Ang Desisyon na Maglaro ng Footy
Gusto ni Sam na maglaro ng footy, pero gusto rin niyang gawing banal ang araw ng Sabbath.
Minasdan ni Sam ang pulang bola na palapit sa kanya. Nasalo niya ito tulad ng napraktis niya kasama si Itay. Iyon ang unang araw niya sa pagpapraktis ng larong footy at unang taon niya ng paglalaro sa tunay na team.
Pagkatapos ng praktis, kumaway si Sam para magpaalam sa kanyang mga kasama sa team.
“Magkita tayo sa susunod na linggo!” sabi ng isa sa kanila.
Sumakay si Sam sa kotse ni Inay para umuwi.
“Nalaman ko ngayon lang na ang mga laro para sa footy team mo ay tuwing Linggo,” sabi ni Inay. “Ano sa palagay mo ang dapat nating gawin?”
Tahimik si Sam. Kung magsisimba siya sa araw ng Linggo, hindi siya makakapaglaro ng footy kasama ng kanyang team. Pero kung maglalaro siya, marahil ay hindi siya makakapunta sa simbahan. Gusto niyang gawin ang dalawang ito! “Puwede ba tayong magpunta sa mga laro bago ang oras ng simba?” tanong niya.
“Aabutin ng isang oras na pagmamaneho papunta sa simbahan. At, kailangan natin ng oras para makapaghanda bago tayo magsimba,“ sabi ni Inay.
Alam ni Sam na tama si Inay. Mayroon siyang mas batang kapatid na babae at sanggol na kapatid na lalaki. Palaging matagal bago makapaghanda ang lahat para magsimba.
“Pero ang pinakamahalaga ay na gusto nating gawin ang mga bagay sa araw ng Linggo na nagpapaalala sa atin tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit,” sabi ni Inay. Pagkaraan ng isang minuto idinagdag niya, “Siguro puwede kang magpunta sa praktis ng footy tuwing Huwebes at magsimba tuwing Linggo.”
Dumungaw si Sam sa bintana. Gusto niyang nagsisimba at nalalaman ang tungkol kay Jesus tuwing Linggo. Alam niya na ang isang paraan para maging katulad ni Jesucristo ay ang panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Pero malulungkot siya na hindi makadalo sa kanyang footy games.
Hindi alam ni Sam kung ano ang gagawin. Pagkatapos ay may naisip siya.
“Ipagdasal natin ito,” sabi ni Sam. “Magdarasal ako habang patuloy po kayong nagmamaneho.” Humalukipkip siya at pumikit. Medyo kakatwang manalangin sa loob ng kotse. Pero alam niyang puwede siyang magdasal kahit saan. Sa kanyang panalangin, ipinaliwanag niya sa Ama sa Langit ang nangyari.
“Tulungan po Ninyo akong piliin ang tama,” sabi niya. Nang matapos na siya, sinabi niyang amen. Nagsabi rin si Inay ng amen.
Maganda ang naramdaman ni Sam sa kanyang puso. Alam niya kung ano ang gagawin.
“Ano sa palagay mo?” tanong ni Inay.
“Gusto kong magpraktis tuwing Huwebes at magsimba tuwing Linggo.” Ngumiti si Sam. “Alam ko na mahalagang gawing espesyal ang araw ng Linggo.”
“Parang magandang plano iyan,” sabi ni Inay.
Noong linggong iyon, nagpunta si Sam sa praktis ng footy game sa araw ng Huwebes. Pagsapit ng Linggo, nagsimba siya. Marami pa siyang nalaman tungkol kay Jesus. Masaya si Sam na nakapunta siya kapwa sa simbahan at sa footy game, kahit hindi siya nakapaglaro. Maganda sa pakiramdam ang mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.