Isang Piraso Lang?
Nahirapang maupo nang tahimik si Todd sa sacrament meeting. Nagkuyakoy siya. Malikot siya sa kanyang upuan.
Mahilig kumandong si Todd kay Itay sa simbahan. Pero wala ngayon si Itay. “Todd,” bulong ni Inay. “Oras na para maging mapitagan sa oras ng sakramento.” Binigyan niya ito ng kopya ng Kaibigan.
Tiningnan ni Todd ang mga larawan. Pero hindi nagtagal ay nagsawa siya sa pagiging tahimik. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang sanggol na kapatid na si Sarah. Humawak si Sarah sa kanyang mga daliri. Ngumiti si Todd.
Hindi nagtagal ay ipinasa sa kanya ang tray ng tinapay. Gutom na si Todd. Dalawang kamay ang ginamit niya para kumuha ng maraming tinapay. Sumimangot si Inay. Sabi niya, “Sa susunod, isa lang ang kunin mo.”
Pagkatapos ng miting, ngumiti si Inay kay Todd. “Salamat sa pagtulong mo kay Sarah habang wala si Itay.”
Gustung-gusto ni Todd na tulungan si Inay sa simbahan. Naisip niya ang lahat ng tinapay na kinuha niya.
“Sori po sa pagkuha ko ng maraming tinapay. Bakit po ba isang piraso lang ang kinukuha natin?” tanong niya.
Niyakap ni Inay si Todd. “Hindi tayo kumukuha ng tinapay dahil gutom tayo. Kumukuha tayo ng tinapay para alalahanin si Jesus. At isang piraso lang ang kinukuha natin para lahat ay makakuha ng isang piraso para alalahanin si Jesus.”
Nagsikap pa nang husto si Todd na maging mapitagan sa simbahan nang sumunod na linggo. Isang piraso lang ng tinapay ang kinuha niya. Masaya siya na maaalala niya si Jesus. Gusto niyang tulungan ang iba na alalahanin din si Jesus.