Cake at Kabaitan
Paanong mabait na mapakikitunguhan ni Juli ang kanyang tita kung halos hindi niya makausap ito?
Magkasamang umupo si Juli at ang kaibigan niyang si Sarah sa kainan sa paaralan.
“Nag-aalala akong umuwi at makita si tía,” sabi ni Juli.
“Ang tía mo?” tanong ni Sarah.
“Oo, ang tita ko. Si Tía Jenny,“ sabi ni Juli. “Bibisita siya nang medyo matagal sa amin. At palagay ko ay hindi niya ako gaanong gusto. Talagang mahigpit siya, at hindi siya ngumingiti kailanman. Kahit na ngumiti ako sa kanya. Ayaw ko lang sumama ang loob niya.”
“Buti naman ngumingiti ka,” sabi ni Sarah. “Ang pagiging mabait ay palaging nakatutulong.”
Buong araw ay patuloy na inisip ni Juli ang sinabi ni Sarah.
Siguro ay maaari akong maging mas mabait kay Tía Jenny, naisip niya. Iyan ang gagawin ni Jesus. Pero Espanyol lang ang ginagamit na wika ni Tía Jenny. Nakakaintindi si Juli ng kaunting Espanyol, pero hindi siya mahusay magsalita nito. Paanong mabait na mapakikitunguhan ni Juli ang kanyang tita kung halos hindi niya makausap ito?
Palaging sinasabi ni Inay na maging mapagpasensya sa mga taong hindi mo nauunawaan. Tahimik na nagdasal si Juli. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong maging mapagpasensya kay Tía Jenny. At tulungan po Ninyo akong magkaroon ng lakas ng loob na makipag-usap sa kanya sa wikang Espanyol.
Pag-uwi ni Juli mula sa paaralan, nakita niya ang isang kard sa mesa. Dinampot niya ito. Para iyon kina Inay at Itay. Hala! naisip niya. Ngayon ang kanilang anibersaryo. Nakalimutan ko!
Gusto ni Juli na gumawa ng isang magandang bagay para kina Inay at Itay. Hindi niya alam ang gagawin.
Nakita niya si Tía Jenny na tumitingin-tingin sa kusina.
“Uh … todo bien?” tanong ni Juli. “OK lang ba ang lahat?”
“Oo,” sabi ni Tía Jenny. Pagkatapos ay mabilis itong nagsalita sa wikang Espanyol. Narinig ni Juli na nagtanong ito kung siya ay ocupada—abala.
“No, yo no … ocupada. Hindi ako abala,” sabi ni Juli. Nahiya siya sa paggamit ng kanyang putul-putol na Espanyol. Ngunit ngumiti si Tía Jenny. Dahan-dahan siyang nagsalita para maunawaan ni Juli. Sinabi niya na gusto niyang gumawa ng cake para sa anibersaryo nina Inay at Itay, pero kailangan niya ng tulong.
“Tutulungan kita.” sabi ni Juli. “Vamos! Tara.” Ito ang pagkakataon niyang gumawa ng isang bagay para kina Inay at Itay! At makilala ang tita niya.
Nagpunta sina Tía Jenny at Juli sa kusina. Nag-usap sila sa pamamagitan ng pagmumuestra sa kamay at pagsasalita ng simpleng Espanyol. Ipinakita ni Tía Jenny kay Juli kung paano gumawa ng checkered chocolate-vanilla cake. Tumulong si Juli na sukatin ang harina at asukal. Hiniwa rin niya ang mga strawberry na ilalagay sa ibabaw. Hindi nagtagal ay nasa oven na ang cake. Ang sarap ng amoy ito!
Nakatutuwa ito, naisip ni Juli. Ngunit habang naglilinis siya, nasagi niya ang tatlong itlog mula sa counter. Nahulog ang mga ito at nagkalat sa sahig.
Kinakabahang tiningnan ni Juli si Tía Jenny. Magagalit ba siya?
Pero tumawa lang si Tía Jenny. “Qué desorden!” sabi niya. (“Ang kalat!”)
Hindi pa kailanman nakita ni Juli si Tía Jenny na tumawa. Natawa rin siya dahil dito. Magkasama nilang nilinis ang kalat.
Pag-uwi nina Inay at Itay, handa na ang cake. “Maligayang anibersaryo!” sabi ni Juli.
“Salamat! Mukhang masarap ito. Ginawa mo ba ito nang mag-isa?” tanong ni Inay.
“Hindi po, magkasama kami ni Tía Jenny sa paggawa nito,” sabi ni Juli. Nginitian niya si Tia Jenny. At sa pagkakataong ito, ngumiti si Tía Jenny!
Napuspos ng magandang pakiramdam ang puso ni Juli. Nagpasalamat siya na sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin.