Mga Team at Talento
Ang pinakamahuhusay na team ay nagtutulungan at tinutulungan ang isa’t isa na mas humusay pa.
“Takbo, Jillian, takbo!” sigaw ni Itay. Ang tatay ni Jillian ang coach ng kanyang football team. Nag-eensayo silang mabuti para maghanda sa championship game. Mainit ang sikat ng araw, pero patuloy na tumakbo si Jillian.
Sa wakas pumito na si Itay. “OK, pahinga muna tayo.”
Kinuha ni Jillian ang kanyang bote ng tubig at naupo sa bangko kasama ng mga batang lalaki. Siya lang ang babae sa team, pero ayos lang ito sa kanya. Nagtulungan silang lahat at tinulungan ang isa’t isa na mas humusay pa. Kahit pagod na siya at pawis, masaya siyang makipaglaro sa kanyang team.
“Itay, kumusta po ang praktis natin ngayon?” tanong niya.
Ngumiti si Itay. “Magaling! Palagay ko’y handa na ang team para sa laro.”
Gumanti ng ngiti si Jillian. Sulit ang lahat ng kanilang pagod at pagsisikap!
Sa kanyang pag-uwi mula sa praktis, nakita ni Jillian ang kaibigan niyang si Mei. Magkasama sila sa klase sa Primary. Pero matagal nang hindi dumadalo si Mei sa Primary.
Ngumiti si Jillian kay Mei. “Hi, Mei! Na-miss kita sa Primary. Ayos ka lang ba?”
Napatingin si Mei sa kanyang sapatos. “Ayaw ni Inay na magsimba ako.”
“Bakit?”
“Hindi ko alam.” Itinaas ni Mei ang kanyang ulo. “Sige, una na ako.”
Kumaway si Jillian at minasdan si Mei na umalis. Paano ko matutulungan si Mei? naisip niya.
Nang makauwi si Jillian, tinugtog niya ang ilang awitin sa Primary sa kanyang ukulele. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang kanyang mga kapatid na kumanta. Kumanta sila hanggang sa tawagin sila ni Inay para maghapunan.
“Bibisitahin ko si Sister Aurea bukas,” sabi ni Inay.
“Si Sister Aurea ang nanay ni Mei, tama po ba?” tanong ni Jillian. “Pwede po ba akong sumama? Hindi po dumadalo si Mei sa Primary. At nang makita ko siya kanina, parang malungkot siya.”
“Sige, sumama ka,” sabi ni Inay.
“Dadalhin ko po ang ukulele ko! Puwede akong tumugtog ng mga awitin sa Primary. Tiyak na nami-miss na niya ang pagkanta nito,” sabi ni Jillian.
Pagdating nila sa bahay ni Mei kinabukasan, niyakap ni Jillian si Mei. Habang nag-uusap ang kanilang mga nanay, lumabas ang mga batang babae. Tinugtog ni Jillian ang kanyang ukulele, at pinili ni Mei ang mga awitin. Masaya silang nagtawanan at kumakanta hanggang sa oras na para umalis si Jillian.
“Masaya akong makita ka,” sabi ni Jillian. “Nami-miss ka namin sa Primary.”
“Oo, sana nga makapunta ako. Siguro tatanungin ko ulit ang nanay ko.”
Nang sumunod na Linggo, nasa simbahan si Mei. Umupo si Jillian sa tabi niya. “Masayang-masaya ako na nakarating ka,” sabi niya.
Ngumiti si Mei. “Ako rin.”
Makalipas ang ilang araw, oras na para sa malaking laro ng football. Hiniling ni Jillian sa team na magdasal bago maglaro. Pagkatapos ay oras na para maglaro. Tumakbo nang mabilis si Jillian. Nakipagtulungan siya sa kanyang team para makuha ang bola at makakuha ng puntos. Nanalo ang team niya sa laro!
Nang gabing iyon habang nakahiga siya sa kama, naisip ni Jillian si Mei at ang kanyang football team. Masaya siyang maging bahagi ng isang team, tulad ng masaya siyang maging bahagi ng Primary. Nagtutulungan sila. Masaya si Jillian na mayroon siyang mga kaibigan, sa simbahan man o sa football field.