2022
Ang Piyano ni Ludovic
Marso 2022


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Piyano ni Ludovic

Masaya si Ludovic na maglingkod sa Ama sa Langit.

boy in Togo playing electric piano at church

Kinuha ni Ludovic ang ilang natitiklop na upuan at itinawid ang mga ito sa kalye. Linggo noon, at malapit nang magsimula ang pagsisimba. Ang bahay kung saan sila nagsisimba sa Togo ay walang sapat na upuan. Kaya laging nagdadala si Ludovic ng mga upuan mula sa bahay ng kanyang lolo.

“Bakit ka tumiwalag sa isang magandang simbahan para lang magsimba sa isang maliit na barung-barong?” sigaw sa kanya ng isang tao. “Ni wala ngang mga bangko ang simbahan ninyo!” sabi ng isa pa habang tumatawa.

Nagkunwari si Ludovic na hindi niya ito narinig. Kailangan ko lang patuloy na gawin ang tama, naisip niya.

Unang nalaman ni Ludovic ang tungkol sa Simbahan noong siya ay 10 taong gulang. Ngayon ay 12 taong gulang na siya. Siya at ang kanyang pamilya ay nabinyagan kamakailan. Siya ay mayroon nang priesthood at tumutulong sa pagpapasa ng sakramento. Nag-iipon rin siya ng bahagi ng kanyang baon para makabili ng tinapay para sa sakramento bawat linggo. Masaya si Ludovic na maglingkod sa Ama sa Langit.

Nang oras na para magsimula ang pagsisimba, puno na ang maliit na silid. May mga taong nakaupo sa mga upuang dinala ni Ludovic. Nakatayo ang ilang tao.

Nagsimula ang miting sa isang awitin. “Israel, Diyos ay tumatawag,” umawit si Ludovic. Gustung-gusto niyang kumakanta sa simbahan.

Pagkatapos magsimba, humimig si Ludovic habang inililigpit niya ang mga upuan. Humimig siya habang naglalakad pauwi. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng ideya! Kinuha niya ang kanyang laruang piyano. Siguro ay maaaring matututunan niya kung paano tugtugin ang “Israel, Diyos ay Tumatawag”!

Hinimig ni Ludovic ang mga nota at pinatugtog ang piyano hanggang sa mahanap niya ang mga tamang nota. Hindi nagtagal ay naturuan niya ang kanyang sarili na tugtugin ang buong awitin.

Pagkatapos ay naalala niya na ang kanyang pamilya ay may ilang recording ng mga himno ng Simbahan. Pinakinggan niya ang mga ito at natutunan din niyang tugtugin ang iba pang mga awitin. Nag-ensayo nang nag-ensayo si Ludovic.

“Bakit hindi ka tumugtog sa simbahan habang kumakanta tayo?” tanong ng tatay ni Ludovic isang araw.

Bumaluktot ang tiyan ni Ludovic sa kaba. “Nahihiya po ako,” sabi niya. “Paano kung magkamali po ako?”

“Magpatuloy ka lang,” sabi ni Itay. “Mas mahusay kang piyanista kaysa inaakala mo.”

Sa sumunod na Linggo, hindi lang mga upuan ang dinala ni Ludovic. Dinala rin niya ang kanyang laruang keyboard sa simbahan. Pagsapit ng oras para sa pambungad na awitin, kinakabahan niyang ipinatong ang kanyang mga daliri sa teklado ng piyano. Pagkatapos ay nagsimula siyang tumugtog. Sumabay ang lahat sa pagkanta. At napakaganda nito!

Tumugtog si Ludovic sa simbahan kada Linggo pagkatapos niyon. Kung minsan ay nagkakamali siya. Ngunit hindi siya sumusuko. Kapag napakahirap tugtugin ang isang awitin, kumakanta sila nang walang piyano, at pinamumunuan ni Ludovic ang musika.

Ngumiti si Ludovic. Hindi mahalaga sa kanya na nagsisimba sila sa bahay ng isang tao. Ni hindi mahalaga na pinagtatawanan siya ng mga tao. Ang mahalaga ay ginagamit ni Ludovic ang kanyang mga talento upang maglingkod sa Diyos.

Ang Togo ay isang maliit na bansa sa kanlurang Africa.

Sa kasalukuyan, may 21 na ward at 26 na branch doon.

Ang opisyal na wika sa Togo ay French.

Tinuruan ng isang missionary si Ludovic na magbasa ng mga simbolo sa musika para maging mas mahusay siya sa pagtugtog ng piano.

Malaki na si Ludovic ngayon. Siya at ang kanyang asawang si Benedict ay parehong mahilig sa musika.

Nagmamay-ari si Ludovic ng isang piyano sa tahanan at tumutugtog ng organo sa simbahan.

Page from the March 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Caroline Garcia