2021
Dala-dala si Spotty
Disyembre 2021


Dala-dala si Spotty

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Parang ganyan ang paraan ng pagtulong sa atin ni Jesus.

“Bibigyan ka ng Panginoon ng pahinga, mula sa iyong kalungkutan, at mula sa iyong takot” (2 Nephi 24:3).

girl sitting with puppies

Tuwang-tuwa si Abbie. Nagtatalon sa paligid niya ang masasayang tuta na kawag nang kawag ang mga buntot. Alin ang dapat niyang piliin?

Isang itim na tuta na may puting batik sa dibdib nito ang tumakbo papunta sa kanya. Kumawag ang buntot nito at dinilaan ang kanyang kamay. At alam na ni Abbie. Ito na ang pipiliin niya! Kinuha niya ito.

“Ito na po, Itay!” Marahang niyakap ni Abbie ang mainit at kumakawag na tuta. “Tawagin natin siyang Spotty.”

Pag-uwi nila, tuwang-tuwa ang mga kapatid ni Abbie na makita si Spotty. Ikinawag ni Spotty ang kanyang buntot at gumulong para magpakamot ng tiyan. Nang ibaba ni Itay ang mangkok na kainan ng aso, kumain na nang kumain si Spotty!

Kalaunan ay naglakad sina Itay at Abbie kasama si Spotty. Ibinigay ni Itay kay Abbie ang tali ng renda.

“Hawakan mong mabuti,” sabi ni Itay. “Baka matakot si Spotty at subukang tumakbo palayo. Kailangan mong tiyakin na pakiramdam niya ay ligtas siya.”

“OK po, Itay.” Nagtatalon si Abbie. Hindi na siya makapaghintay!

Naglakad sila sa kalsada. Naglakad sina Abbie at Itay. Nagtatalon si Spotty. Inamuy-amoy niya ang mga halaman. Tinahulan niya ang mga squirrel. Tuwing ilang minuto, nililingon niya sina Abbie at Itay.

Hindi nagtagal ay nakarating sila sa isang bahay na may tatlong malalaking aso. Nagtatahol nang malakas ang mga aso sa kabila ng bakod.

Natigilan si Spotty. Sinubukan siyang hilahin ni Abbie, pero ayaw nitong sumunod.

“OK lang. Hindi ka nila makukuha,” mahina niyang sabi. “Ligtas ka.”

Takot na takot si Spotty.

“Siguro dapat mo siyang kargahin,” sabi ni Itay. Kinarga ni Abbie si Spotty at naglakad patawid sa kalye. Nanginginig siya. Nang hindi na nila tanaw ang mga aso, kumalma si Spotty. Dinilaan niya ang mukha ni Abbie, at ibinaba siya ni Abbie.

Makalipas ang ilang minuto, nagsimulang magdahan-dahan si Spotty. Nakababa ang ulo niya. Humiga siya sa bangketa.

“Halika,” sabi ni Abbie. “Malapit na tayo sa bahay.”

Kumurap-kurap si Spotty kay Abbie. Napabuntong-hininga si Spotty.

“Aw. Pagod ka na ba?” Tumawa si Abbie. Muli niyang kinarga si Spotty. Sa pagkakataong ito, karga niya ito hanggang sa makarating sa bahay. Nag-alok si Itay na tumulong, pero hindi gaanong mabigat si Spotty. At mahal na mahal siya ni Abbie at gusto niyang alagaan si Spotty.

girl carrying puppy

Noong Linggong iyon, nagsalita ang guro ni Abbie sa Primary tungkol kay Jesucristo.

“Mahal na mahal tayo ni Jesus kaya Siya nagdusa para sa atin,” sabi ni Sister Oliver. “Nadama Niya ang lahat ng ating kalungkutan kaya nauunawaan Niya ang ating nadarama. Sa gayong paraan, matutulungan Niya tayo sa ating mga pagsubok.”

Naisip ni Abbie kung paano niya kinarga si Spotty. Ganyan tayong tinutulungan ni Jesus, naisip ni Abbie. Maaaring hindi siya talagang kinakarga ni Jesus, pero tinulungan Niya siyang maging mas malakas kapag kailangan niya Siya. Tulad noong isang gabi, nang siya ay natakot sa dilim. Nanalangin siya at nadama niyang ligtas siya. O noong nag-aalala siya na baka malimutan niya ang kanyang homework. Nagdasal siya noon at gumanda ang pakiramdam niya—at naalala niya ito!

Ngumiti si Abbie. Alam niya na mahal siya ni Jesucristo nang higit pa sa pagmamahal niya kay Spotty. At napakalaking bagay niyon!

December 2021 Friend Magazine

Mga paglalarawan ni Alexandra Ball