarasal sila ng kanyang magiging pamilya. Inisip niya na kumakanta siya ng mga awitin na kasama sila, sama-sama silang naglalaro, at nagdaraos ng home evening.
Nang kantahin niya ang huling mga salita, todo ang ngiti ni Max. Si Cristo’y dama sa paligid ‘pagkat mayro’ng pag-ibig.
Balang-araw maaaring magkaroon si Max ng gayong pamilya. Balang-araw maaari siyang magkaroon ng isang tahanan kung saan madarama niya ang kapayapaan tulad ng nadama niya sa Primary. Ang pag-iisip tungkol dito ay nagpainit sa buong katawan ni Max.
Nagtaas siya ng kamay. “Sister Rose,” sabi ni Max, “palagay ko po, parang isang resipi ang awiting iyan. Isang resipi para sa masayang pamilya.”
“Tama ka,” sabi ni Sister Rose. “Walang perpektong pamilya. Pero kapag sinisikap nating tularan si Jesus, matutulungan natin ang ating pamilya. Makakatulong tayong gawing payapang lugar ang ating tahanan.”
Tiningnan ni Max ang larawan ng templo sa dingding. Alam niya na matutulungan niya ang kanyang pamilya ngayon sa pamamagitan ng pagiging katulad ni Jesus. At kahit malayo pa ito, nasabik siyang magkaroon ng sarili niyang pamilya. At masaya siyang malaman na maaari niya silang makasama magpakailanman.