Ang Cake sa Pasko
Ang kuwentong ito ay naganap sa Japan.
Mahilig si Kaiya sa pagkain na para sa Pasko. Pero mas mahal niya ang kanyang kaibigan.
Bukas ay Pasko, at nag-alala si Kaiya. Hindi siya nag-aalala kung makakakuha ng regalo o kung ano kaya ang regalo. Nag-alala siya sa kaibigan niyang si Minato.
Naglaro noon sina Kaiya at Minato sa parehong soccer club. At pareho sila ng eskwelahan. Pero tatlong araw na hindi pumasok sa eskuwela si Minato. Hindi rin siya nagpraktis ng soccer. Sinabi ng guro na maysakit ang tatay ni Minato. Para matiyak na hindi magkakasakit ang iba, kailangang manatili sa bahay ang buong pamilya ni Minato sa loob ng dalawang linggo.
Nag-alala si Kaiya na baka magkasakit din si Minato. Tinanong niya si Mama kung puwede nila siyang bisitahin. Tinawagan nila ang nanay ni Minato.
“Huwag kang mag-alala,” sabi niya. “Ayos lang kami. Kaya lang hindi kami nakabili ng kurisumasu kēki (cake sa Pasko).”
Paborito ni Kaiya ang cake sa Pasko. Mayroon itong magandang puting frosting at makukulay na dekorasyon sa ibabaw. Ito ay espesyal na pagkain sa Japan. Naisip niya na tiyak na malungkot si Minato na wala siya nito.
Pagkatapos ng tawag sa telepono, sinabi ni Kaiya, “Mama, dalhin po natin sa kanila ang ating cake sa Pasko. At puwede rin natin silang dalhan ng pizza?” Alam niya na ang saba (isda) na pizza ay paborito ni Minato.
Pumayag si Mama. Una ay inorder nila ang pizza. Pagkatapos ay inilagay ni Mama sa kahon ang cake sa Pasko. Pagkatapos ay nagtipon sila ng ilang meryenda at juice.
“Makakatulong ito para may makain sila sa susunod na ilang araw,” sabi ni Mama.
Umalis sina Papa at Kaiya para kunin ang pizza. Pagkatapos ay nagpunta sila sa bahay ni Minato para ihatid ang lahat. Hindi sila makapasok, kaya inilagay nila itong lahat sa pintuan, pinindot ang bell, at umalis na.
Nang makauwi si Kaiya, ipinakita sa kanya ni Mama ang isang text message mula sa nanay ni Minato. “Hindi ako makapaniwala na dinalhan ninyo kami ng cake!” sabi nito. “Masayang-masaya ang mga bata. “Maraming, maraming salamat.”
Makalipas ang ilang minuto, tumunog ang doorbell. Iyon ay sina Brother at Sister Takahashi. Sila ay mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa malapit.
“Dinalhan namin kayo ng ilang higashi (cookies na gawa sa bigas) para sa Pasko,” sabi ni Sister Takahashi. Iniabot niya ang isang plato ng cookies na may magagandang disenyo.
Pagkatapos ng hapunan, kinain ni Kaiya at ng kanyang mga magulang ang cookies. “Nalulungkot ka ba na wala tayong cake sa Pasko?” tanong ni Inay.
Naisip ni Kaiya kung paano niya tinulungan si Minato at ang kanyang pamilya. “Hindi naman po,” sabi niya. “Tutal, ang Pasko ay tungkol sa pagbibigay!”