2022
Ang Prank sa Bisikleta
Marso 2022


Ang Kapilyuhan sa Bisikleta

Sinabi ng kanyang mga kaibigan na magiging nakakatawa ito. Pero parang hindi ito tama.

three boys sitting by bikes at a park

Pumidal si Sam sa kanyang bisikleta nang mabilis paakyat sa burol. Inihilig niya paharap ang katawan niya. Nadama niya ang ihip ng hangin sa kanyang buhok. Sa tabi niya, nagbibisikleta ang kaibigan niyang si Liam.

“Pagod ka na?” sabi ni Liam.

“Hindi ‘no!” sabi ni Sam.

Nasa parke na sa tuktok ng burol ang kaibigan nilang si Eric.

Komm schon! Tara!” sigaw niya.

Nakarating sina Sam at Liam sa tuktok ng burol. Ipinarada ng mga bata ang kanilang mga bisikleta at umupo sa ilalim ng isang puno.

Dinampot ni Liam ang isang bato at itinapon ito. “Naiinip ako.” Wala masyadong mapuntahang lugar sa kanilang munting bayan sa Switzerland.

“Ako rin,” sabi ni Eric. Kinayod niya ng patpat ang lupa.

“Puwede tayong magbisikleta ulit,” sabi ni Sam.

Sumimangot si Liam. “Iyan lagi ang ginagawa natin.”

“Gumawa tayo ng isang bagay na nakakatawa!” sabi ni Eric. Tumayo siya at naglakad papunta sa paradahan ng mga bisikleta, kung saan maraming bisikleta ang nakaparada. Sinundan siya nina Sam at Liam.

Namaluktot sa kaba ang tiyan ni Sam. Kung minsan ang iniisip nina Eric at Liam na nakakatawang bagay ay hindi nakakatawa sa kanya. Hilig nina Eric at Liam na tuksuhin ang iba pang mga bata at magsabi ng masasamang bagay sa klase. Ngunit siguro’y magiging iba ang pagkakataong ito.

Hindi rin masyadong marami ang mga batang lalaki sa klase ni Sam. Kung hindi niya magiging kaibigan sina Eric at Liam, sino pa ang kakaibiganin niya?

“Alisin natin ang mga valve cap sa lahat ng gulong,” bulong ni Eric. “Maitatago natin ang mga ito sa tabi ng puno.” Lumuhod siya sa tabi ng isang makintab na pulang bisikleta at inalis ang isang maliit na plastik na cap sa isa sa mga gulong.

Tumawa si Liam. “Ayos! Magiging sobrang nakakatawa iyan.”

Bumuntong-hininga si Sam. Hindi. Hindi iba ang pagkakataong ito. “Hindi ako sigurado,” sabi niya. “Siguro umalis na lang tayo.”

Tinulak palayo ni Eric ang braso ni Sam. “Tara na!” sabi niya. “Wala namang nakatingin.”

“Maliliit na mga piyesa lang naman ang mga ito,” sabi ni Liam. “Walang ngang makakapansin na wala na ang mga ito.”

Sinubukan ni Sam na balewalain ang hindi magandang nadarama niya. Hindi masisira ang mga bisikleta kapag kinuha ang mga valve cap. Nagkibit-balikat siya at tumango.

Mabilis na inalis ng tatlong batang lalaki ang lahat ng valve cap sa mga gulong ng mga bisikleta at tumakbo pabalik sa puno. Itinago nila ang mga ito sa ilalim ng isang bato at umupo upang tingnan ang mga bisikleta. Naghagikgikan sina Liam at Eric.

Hindi nagtagal, isang lalaki ang lumakad patungo sa mga bisikleta, tinanggal sa pagkakandado ang kanyang bisikleta, at umalis.

“Kita niyo? Ni hindi nga niya napansin,“ sabi ni Liam.

Pero alam ko iyon, naisip ni Sam.

Sa buong maghapon, hindi matigil si Sam sa pag-iisip tungkol sa mga valve cap. Nais niyang ibalik ang mga ito, ngunit wala siyang paraan para mahanap ang mga may-ari ng bisikleta. Lumuhod siya at sinabi sa Ama sa Langit ang tungkol dito.

“Hindi po maganda ang nararamdaman ko,” sabi ni Sam. “Sana po ay hindi ko iyon ginawa. Patawarin po Ninyo ako, Ama sa Langit.”

Kinabukasan, muling nagbisikleta si Sam at ang kanyang mga kaibigan papunta sa parke.

Muling sinabi ni Eric, “Kunin natin ang mga valve cap!”

Muling pumayag si Liam.

Naalala ni Sam ang kanyang panalangin. At sa pagkakataong ito, nadama niyang mas matapang siya.

“Sa palagay ko hindi natin dapat gawin iyon,” sabi niya.

“Bakit naman?” sabi ni Liam, na nakasimangot. “Wala ngang ni isang nakapansin kahapon.”

“Ayaw kong may makikialam sa bisikleta ko,” sabi ni Sam. Bago pa makasagot ang sinuman sa dalawang bata, sumakay siya sa kanyang bisikleta. “Unahan tayo papunta sa panaderya!” sigaw niya. Pagkatapos ay nagsimula siyang pumidal nang mabilis sa abot ng makakaya niya.

Kinuha rin nina Eric at Liam ang kanilang mga bisikleta.

“Ang daya! Nauna ka,” sigaw ni Liam.

Ngumiti si Sam habang nagmamadaling humabol sa kanya ang kanyang mga kaibigan. Bumulong siya ng pasasalamat sa Ama sa Langit. Bumuti ang pakiramdam niya.

Page from the March 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Shane Clester