2022
Isang Pagkakamali sa Krayola
Marso 2022


Isang Pagkakamali sa Krayola

two girls cleaning crayon marks off chair

“Hi, Valerie!” sabi ni Lucy. Tumakbo siya sa gitna ng cultural hall para makipagkita sa kaibigan niya. Naglaro sila ni Valerie habang nagpupulong ang kanilang mga nanay sa simbahan.

Nakakita si Lucy ng ilang krayola. Pinili niya ang kulay rosas. Pero wala siyang anumang papel na maaaring guhitan. Kaya gumuhit siya ng rosas na linya sa isang upuan. Napakatingkad at napakaganda ng linya sa metal. Tumingin si Lucy kay Valerie at humagikgik.

Pumili si Valerie ng kulay lila na krayola. Gumuhit siya ng balubaluktot na hugis sa isa pang upuan. Pinuno nina Lucy at Valerie ang dalawang upuan ng matitingkad na kulay.

Hindi nagtagal ay dumating si Inay at nakita ang mga guhit. “Lucy!” sabi ni Inay. “Alam mong sa papel lang tayo gumuguhit!”

Tumingin si Lucy sa lupa. Alam niya na para lamang sa papel ang mga krayola. Ngunit nang simulan niyang magkulay, parang … nakalimutan niya.

Tiningnan niya ang upuan ngayon. Ilang linggo na ang nakararaan, tumulong ang kanyang pamilya sa paglilinis ng simbahan. Nagustuhan niya ang pangangalaga sa bahay ni Jesus. Nalungkot siya sa paggawa ng dumi ngayong araw.

“Halikayo, mga bata. Linisin natin ito,” sabi ni Inay. Kumuha siya ng ilang paper towel. Basa ang mga ito at may sabon.

Kinuskos nina Valerie at Lucy ang mga marka ng krayola. Unti-unting naalis ang mga ito.

“Mahirap ito,” daing ni Lucy.

Tinapik-tapik ni Inay ang likod niya. “Oo, pero magagawa natin ito!”

Sama-sama nilang kinuskos ang mga upuan. Sa wakas ay malinis at makintab na ang metal.

Tiningnan ni Lucy ang malilinis na upuan at ngumiti. Nalungkot siya na nadumihan niya ito. Ngunit masaya siya na kaya niyang gawing mas maayos ang mga bagay-bagay.

Page from the March 2022 Friend Magazine.

Paglalarawan ni Mark Robison