2022
Bagong Team ni Samuel
Abril 2022


Bagong Team ni Samuel

Bibigyan ba siya ng pagkakataon ng iba pang mga bata?

two boys in basketball uniforms; one boy has one hand

Maaga pa iyon ng Sabado ng umaga. Naupo si Samuel sa may mesa sa kusina at tinitigan ang kanyang mangkok ng cereal. Wala siya talagang ganang kumain.

“Itay?” mahina niyang sabi. “Nagbago po ang isip ko. Ayaw kong makipagkita sa basketball team ko ngayon.”

“Alam ko na mahirap maging batang bagong salta, pero magkakaroon ka ng mga kaibigan,” sabi ni Itay.

“Hindi, hindi po iyon … nag-aalala lang po ako sa iisipin nila.”

Naupo si Itay sa tabi niya. “Ibig mo bang sabihin iniisip mo kung ano ang iisipin ng team mo sa isang bagong player na iisa lang ang kamay?”

Ipinanganak si Samuel na walang kaliwang kamay. Hanggang pulso lang ang kanyang kaliwang kamay.

“Opo,” sabi ni Samuel. “Dahil hindi nila ako kilala, baka isipin nila na hindi kaya ng isang batang iisa ang kamay na maglaro ng basketball.”

“Maaari nilang isipin iyan, pero mahusay kang player. At mas huhusay ka kung magpapraktis ka,” sabi ni Itay nang nakangiti. “Halika na. Kunin mo ang jersey mo at bote ng tubig. Puntahan na natin ang team mo.”

Bumuntong-hininga si Samuel. “OK po.”

Pagpasok nila sa gymnasium, lumapit ang coach.

“Hello! Ako si Coach Monroe. Ikaw siguro ang bago naming player.”

“Opo, ako si Samuel.”

“Natutuwa kaming makasama ka sa team namin,” sabi ni Coach Monroe. “Halika’t ipapakilala kita sa iba pang mga bata.”

Naupo si Itay sa isang bangko. Kinuha ni Samuel ang kanyang bola at sumunod sa coach.

“Gusto kong ipakilala si Samuel, ang pinakabago nating player,” sabi ni Coach Monroe. Kinawayan nang kaunti ng ilang bata si Samuel. “Masuwerte tayong makasama siya sa unang laro natin. Palagay ko magkakaroon tayo ng magaling na team, magandang laro, at magandang season!”

Pumito si Coach Monroe, at nagsimulang magpraktis ang team. Nakita ni Samuel na nakatitig ang ilan sa mga teammate niya nang patalbugin at ihagis niya ang bola gamit lang ang kanyang kanang kamay. Sinikap niyang hindi ito makagambala sa kanya.

Sa oras ng pahinga, tumabi ang isang batang lalaki kay Samuel sa bangko. “Hi, ako si Jackson. Ano ang nangyari sa kamay mo?”

“Wala naman. Ganito na ito nang ipanganak ako,” sabi ni Samuel.

“Ngayon lang ako nakakita ng isang taong naglalaro ng basketball na isang kamay lang ang gamit,” sabi ni Jackson. “Ang galing mo talaga.”

Ngumiti si Samuel. “Salamat.”

Muling pumito si Coach Monroe. “Sa huling 30 minuto, maglalaro tayo ng practice game.” Hinati niya sa dalawang team ang mga bata. Natuwa si Samuel na kasama niya si Jackson sa team niya.

boys playing basketball together

Nang isang minuto na lang ang natitira, pareho ng puntos ang dalawang team. Nakuha ng isa sa mga teammate ni Samuel ang bola at naghanap sa paligid ng mapapasahan nito. Si Samuel ang malapit, at handang saluhin ang bola. Pero ipinasa ito ng bata kay Jackson.

Humakbang nang ilang hakbang si Jackson. At nakita niya si Samuel at ipinasa ang bola sa kanya. Nasalo ni Samuel ang bola, pumihit, at inihagis ito papunta sa basket.

Swak! Pumasok ang bola kasabay ng pagpito ni Coach Monroe. Nagbunyi ang team ni Samuel.

“Ang ganda ng pasa,” sabi ni Samuel kay Jackson habang papunta sila sa mga bangko.

“Swak na swak,” sabi ni Jackson. “Malalaman ng iba pang mga bata na sapat na ang isang kamay para maglaro ng basketball.”

Ngumiti si Samuel at nag-high five sila ni Jackson. Nadama niya na tama si Coach Monroe. Magkakaroon sila ng magaling na team, magandang laro, at magandang season.

Page from the April 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Sandra Eide