Panatilihing Ligtas si Rufus
Kinain ni Estelle ang kanyang huling kagat ng masarap na enchiladas ni Mama at inilayo ang kanyang upuan sa mesa ng patyo. Maalinsangang gabi iyon ng tag-init—tamang-tama para kumain sa labas. At tamang-tama para sa paglalaro! Hindi na siya makapaghintay na makipaglaro ng fetch sa kanyang asong si Rufus.
Pero kailangan muna niyang linisin ang mesa. Pinagpatung-patong niya ang mga plato. Alam niyang gumigiray na ang mga plato. Pero ayaw niyang maglabas-pasok sa bahay.
Binalanse ni Estelle ang salansan sa isang kamay at maingat na binuksan ang pinto gamit ang isa pang kamay. Pero nagsimulang tumagilid ang salansan ng mga plato. Blag! Dalawang plato ang bumagsak sa patyo, sa tapat mismo ng pinto. Tumakbo si Itay para tingnan kung ano ang nangyari at kinuha ang walis. At nakita ni Estelle si Rufus. Papunta siya sa pintuan.
“Rufus! Huwag mong tapakan ang mga basag na plato!” Tumakbo siya paikot sa mesa at tumalon sa harapan niya. “Huwag! Rufus, diyan ka lang!”
Pero hindi tumigil si Rufus. Sinikap ng aso na pumunta sa kanya. Yumuko si Estelle at iniunat ang kanyang kamay sa aso.
“Rufus, sinisikap kong panatilihin kang ligtas,” sabi niya. “Matatalim ang mga piraso ng plato. Masusugatan ang mga paa mo.”
Pagkatapos ay may naisip na ideya si Estelle. “Nasaan ang bola mo? Gusto mo bang maglaro ng fetch?” Tumalikod si Rufus para hanapin ang kanyang bola. Ngayon ay ligtas na siya.
Habang winawalis niya ang mga basag na plato kasama si Itay, naisip ni Estelle kung bakit niya sinabi kay Rufus na huwag magpunta doon. Kung matatapakan niya ang mga basag na plato, masasaktan siya. Hindi niya magagawa ang gusto niyang gawin—tulad ng paglalaro ng fetch.
Laging sinasabi ni Itay na nagbibigay ang Ama sa Langit ng mga kautusan para manatili tayong masaya at ligtas. Ngunit kung minsan ay iniisip ni Estelle na ang mga kautusan ay parang mas katulad ng mga patakaran na humahadlang sa kanya na gawin ang gusto niya.
Tiningnan ni Estelle ang mga basag na piraso. Siguro ay hindi ang sagot ng Ama sa Langit sa ilang bagay dahil sinisikap Niyang manatili rin akong ligtas, naisip niya.
Tumakbo si Rufus papunta kay Estelle at ibinaba ang bola sa kanyang paanan. Kinamot ni Estelle ang kanyang mga tainga. Pagkatapos ay inihagis niya ang bola at tumawa habang tumatakbo si Rufus para habulin ito.
Ligtas na si Rufus. At masaya siya! Nais ni Estelle na patuloy na sundin ang mga kautusan ng Ama sa Langit para manatiling masaya at ligtas din.