2021
Olga Bing
Disyembre 2021


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Olga Bing

Primary Leader sa Brazil

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Inanyayahan silang lahat ni Olga.

young woman walking with Primary children

“Nami-miss ko ang lahat ng tao sa aming branch,” malungkot na sabi ni Olga. Siya at ang pamilya niya lang ang nasa Sunday School.

Isinara ng kapatid ni Olga na si Wilma ang kanyang mga banal na kasulatan. “Nami-miss ko rin sila.” Tumango si Inay at si Lola.

Gustong umiyak ni Olga. Nang mabinyagan siya, 60 tao ang nagsisimba linggu-linggo! Pero nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa giyera, lahat ng mga missionary sa Brazil ay kinailangang umuwi. Kung wala sila, kulang ang mayhawak ng priesthood para magkaroon ng regular na mga miting sa Simbahan. Hindi nila mababasbasan ang sakramento o mabibinyagan ang mga tao.

Tumigil ang branch sa pag-upa sa gusali ng simbahan. Sa halip ay nagpulong ang mga miyembro ng Simbahan sa bahay ng mga tao para pag-aralan ang mga banal na kasulatan. At isa-isa silang nagsimulang magpunta sa ibang simbahan.

Nang matapos ang giyera, inakala ni Olga na magkakaroon muli ng mga pulong sa simbahan ang branch. Pero hindi sapat ang bilang ng mga tao. Kaya patuloy na nagpulong si Olga at ang kanyang pamilya sa araw ng Linggo nang sila-sila lamang.

“Nami-miss ko na ang pagkanta ng lahat,” sabi ni Olga. “At nami-miss ko ang mga batang dating nagsisimba.”

“Ako rin,” sabi ni Lola.

Nang sumunod na ilang araw, nag-isip nang husto si Olga kung ano ang gagawin. Nagdasal siya para humingi ng tulong. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo kaming malaman kung paano muling palalakasin ang branch namin.”

Isang araw ay nagkaroon ng ideya si Olga. Nagpunta siya sa labas. Dalawang batang babae ang naglalaro sa ilalim ng isang puno.

Olá!” sabi ni Olga. “Gusto ba ninyong pumunta sa klase ng simbahan ko para sa mga bata ngayong gabi? Malalaman natin ang tungkol kay Jesus, kakantahin ang mga awitin, at magsasaya.”

Nagtinginan ang mga bata. “Sige,” sabi ng isa sa kanila.

“Ayos! Kung sasabihin ng mga magulang ninyo na puwede kayong pumunta, magkita tayo dito mamaya. Maaari tayong magkasamang maglakad papunta sa klase.”

Kumaway si Olga para magpaalam at naglakad na sa kalye. Nakita niya ang iba pang mga batang naglalaro ng futebol (soccer). Inanyayahan silang lahat ni Olga.

Ang ilan sa mga bata ay nagsimba na noon. Nasasabik silang muling makadalo. Ayaw namang magpunta ng ibang mga bata. Pero ipinaalam sa kanila ni Olga na malaya silang magpunta.

Kalaunan nang gabing iyon, tinipon ni Olga ang mga bata na nagsabing darating sila, pati na ang mga magulang nila. Magkakasama silang naglakad papunta sa bahay niya.

Tinuruan nina Inay at Lola ang mga magulang sa isang silid. Tinuruan nina Olga at Wilma ang mga bata sa isa pang silid. Kumanta si Olga ng mga awitin na kasama nila. Nagkuwento si Wilma mula sa mga banal na kasulatan.

Masaya si Olga habang naglalakad siyang kasama ang mga bata pauwi. “Salamat sa pagpunta ninyo,” sabi niya. “Kita tayo ulit sa susunod na linggo!”

Maliit ang branch nila, pero alam ni Olga na muli itong lalago. At gusto niyang magplano kaagad ng lesson sa susunod na linggo!

Ang Brazil ang pinakamalaking bansa sa Timog Amerika.

Ang Aklat ni Mormon ay inilathala sa Portuguese noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang Brazil ay may pitong templo, at dalawa pang itatayo.

Nabinyagan si Olga sa Guaíba Lake.

Kalaunan ay naging Primary president siya.

Nag-asawa si Olga at nagkaroon ng limang anak.

December 2021 Friend Magazine

Mga paglalarawan ni Tatsiana Burgaud