Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Nahanap ni Felipe ang Daan
“Tulungan Ninyo kaming mahanap ang daan,” pagdarasal ni Felipe.
Alam ni Felipe na gumagabi na. Tumigil na sa paghuni ang mga ibon, at malakas ang huni ng mga kuliglig. Mahigit dalawang oras na silang nakapaglakad ng kanyang ina sa gubat. Pero bawat landas na tinahak nila ay kamukha ng huli. Tuluyan na silang naligaw.
Talagang natatakot na si Felipe. Gaano katagal sila mananatiling buhay sa gubat na ito? Sampung taong gulang pa lang naman siya. Hindi sapat ang edad na iyon para labanan ang isang ahas o baboy-ramo! At ano ang iba pang nakakatakot na mga nilalang na gumagala paglubog ng araw? Kinilabutan siya sa naiisip niya.
Maging matapang, sabi niya sa sarili niya. Alam niya na kailangan niyang maging matapang.
Pinangarap ni Felipe na sana’y naroon ang tatay niya. Pero namatay ito anim na buwan na ang nakararaan. Nang mawala ito, nahirapan sa buhay si Felipe at ang nanay niya. Wala na silang pera at pagkain.
Inasam ni Felipe na makarating sila kaagad sa bahay ng ate niya sa kabilang panig ng bundok. Mabibigyan sila nito ng kaunting perang pambili ng bigas.
Taos-puso siyang nagdasal. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo kaming mahanap ang daan. Pakiusap po.”
Pagkatapos ay may naisip siya: Hanapin mo ang mga puno ng niyog. Tumingala si Felipe. Doon, sa banda roon, ay may mga puno ng niyog. Nakikita niya na mas mataas ang mga ito kaysa sa ibang mga puno sa gubat. Gumalaw ang mga dahon nito sa ihip ng hangin. Sa unang pagkakataon sa loob ng ilang oras, nakadama ng pag-asa si Felipe.
“Tingnan ninyo!” Itinuro niya ang mga puno.
Naunawaan iyon ng kanyang ina. Kapag may mga puno ng niyog, ibig sabihi’y may isang nayon sa malapit. Sinagot na ng Diyos ang panalangin ni Felipe. Hinawakan ni Felipe ang kamay ng kanyang ina. Sabay silang naglakad patungo sa kaligtasan habang palubog ang araw na tanaw sa ilalim ng mga puno.
Laging naaalala ni Felipe kung paano sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin. Kung minsa’y pinapangarap niyang marinig nang mas malinaw ang tinig ng Diyos tulad noong gabing iyon sa gubat.
Pagkatapos, isang araw, makalipas ang walong taon, nakilala ni Felipe ang ilang missionary. Nagmula sila sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagturo sila sa kanya tungkol sa mga buhay na propeta, na nangungusap ng mga salita ng Diyos. Ito mismo ang inasam-asam noon ni Felipe!
Tuwang-tuwa si Felipe na sumapi sa Simbahan. Naging isa siya sa mga unang missionary mula sa Pilipinas na nagbahagi ng ebanghelyo roon. Muli, naipakita ng Diyos kay Felipe kung saan tutungo—at alam ni Felipe na laging gagawin iyon ng Diyos.