Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Nakilala ni Harriet ang mga Missionary
Puwede ba niyang makasamang muli si Papa?
Tinitigan ni Harriet ang retrato ni Papa sa dingding. Walong buwan na mula nang mamatay si Papa. Inisip niya kung makikita pa ba niya itong muli. Labis siyang nangungulila kay Papa.
Tok, tok, tok.
Binuksan ni Harriet ang pinto ng kanilang munting apartment. May dalawang binatang nakatayo sa labas.
“Guten Tag! Hello! Mga missionary kami ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gusto naming kausapin ang inyong pamilya tungkol kay Jesucristo.”
Ngumiti si Harriet. May sinabi sila na nagpasaya sa kanyang kalooban. “Tatanungin ko si Mutti (Inay).”
Nakita ni Harriet si Mutti. “May mga missionary po sa pintuan,” sabi niya. “Gusto po nila tayong kausapin tungkol kay Jesus.”
Sumimangot si Mutti. “Sabihin mo sa kanila wala tayong panahon.”
“Pero parang ang babait po nila,” sabi ni Harriet. “Hindi naman po magtatagal.”
Tumingin si Mutti sa orasan. “Sige na nga. Ilang minuto lang.”
Pumasok ang mga missionary at kinausap sina Mutti, Harriet, at ang kapatid ni Harriet na si Carmen. Ikinuwento nila sa kanila si Jesus at ang isang aklat na tinatawag na das Buch Mormon, ang Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay binigyan nila ang pamilya ni Harriet ng isang kopya nito para basahin.
“Siguro maaari naming basahin ang ilang pahina,” sabi ni Mutti, habang binubuklat ang aklat. Nang sumunod na ilang araw, nagbasa nang nagbasa si Mutti. Binasa niya nang malakas ang ilang bahagi kina Harriet at Carmen.
Sana mabasa ito ni Papa. Magugustuhan niya ito, naisip ni Harriet.
Nang bumalik ang mga missionary, nagturo sila tungkol sa plano ng Diyos. “Nabuhay tayo sa piling ng Diyos bago tayo isinilang. Naparito tayo sa lupa para matuto at maging katulad Niya. Kapag namatay tayo, makakasama natin Siyang muli.”
Paano na si Papa? naisip ni Harriet.
Tumingin ang missionary kay Harriet. “Dahil si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, maaari nating makasama ang ating pamilya magpakailanman. Kahit ang mga mahal natin sa buhay na namatay na.”
Nakadama ng pag-asa si Harriet. Maaari niyang makasamang muli si Papa! Malaki rin ang ngiti ni Mutti—ang una sa loob ng mahabang panahon.
Patuloy na natuto sina Harriet, Mutti, at Carmen mula sa mga missionary. Nagsimba sila. Naging kaibigan ni Harriet ang isang mabait na batang lalaki na nagngangalang Dieter.
Ngayon dama sa apartment ni Harriet na parang may sikat ng araw sa bawat kuwarto. Hindi nagtagal nagdesisyon si Harriet at ang kanyang pamilya na magpabinyag.
Noong gabi bago sila nabinyagan, lumuhod si Harriet kasama sina Mutti at Carmen para manalangin. “Ama sa Langit,” sabi ni Harriet, “lubos kaming nagpapasalamat para sa mga missionary, sa ebanghelyo, at sa aming pamilya. Sabik na po kaming mabinyagan.”
Nang magmulat si Harriet ng kanyang mga mata, tumingin siya sa retrato ni Papa at ngumiti. Sabik na siyang makita siyang muli balang-araw.