Pasko ng Pagkabuhay sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo
Subukan ang mga tradisyong ito sa Pasko ng Pagkabuhay mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mga Saranggola sa Pasko ng Pagkabuhay
Sa Bermuda, nagpapalipad ng mga saranggola ang mga tao bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay para ipagdiwang ang pagbangon ni Jesucristo mula sa libingan. Maaari kang gumawa ng saranggolang yari sa papel at isabit ito para ipaalala sa iyo si Jesus.
-
Gupitin ang isang papel nang hugis diamond o brilyante.
-
Magdrowing ng dalawang linya sa brilyante para ikonekta ang apat na sulok. Maaari ka ring magdikit ng mga patpat sa ibabaw ng mga linya.
-
Sa loob ng bawat isa sa apat na bahagi, isulat ang mga dahilan kung bakit mahal mo si Jesucristo. Maaari mo ring kulayan ang saranggola.
-
Magdagdag ng tali sa ibaba, at idikit sa mga lasong papel kung gusto mo. Pagkatapos ay isabit ang saranggola mo.
Mga Easter Rug
Sa El Salvador at Guatemala, ipinagdiriwang ng mga tao ang Pasko ng Pagkabuhay sa pamamagitan ng paggawa ng mga alpombra (mga rug) sa mga lansangan. Gumagamit sila ng kusot, mga bulaklak, at iba pang mga bagay para makagawa ng makukulay na disenyo na mukhang mga rug. Ang mga rug ay regalo kay Jesus.
Maaari kang gumawa ng sarili mong Easter Rug! Magpinta ng isang disenyo sa papel o gumamit ng mga halaman at chalk para makagawa ng rug sa labas.
Pagpipinta ng Itlog
Sa Australia, South Africa, Ukraine, at iba pang mga bansa, kinukulayan ng mga tao ang mga itlog para ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang mga itlog ay maaaring simbolo ng pagkabuhay na mag-uli at bagong buhay.
Sa tulong ng isang adult, magluto ng ilang itlog. Kapag malamig na ang mga itlog, dekorasyunan ang mga iyon gamit ang mga marker, pintura, krayola, o tina.
Italian Easter Bread
Sa Italy, ang mga tao ay gumagawa ng pane di Pasqua (Easter bread). Ipinapaalala sa kanila ng hugis ng wreath ang koronang tinik na inilagay ng mga kawal sa ulo ni Jesus. Gamitin ang resipe na ito para gumawa ng sarili mong tinapay.
-
Paghaluin ang 2 1/4 na kutsarang yeast 1 1/4 na tasa ng gatas na maligamgam, 1 kurot ng asin, 1/3 tasa ng tinunaw na butter, 2 itlog, at 1/2 tasa ng asukal. Pagkatapos ay magdagdag ng 3 1/2 tasa ng harina. Imasa nang mabuti. (Kung masyadong madikit ang masa, magdagdag ng kaunti pang harina.)
-
Hatiin ang masa sa 12 bola. Igulung-gulong ang bawat bola ng masa hanggang sa maging 14-na-pulgada (35-cm) ang haba.
-
Ipilipit ang dalawang pinahabang masa sa isa’t isa, at pagkabitin sa mga dulo para makagawa ng isang bilog. Gumawa ng anim na wreath.
-
Ilagay ang mga wreath sa isang minantikaang baking sheet at takpan ng tela. Itabi ang mga ito sa loob ng isang oras.
-
Painitin ang oven nang hanggang 350°F (170°C). Magbati ng isang itlog na hinaluan ng isang kutsarang tubig at ipahid ito sa mga wreath. Dagdagan ng sprinkles.
-
Ilagay ang kinulayang itlog (hilaw) sa gitna ng mga wreath, kung gusto mo. I-bake nang 20 minuto o hanggang maging golden brown.