“Ang Kumikinang na Kuwintas,” Kaibigan, Agosto 2023, 42–43.
Ang Kumikinang na Kuwintas
Gusto lang ni Carolina na itago ang kuwintas nang mas matagal pa.
Ang kuwentong ito ay naganap sa Argentina.
Paluksu-lukso si Carolina sa bakuran. Nasa labas ang kaibigan niyang si Isabella.
Kumaway si Isabella. “Tara, laro tayo.”
Tumawid ng bakuran si Carolina papunta sa bahay ni Isabella.
Dumukot si Isabella sa bulsa niya. “May gusto akong ipakita sa iyo,” sabi niya. Pagkatapos ay inilabas niya ang pinakamagandang kuwintas na nakita ni Carolina! Kumikislap at kumikinang ang maliliit na mamahaling bato.
“Sa mamá ko ito,” sabi ni Isabella. “Sabi niya, puwede kong paglaruan ito ngayon. Tingnan mo ito sa araw.”
Itinaas ni Isabella ang kuwintas sa liwanag ng araw. Daan-daang bahaghari ang nabanaag sa mga mamahaling bato. Napakaganda nito!
“Ngayon ay maglaro na tayo ng taguan!” sabi ni Isabella.
“Sige,” sabi ni Carolina. “Maaari akong tumulong na ingatan ang kuwintas.”
“Salamat!” Iniabot ni Isabella kay Carolina ang kuwintas, at ibinulsa iyon ni Carolina.
Hindi naglaon ay oras na para umuwi si Carolina. Nang magpaalam siya, hindi hinanap ni Isabella ang kuwintas. Nakalimutan na siguro niya. At hindi iyon ipinaalala sa kanya ni Carolina.
Medyo sumama ang pakiramdam ni Carolina na naiuwi niya ang kuwintas. Pero gusto niyang itago iyon nang mas matagal pa. Hindi niya pinansin ang masamang pakiramdam at inilagay ang kuwintas sa ilalim ng unan niya.
Kinabukasan ay Sabado. Ginawa ni Carolina ang kanyang mga gawain at lumabas para maglaro. Nalimutan na niya ang tungkol sa kuwintas.
“Carolina!” tawag ni Papá. “Puwede ka bang pumarito?”
Patakbong pumasok si Carolina. “Ano po iyon?”
Hawak ni Papá ang kuwintas. “Nakita ito ni Mamá sa ilalim ng unan mo. Kanino ito?”
“Kay Isabella po.” Naluha si Carolina. “Iniingatan ko po iyan sa bulsa ko habang naglalaro kami kahapon. Pero nagpasiya po akong iuwi iyan.”
Umupo sina Mamá at Carolina sa sofa. “Salamat at nagsabi ka ng totoo. Ano sa palagay mo ang dapat mong gawin ngayon?”
Tahimik si Carolina. Naisip niya si Jesus. Gugustuhin Niyang maging matapat siya at ibalik niya ang kuwintas.
“Dapat ko pong ibalik ito kay Isabella at magsori ako sa kanya,” sabi ni Carolina. Pagkasabi niya noon, naglaho ang masamang pakiramdam. Sumigla siya.
Nagpunta si Carolina sa bahay ni Isabella.
“Hi,” sabi ni Carolina. Iniabot niya kay Isabella ang kuwintas. “Pasensya ka na’t itinago ko ito. Mapapatawad mo ba ako?”
“Oo naman,” sabi ni Isabella. “Salamat at ibinalik mo ito.” Pagkatapos ay ngumiti ito. “Gusto mong maglaro ulit ng taguan?”
“Oo! Ikaw muna ang taya—magtatago ako!”
Noong gabing iyon, nagdasal si Carolina. “Mahal kong Ama sa Langit, patawarin N’yo po sana ako sa pagtatago sa kuwintas. At salamat po sa pagtulong N’yo sa akin na itama iyon.”
Muling nakaramdam ng sigla si Carolina. Natuwa siya na nakaya niyang gawin ang gustong ipagawa sa kanya ni Jesus.