“Ano ang Kantang Iyon?”
Nakatulong ang pagkanta para mawala ang mga pangamba ni Caleb.
Kumaway si Caleb kay Inay para magpaalam. Siya at ang kanyang kapatid na lalaki at babae ay gugugol ng isang buong linggo sa bahay ng kanyang tita. Hindi ito gaanong malayo sa lugar na tinirhan ng pamilya ni Caleb sa Pilipinas, pero kapana-panabik pa rin ito. Magiging masayang-masaya sila!
Sumakay silang lahat sa kotse. Inihatid sila ni Itay sa bahay ng tita nila. Tumakbo si Caleb para yakapin ang tita at pinsan niya.
“Na-miss ko kayo!” sabi niya.
Ngumiti ang kanyang tita. “Na-miss din kita! Halika, may inihanda ako para sa iyo.”
Sa loob ng dalawang araw, nakipaglaro si Caleb sa mga kapatid at pinsan niya sa buong maghapon. Naglaro sila ng mga video game. Nagdrowing sila. Nagtakbuhan sila sa labas. Pero noong ikatlong araw, sumama ang pakiramdam ni Caleb. Nanghina at nanakit ang katawan niya.
“Napagod ka siguro sa kalalaro,” sabi ng tita niya. Pinainom siya nito ng isang basong tubig. Maagang natulog si Caleb.
Pagkagising niya, mas malala ang pakiramdam niya. Halos hindi siya makagalaw! May pantal-pantal na sa mga binti niya. Nag-alala ang tita niya. Tinawagan nito si Inay.
Hindi nagtagal sinundo nina Inay at Itay si Caleb at dinala sa ospital. Nagsagawa ng ilang pagsusuri ang doktor. Sinabi nito sa kanila na ang tawag sa sakit ni Caleb ay dengue. Nakakatakot iyong pakinggan.
“Mabuti at dinala ninyo siya rito,” sabi ng doktor. “Kailangan niyang manatili rito sandali para maobserbahan namin siya.”
Dinala sila ng isang nars sa isang kuwartong may tatlo pang batang maysakit. Tinulungan ni Inay si Caleb na makahiga sa kama niya. Niyakap siya nito nang mahigpit at nagdasal. Pagkatapos ay umalis na sina Inay at Itay.
Natakot si Caleb. Nagsimula siyang kumanta ng isang awitin sa Primary para gumanda ang pakiramdam niya.
“Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan?” pagkanta niya. “Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?”
Nakinig ang iba pang mga bata. “Ano ang kantang iyon?” tanong ng isang batang lalaki.
“Natutuhan ko ito sa Primary,” sabi ni Caleb. “Pinalalakas nito ang loob ko. Ipinapaalala nito sa akin na laging nariyan ang Ama sa Langit para sa akin.”
“Puwede mo bang kantahin iyong muli?” tanong ng isang batang babae. “Ang ganda.”
Nang muling kantahin ni Caleb ang awitin, nawala ang kanyang mga pangamba.
“Ano ang Primary?” tanong ng isa pang batang babae. Sinabi sa kanila ni Caleb ang lahat ng tungkol sa simbahan at sa Primary. Nagpatotoo siya tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Kinantahan ni Caleb ng mga awitin sa Primary ang iba pang mga bata araw-araw hanggang sa makauwi siya. Nagbahagi rin siya ng mga kuwento mula sa banal na kasulatan. Nakaganda iyon sa pakiramdam niya, at alam niya na nakatulong din iyon sa kanila. Natuwa siya na naibabahagi niya ang ebanghelyo, kahit sa ospital.