Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Talon ng Palaka
Para sa Exodo 7–13
Kuwento: Si Moises ay isang propeta. Sinabi niya kay Faraon na palayain ang mga tao ng Diyos (tingnan sa Exodo 8:1). Sinabi ni Faraon na palalayain niya sila. Pero hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Nagpadala ang Diyos ng mga palaka, kuto, langaw, at iba pang mga salot para balaan si Faraon na sundin ang propeta.
Awitin: “Propeta’y Sundin,” taludtod 5 (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59)
Aktibidad: Maglaro! Papilahin ang lahat sa isang linya. Pagkatapos ay paupuin sila nang payukyok. Ipapatong ng isang tao ang kanyang mga kamay sa likod ng isa pang tao at lulundagan ang bawat tao, na parang palaka. Maghalinhinan hanggang sa magawa ito ng lahat. Tuwing lulundag ka, magsabi ng isang paraan na masusunod mo ang propeta.
Paghati sa Dagat
Para sa Exodo 14–17
Kuwento: Inakay ni Moises ang mga tao ng Diyos palayo sa Ehipto. Pero sinundan sila ni Faraon. Binigyan ng Diyos ng kapangyarihan si Moises na hatiin ang Dagat na Pula. Tumawid ang kanyang mga tao sa tuyong lupa at tumakas mula sa mga taga-Ehipto.
Awitin: “Manunubos ng Israel” (Mga Himno, blg. 5)
Aktibidad: Isadula ang kuwento tungkol sa paghati ni Moises sa Dagat na Pula. Maaari mong gamitin ang script sa pahina 12.
Napakaespesyal na Pasko ng Pagkabuhay
Para sa Pasko ng Pagkabuhay
Kuwento: Sinabi ng propetang si Isaias na pinagdusahan ni Jesus ang ating mga kasalanan at nauunawaan ang ating mga kalungkutan (tingnan sa Isaias 53:4–5). Namatay si Jesus para sa atin at pagkatapos ay muling nabuhay. Dahil sa Kanya, tayong lahat ay mabubuhay ring muli.
Awitin: “Si Jesus ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45)
Aktibidad: Gawing napakaespesyal ang Pasko ng Pagkabuhay ngayong taon sa paggawa ng aktibidad na nasa pahina 3. Sa linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay, magbasa bawat araw tungkol kay Jesus at kulayan ang isang bahagi ng larawan. Maaari mo ring gupitin ang mga larawan sa mga pahina 24–25.
Dalhin ang mga Pasanin ng Isa’t Isa
Para sa Exodo 18–20
Kuwento: Mahirap para kay Moises na akaying mag-isa ang kanyang mga tao. Sinabi ng kanyang biyenan na si Jethro kay Moises na hayaang tumulong ang ibang mga tao na “magpasan ng pasanin” (Exodo 18:21–22).
Awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41)
Aktibidad: Patayuin ang isang tao at ipaunat ang kanyang mga kamay nang nakadipa. Maglagay ng aklat sa magkabilang kamay niya. Dagdagan ang mga aklat hanggang sa maging napakabigat na ng mga ito para buhatin. Pagkatapos ay pahawakan sa dalawang tao ang mga braso ng taong ito. Mas madali bang dalhin ang pasanin kapag may katulong ka? Paano mo matutulungan ang ibang tao? Paano ka makakahingi ng tulong?
Mga Tapyas na Bato mula sa Bundok
Para sa Exodo 24; 31–34
Kuwento: Binigyan ng Diyos ng mga kautusan si Moises sa mga tapyas na bato. Nangako ang mga Israelita na susundin ang mga ito (tingnan sa Exodo 24:7).
Awitin: “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69).
Aktibidad: Maaari ka ring mangako na susunod ka. Gumawa ng kunwa-kunwariang mga tapyas na bato mula sa papel. Pagkatapos ay idrowing o isulat sa mga ito ang mga paraan na sinusunod mo ang mga kautusan.