2022
Ang Job Test
Mayo 2022


Ang Job Test

Isang pagkakamali ito!

boy in lab coat holding up flowers

“Ano ang gusto mong trabaho paglaki mo?” tanong ni Mrs. Lu sa klase.

Madali lang sagutin ito! Gusto kong maging siyentipiko. Sa isip ko’y nakita kong nakasuot ako ng lab coat at gumagawa ng kahanga-hangang mga eksperimento.

“Ngayon bawat isa sa inyo ay kukuha ng test sa computer na magsasabi sa inyo kung anong mga trabaho ang maaari ninyong ikasiya balang-araw,” sabi ni Mrs. Lu.

Hindi nagtagal nasa computer na ako, at kumukuha na ng test. Sinagot ko ang lahat ng tanong at humihinga nang malalim nang pindutin ko ang “finish” button.

Siyentipiko! Artist! Astronaut! ang naisip ko habang naglo-load ang mga resulta. Kamangha-mangha ang mga trabahong iyon.

Pero hindi binanggit ng mga resulta ang alinman sa mga trabahong iyon. Tiningnan ko ang listahan. Parang maganda rin ang graphic designer. Hindi ako sigurado sa baker. O event planner.

Ang pinaka-nakakagulat ay ang pinakamataas na resulta. Sinabi nito sa akin na labis akong masisiyahan sa pagiging … florist.

Ano?! Isang taong nag-aayos ng mga bulaklak? naisip ko. Isang pagkakamali ito!

Pero alam kong tapat kong sinagot ang bawat tanong. Nag-init ang mukha ko. Ayaw kong makita ng mga kaibigan ko ang mga resulta ko, kaya nagmadali ako at pinatay ang computer.

“Astig!” sabi ng matalik kong kaibigang si Dan. “Ang pinakamataas kong resulta ay website designer!”

“Ang galing naman,” pagbulong ko. “Pero sa palagay mo, tama ba talaga ang test na ito tungkol sa dapat na maging trabaho natin?”

“Sabagay, test lang iyan,” sabi ni Dan, na nagkibit-balikat. “Ano ang pinakamataas sa trabaho mo?”

Nanlamig ako sa takot. “Malamang mali ito. Pero sinabi nito sa akin na dapat akong maging florist.”

Nangyari nga ang kinatatakutan ko. Nagsimulang tumawa si Dan.

“Sabi ko na nga ba, gusto mong maging trabaho ang pumitas ng mga bulaklak! Palagi namang mga kakatwang bagay na tulad niyon ang gusto mo,” biro ni Dan.

“Hindi ‘no!” inis na sagot ko. “Ni ayaw ko ng mga bulaklak.”

Ngumiti si Dan at muling humarap sa kanyang computer. Nagsimulang sumakit ang tiyan ko. Hiyang-hiya ako! Tama ba ang test? Tama ba si Dan?

Habang naglalakad pauwi mula sa paaralan, nahihiya pa rin ako sa mga resulta ng test ko. Naisip ko ang lahat ng bagay na gustung-gusto kong gawin, tulad ng paggawa ng sining at pagtugtog ng piyano. Medyo kakaiba ang mga ito sa mga bagay na gusto ng ilan sa iba pang mga batang lalaki sa klase ko.

Siguro nga kakatwa ako, naisip ko. Napuno ng luha ang mga mata ko habang naglalakad ako papasok ng bahay.

“Ano’ng problema mo, Jeff?” tanong ni Itay. “May nangyari ba sa paaralan?”

Umupo ako at sinabi ko sa kanya ang lahat ng tungkol sa job test at kung ano ang nadama ko na kakaiba sa iba pang mga batang lalaki.

“Alam mo, Jeff,” sabi niya, “ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit ang iyong mga talento. Mahal ka Niya at nais Niyang paunlarin mo ang mga ito. At mahal rin kita! Hindi ka weird dahil sa gusto mo ang mga bagay na kaiba sa gusto ng mga kaibigan mo.”

“Talaga po?” tanong ko.

Tumango si Itay. “Dapat ay maging magkakaiba tayong lahat. Gusto kong mahalin mo kung sino ka. At tandaan mo, ang test ay para bigyan ka lang ng ilang ideya kung ano ang maaaring gusto mong gawin. Hindi ibig sabihin nito na talagang iyon na ang trabahong mapupuntahan mo. Maaari kang gumawa ng sarili mong mga pagpili. Pero kung pipiliin mong maging florist balang-araw, sigurado akong magiging mahusay ka rito!”

“Salamat po, Itay.” Niyakap ko siya nang mahigpit. Hindi na masakit ang tiyan ko.

Kinabukasan sa paaralan, umupo si Dan sa tabi ko sa tanghalian. “Uy, Jeff,” sabi niya. “Sori pinagtawanan kita. Palagay ko magiging mahusay ka sa anumang trabaho mo!”

“Salamat, Dan,” sabi ko. “Malay mo—baka magkaroon ako ng sarili kong tindahan ng bulaklak at ikaw ang gagawa ng website ng tindahan ko!”

“Sige,” sabi ni Dan, na nakangiti. “Baka ako rin ang maging unang kostumer mo!”

PDF of story

Larawang-guhit ni Mark Robison