Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Si Tom at ang Kakila-kilabot na Trangkaso
Alam ni Tom na tutulungan sila ng Diyos.
“Heto na po, Tamā (Itay),” mahinang sabi ni Tom. Dahan-dahang umupo ang ama ni Tom sa kanyang banig. Tinulungan siya ni Tom na sumipsip ng sabaw ng buko.
Ilang araw nang maysakit si Tamā at ang iba pang kapamilya ni Tom. Halos lahat ng nasa nayon ay maysakit rin. Isang pandemya ang dumapo sa isla—ang Spanish flu.
Naglakad si Tom sa labas. Isa siya sa mga iilang tao na walang sakit para alagaan ang iba. At maraming pamilya ang nangailangan ng tulong.
Kailangan ko pa ng mas maraming sabaw ng buko, naisip ni Tom. Umakyat siya sa isang mataas na puno ng niyog. Pagdating niya sa tuktok, pumili siya ng ilang buko at ibinato ang mga ito sa lupa.
Habang pababa na siya, naisip ni Tom ang mga tao sa kanyang nayon. Nakakatakot makita ang napakarami sa kanila na maysakit.
Isang taon bago iyon, nagkasakit ang nakababatang kapatid ni Tom na si Ailama. Nakakatakot din iyon. Ipinagdasal siya ni Tom at ng kanyang pamilya na gumaling siya.
Pagkatapos ay nagkaroon ng espesyal na panaginip si Tamā. Ipinakita sa kanya sa panaginip kung paano tutulungan si Ailama na gumaling—sa pamamagitan ng pagbayo sa balat ng puno ng wiliwili para makuha ang katas nito. Tinulungan ni Tom si Tamā sa pag-aalaga kay Ailama, at binigyan nila siya ng katas mula sa puno. At gumaling nga si Ailama!
Alam ni Tom na tinulungan sila ng Diyos noon. At alam niya na tutulungan sila ngayon ng Diyos.
Binuksan ni Tom ang mga buko. Ang mabangong sabaw ng buko ay nagpabuti sa kanyang pakiramdam. Naglakad siya papunta sa susunod na bahay sa nayon para mamigay ng sabaw sa kanyang mga kapitbahay. Pagkatapos ay pumunta siya sa kasunod na bahay. At sa kasunod pa.
Lumipas ang mga linggo. Bawat araw ay nagsikap nang husto si Tom na alagaan ang lahat. Nanghuli siya ng mga manok para makapagluto siya ng mainit na sopas na ipamimigay. Dinala niya ang mga timba ng tubig mula sa batis para makainom ang mga tao.
Namatay ang ilan sa mga tao sa nayon. Namatay rin si Tamā. Talagang mahirap ito para kay Tom. Nalungkot ang buong nayon. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, naalala ni Tom na mahal siya ng Diyos at tutulungan siya.
Hindi tumigil si Tom sa pagtulong sa mga tao. At makalipas ang ilang panahon, nagsimulang gumaling ang mga tao!
Kalaunan ay nagwakas ang pandemya ng trangkaso. Hindi na nagkasakit ang mga tao. Nakapasok na ulit sa paaralan sina Tom at Ailama. Laging nangungulila si Tom kay Tamā. Pero alam niya na balang-araw ay makikita niyang muli ang kanyang ama. At alam niya na palaging nariyan ang Ama sa Langit para tulungan siya.