2022
Kaunting Dagdag na Tulong
Nobyembre 2022


Kaunting Dagdag na Tulong

Parang mas masayang marinig ang mga buto ng dinosaur kaysa sa speech therapy.

A young boy walks through his classroom at school. He looks sad. A man holds up a dinosaur bone.

“Alex, oras na para magpunta sa speech therapy,” sabi ni Miss Jenkins.

Yumuko si Alex. Ang speech therapy ay isang espesyal na klase na pinupuntahan niya. Nahihirapan siya noon na bigkasin ang ilang salita at tunog. Kaya kailangan niyang praktisin ang mga iyon sa speech class nang ilang beses sa isang linggo. Tuwing lilisanin niya ang kanyang regular na klase, hiyang-hiya siya!

Tumingin siya sa kanyang guro. “Puwede po bang hindi dumalo?” bulong niya. “Ngayon lang po?”

Ngayon, darating si Mr. Timmons sa klase ni Alex para magsalita tungkol sa mga dinosaur. Nagtrabaho si Mr. Timmons sa isang museo na maraming buto ng dinosaur. Magdadala pa nga siya ng isang buto na libu-libong taon na ang tanda! Ayaw itong palampasin ni Alex.

Ngumiti si Miss Jenkins. “Kailangan mo pa ring pumunta sa speech class mo. Pero baka maabutan mo pa ang huling bahagi ng pananalita ni Mr. Timmons.”

Sinubukang ngumiti ni Alex, pero hindi niya magawa. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa speech therapy classroom. Sa klase, nagpraktis sila ng pagbigkas ng iisang tunog nang paulit-ulit. Mas masaya sanang matuto tungkol sa mga dinosaur.

“Ayaw ko talagang bigkasin ang nakakainis na mga tunog na ito,” sabi niya sa speech therapy teacher niya. “Parang napaka-baby ko.”

“Hindi ka naman baby,” sabi niya. “Kailangan nating lahat ng kaunting dagdag na tulong kung minsan. Alam mo ba na nagpunta ako sa speech therapy noong kaedad mo ako?”

Medyo gumanda ang pakiramdam ni Alex doon. Nagsikap siya sa buong oras ng klase na magpraktis ng kanyang mga tunog.

Nang bumalik si Alex sa classroom ni Miss Jenkins, nakita niyang paalis ang kaibigan niyang si Courtney.

“Saan ka pupunta?” tanong niya.

Tumungo si Courtney. “Nahihirapan akong magbasa. Kailangan kong dumalo sa isang espesyal na klase sa pagbabasa.” Parang nahihiya si Courtney.

“Hoy, ayos lang iyon,” sabi ni Alex. “Kagagaling ko pa lang sa speech class ko. Buong oras kong inulit-ulit ang iisang tunog.” Pinisil-pisil niya ang ilong niya.

“Talaga?”

Tumango siya. “Dalawang taon na akong dumadalo sa speech therapy.”

“Bakit hindi ko alam?” tanong niya.

Nagkibit-balikat si Alex. “Wala naman akong sinabihan. Natakot ako na baka pagtawanan nila ako.”

“Hindi kita pagtatawanan kahit kailan,” sabi ni Courtney. “Natutuwa ako’t naabutan mo pa at nakita ang buto ng dinosaur. Ang galing talaga!” Kumaway siya. “Kailangan ko nang umalis. Magkita tayo mamaya.”

Hindi nagtagal, nalaman ni Alex na hindi lang sila ni Courtney ang dumadalo sa iba pang mga klase. Dumadalo si Tommy sa isang klase para matuto siya ng mas magandang pakikisama. At nakipagtulungan si Bekah sa isang special teacher para mapalakas ang braso niya matapos niyang masaktan ito.

Ngayon ay hindi na gaanong masama ang pakiramdam ni Alex sa kanyang speech class. Gusto niyang tulungan ang iba pang mga bata na gumanda rin ang pakiramdam. Nagpraktis sila ni Courtney na magbasa at kinausap niya si Tommy sa tanghalian. Kailangan ng lahat ng kaunting dagdag na tulong kung minsan, at OK lang iyon!

This image is #1 listed below. A series of spot illustrations of children. 1. A girl reading. 2. A boy talking. 3. A girl with a broken arm in a sling.

Tumatanggap ako ng dagdag na tulong sa pagbabasa.

This image is #2 below.  A series of spot illustrations of children. 1. A girl reading. 2. A boy talking. 3. A girl with a broken arm in a sling.

Tumatanggap ako ng dagdag na tulong sa mga kasanayan sa pakikisama.

This image is #3 listed below. A series of spot illustrations of children. 1. A girl reading. 2. A boy talking. 3. A girl with a broken arm in a sling.

Tumatanggap ako ng dagdag na tulong sa kamay ko.

story PDF

Mga larawang-guhit ni Mark Robison