Matapang na mga Kaibigan
Naganap ang kuwentong ito sa USA.
Gusto ni Molly na maging matapang na tulad ng kanyang kaibigan.
Tumunog ang bell. Ipinasok ni Molly ang kanyang mga aklat sa kanyang bag. Uwian na sa eskuwela, at sabik na siyang magkatapusan ng linggo!
“Tandaang maging handa sa Lunes para sa report ninyo sa history,” sabi ni Mr. Miller. “Maging masaya sana ang katapusan ng linggo ninyo, mga bata.”
Tumingin si Molly kay Anisha. Nakayuko ito , at mukhang nag-aalala.
“Hoy, Anisha,” sabi ni Molly. “OK ka lang ba?”
Bumuntong-hininga si Anisha. “Natatakot akong magreport sa Lunes. Nagsikap ako nang husto sa English ko mula nang lumipat kami rito. Pero nahihirapan akong bigkasin ang mga salita sa history book natin.”
Pinag-isipan iyon ni Molly. Napakahirap lumipat sa ibang bansa at matuto ng bagong wika.
“Makakatulong ba kung magkasama tayong magpapraktis?” tanong ni Molly.
Tumango si Anisha. “Gusto ko iyan.” Maaari din siguro nating pag-aralan ang ating bokabularyo.”
“Sige!” sabi ni Molly. “Makakatulong iyan sa ating dalawa!”
Pagsapit ng Lunes ng umaga, tumayo si Mr. Miller sa harapan ng klase. “Sisimulan natin ang klase ngayon sa mga report natin.”
Lumingon si Molly at ngumiti kay Anisha. Gumanti ng ngiti si Anisha, pero kita ni Molly na nag-aalala siya.
May ilan pang nagbigay ng report nila. Pagkatapos ay si Anisha na ang magrereport. Naghagikgikan ang mga tao nang lumakad siya papunta sa harapan ng klase. Nakaturo sa kanya ang ilan at nagbulungan.
Huminga nang malalim si Anisha. Medyo nanginginig ang paghawak niya sa papel.
Tahimik na nagdasal si Molly. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo si Anisha na makapagreport nang maayos. At ipaalam po Ninyo sa akin kung paano ko siya matutulungan.
Hiniling ng titser sa mga estudyante na makinig nang tahimik. Pero nakarinig pa rin ng bulungan si Molly. Nang subukang bigkasin ni Anisha ang mahihirap na salita, nagtawanan ang ilang tao. Ginusto ni Molly na mapigilan niya ang mga bata sa paghahagikgikan at pagbubulungan. Siniguro niyang nakangiti siya sa tuwing titingin sa kanya si Anisha.
Nang makatapos si Anisha, lumakad siya pabalik sa desk niya. Nakita ni Molly ang mga luha sa mga mata ni Anisha. Yumuko si Anisha sa desk niya.
Pagkatapos ay si Molly na ang magrereport. Lumakad siya papunta sa harapan ng silid. “Bago ako magsimula, gusto kong sabihin na napakagaling ng report ni Anisha.”
Nagtaas ng ulo si Anisha.
“Iilang buwan pa lang siya rito, at napakahusay na niya sa English. Masipag siya at hindi sumusuko. Sana maging kasintapang niya ako.”
Pagkatapos ng klase kinuha ni Molly ang kanyang mga aklat. Gusto niyang kausapin si Anisha. Pero marami nang iba pang mga estudyanteng nakapaligid kay Anisha. Magaganda ang sinasabi nila sa kanya.
“Ang galing ng report mo, Anisha!” sabi ng isang batang lalaki.
“Mahirap bigkasin ang ilan sa mga pangalan ng mga tao at lugar!” sabi naman ng isang batang babae.
Ngumiti si Molly at muling nagdasal nang tahimik. Pinasalamatan niya ang Ama sa Langit sa pagtulong sa kanya na maging kasintapang ni Anisha.