2022
Paghahalinhinan sa Simbahan
Mayo 2022


Paghahalinhinan sa Simbahan

girl waving to mom and daughter

“Pag-uwi mo, sabihin mo sa akin kung anong mga awitin ang kinanta ninyo sa Primary,” sabi ni Jenny.

“Sige!” sabi ng kapatid niyang si Miriam habang isinusuot niya ang kanyang sapatos.

Hindi lahat sa pamilya ni Jenny ay maaaring magsimba tuwing Linggo. May anim na tao sa pamilya ni Jenny. Pero sapat lang ang pera ni Mamá para makabili ng dalawang tiket sa bus bawat linggo. Kaya kinailangan nilang maghalinhinan sa pagsakay sa bus papunta sa simbahan.

Gusto sana ni Jenny na makapunta siya linggu-linggo. Gustung-gusto niyang natututo tungkol kay Jesucristo. Mahilig siyang kumanta sa Primary. Gusto niyang makita ang kanyang mga kaibigan. Higit sa lahat, gusto niyang madama ang mainit at masayang pakiramdam kapag siya ay nasa simbahan. Pero ngayon ay kailangan niyang lumagi sa bahay.

“Oras na para umalis!” Niyakap ni Mamá si Jenny at ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae at nagpaalam.

Sinikap ni Jenny na ngumiti habang paalis sina Miriam at Mamá. Pero parang may nakabara sa kanyang lalamunan habang minamasdan niya silang lumakad palayo. Sana makapunta rin ako, naisip ni Jenny. Palaging mahirap ang lumagi sa bahay.

“Gusto mong magkulay?” Ipinakita ng kapatid ni Jenny na si Marco ang ilang krayola at papel.

Tumango si Jenny.

Nang sumunod na ilang oras, nagbasa si Jenny ng mga kuwento at nagkulay kasama si Marco at ang kanilang mga ate. Masaya, pero patuloy na iniisip ni Jenny ang simbahan. Nag-aaral ba sila ng mga bagong awitin sa Primary ngayon? Tungkol saan ang lesson sa araw na ito?

Sa wakas ay narinig ni Jenny na bumukas ang pinto sa harapan. Nakauwi na sina Mamá at Miriam!

“Mamá!” Miriam!” Nagmamadaling nagpunta si Jenny sa pintuan at niyakap sila.

Ibinaba ni Mamá ang kanyang bag. “Pag-usapan natin ang natutuhan namin sa simbahan.”

Sama-samang umupo ang lahat. Inilabas ni Mamá ang maliit na himnaryo na nasa kanyang pitaka. Inawit ng pamilya ni Jenny ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan.” Alam niya ang lahat ng salita.

Pagkatapos ay tinanong ni Jenny si Miriam tungkol sa Primary. Binuklat ni Miriam ang kanyang Aklat ni Mormon at inilabas ang isang nakatuping papel. Itinaas niya ito para makita ng lahat. Ito ay isang larawan ni Jesus na kinulayan niya kasama ang ilang bata.

drawing of Jesus with two children

“Kinulayan namin ang isang larawan at inawit ang ‘Sinisikap Kong Tularan si Jesus.’ Pagkatapos ay pinag-usapan namin kung paano matutulungan ni Jesus ang lahat.”

“Pinag-usapan din namin iyan sa Relief Society,” sabi ni Mamá. “Matutulungan tayo ni Jesucristo kapag tayo ay natatakot o nalulungkot.” Inilabas ni Mamá ang isang papel mula sa kanyang pitaka. “Ibinigay ng titser ang siping ito mula sa propeta. ‘Kapag pinili ninyong mabuhay sa panig ng Panginoon, hinding-hindi kayo nag-iisa.’”*

mom and children sitting on floor in circle

“Kahit dito sa bahay!” sabi ni Jenny.

Ngumiti si Mamá. “Kahit sa bahay. Lagi nating madarama na malapit sa atin ang Tagapagligtas.”

Ngumiti nang todo si Jenny. Hindi siya nakakapagsimba linggu-linggo. Pero nadarama niyang malapit siya kay Jesus sa bahay. At sabik na sabik siyang magsimbang muli.

  • Pangulong Russell M. Nelson, “Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” (debosyonal ng Church Educational System para sa mga young adult, Set. 6, 2013), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

Page from the May/June 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Laura Catrinella