“Paano Ako Nabinyagan,” Kaibigan, Agosto 2023, 12–13.
Paano Ako Nabinyagan
Hi! Ako si Aranoarii. Nakatira ako sa Tahiti. Ako ay 11 taong gulang, at ipinagmamalaki kong sabihin na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Paano mo nalaman ang tungkol sa Simbahan?
Inanyayahan ng ilang kaibigan ang pamilya ko sa isang aktibidad sa Simbahan. Inanyayahan din kami sa binyag ng isang bata. Tinanong ko ang nanay ko kung puwede akong makipag-usap sa mga missionary dahil gusto ko talagang malaman pa ang tungkol kay Jesucristo.
Ano ang pakiramdam ng makausap ang mga missionary?
Talagang mababait ang mga missionary! Lagi akong sabik na makinig sa mga lesson nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Nagustuhan ko ang mga ikinuwento nila sa akin at ang mga nilaro namin para tulungan akong matuto.
Ano ang pakiramdam mo sa binyag mo?
Bininyagan ako at ang nanay ko ni Itay noong ika-11 kaarawan ko. Ang saya-saya ko! Inanyayahan namin ang maraming taong mahal namin. Dumating ang mga kaklase at guro ko para suportahan ako.
Pag-ahon ko mula sa tubig, tuwang-tuwa ako. Hanggang tainga ang ngiti ko! Napakasaya ko na maaari kong tularan ang halimbawa ni Jesucristo.
Ano ang pakiramdam ng pagdalo sa Primary sa unang pagkakataon?
Noong una, kabadung-kabado ako at muntik nang umiyak. Pero pagkatapos ay nagpunta ako sa isang aktibidad ng Primary. Nakilala ko ang lahat, at nagkaroon ako ng ilang kaibigan.
Kung baguhan ka, ang payo ko ay dumalo ka sa klase mo sa Primary, kahit takot ka sa una. Mahal namin ang mga taong baguhan!
Paano mo tinutularan si Jesus?
Nagdarasal ako at nagsisimba tuwing Linggo. Kinakausap ko ang pamilya ko tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Sinisikap kong pangalagaan ang ibang nangangailangan ng tulong. Sa bahay, tinutulungan ko ang nanay ko sa mga gawaing-bahay. Tinutulungan ko ang tatay ko sa paghahalaman, pagsisibak ng kahoy, at pagbuo ng mga bagay-bagay. Ilang buwan na ang nakararaan, nagkaroon ng talent show sa ward namin. Musician ako, kaya buong gabi kong tinugtog ang tambol!