Kaibigan
Ang Basag na Bote ng Tubig
Binyag at Kumpirmasyon


“Ang Basag na Bote ng Tubig,” Kaibigan, Agosto 2023, page–page.

Ang Basag na Bote ng Tubig

Nauhaw si Kadie. Paano makakatulong si Sophia?

Ang kuwentong ito ay naganap sa Sierra Leone.

Nakinig na mabuti si Sophia habang ipinaliliwanag ng kanyang guro ang math problem sa pisara.

“Kaya, ano ang nine times four?” tanong ng guro.

Nagtaas ng kamay si Sophia. “Thirty-six po!” sagot niya.

Ngumiti ang kanyang guro. “Tama, Sophia!”

Pagkatapos ng klase, oras na para umuwi. Naglakad si Sophia kasama ang mga kaibigan niya. Inilabas nilang lahat ang kanilang bote ng tubig para inumin ang natitirang tubig nila. Maalinsangan noon!

alt text

Pero may kakaibang nakita si Sophia. Hindi umiinom ng tubig ang kaibigan niyang si Kadie. Tahimik lang itong naglalakad.

“Kadie, nasaan ang bote ng tubig mo?” tanong ni Sophia. Palaging nauuhaw ang lahat paglabas ng paaralan.

“Nabasag ko iyon kahapon, at hindi ako makabili ng bago,” sabi ni Kadie. “Kaya hindi ako makapagdala ngayon ng tubig sa paaralan.”

Tiningnan ni Sophia ang sarili niyang bote ng tubig. Gusto sana niyang magbigay! Pero ubos na ang tubig niya.

Buong maghapon, naisip ni Sophia si Kadie at ang basag na bote ng tubig nito. Hindi madaling makakuha ng malinis na tubig sa tinitirhan nila. Karamihan sa mga bata ay isang boteng lalagyan ng tubig lang ang nakukuha para gamitin sa buong taon. Pinupuno nila iyon mula sa isang malaking lalagyan ng malinis na tubig sa bahay. Maaari kang magkasakit sa pag-inom ng ibang tubig. Kung walang bote ng tubig si Kadie, hindi siya makakapagbaon ng tubig mula sa bahay para inumin sa paaralan.

Kinaumagahan, nag-isip si Sophia kung paano niya matutulungan si Kadie. May ilang plastik na boteng puno ng tubig ang pamilya ni Sophia. Nagdagdag ng isa si Sophia sa kanyang backpack, kasama ng kanyang boteng metal. Medyo bumigat ang bag dahil doon, pero hindi niya ininda iyon.

Pagdating niya sa paaralan, natagpuan niya si Kadie.

“Kadie, nakakuha ka na ba ng bagong bote ng tubig?” tanong ni Sophia.

Umiling si Kadie na nakayuko.

“OK lang,” sabi ni Sophia. “May dala akong isa para sa iyo.”

Ibinigay niya kay Kadie ang bote ng tubig. Ngumiti si Kadie.

“Salamat, Sophia!” Niyakap nang mahigpit ni Kadie ang kanyang kaibigan.

Sa oras ng klase, uminom si Kadie mula sa kanyang bote ng tubig kasama ang iba pang mga bata. Masaya si Sophia na makita na hindi kailangang mauhaw ang kanyang kaibigan.

Araw-araw noong linggong iyon, nagdala si Sophia ng ekstrang bote ng tubig para sa kanyang kaibigan. Pagkatapos isang umaga, dinampot ng nanay ni Sophia ang backpack niya.

“Hmm,” sabi ni Inay. “Parang mas mabigat ito kaysa rati.” Binuksan nito ang backpack at inilabas ang ekstrang bote ng tubig.

“Talaga bang dinala mo ang ekstrang boteng ito ng tubig sa paaralan, Sophia?” tanong ni Inay.

Tumango si Sophia. “Nabasag po ang bote ng tubig ni Kadie, at hindi siya makabili ng kapalit. Kaya wala siyang tubig sa paaralan.”

“Gaano katagal mo na siyang dinadalhan ng ekstrang tubig?” tanong ni Inay.

“Itong linggong ito lang po,” sabi ni Sophia. “Ayaw ko pong mauhaw si Kadie.”

Ngumiti si Inay. “Napakabait mo para isipin ang kaibigan mo. Isang bagay iyan na gagawin ni Jesus. Masaya akong makita ka na tinutularan mo si Jesus.” Niyakap niya si Sophia. “At palagay ko’y may alam akong isa pang paraan na makakatulong tayo.”

Binigyan ni Inay si Sophia ng isang boteng metal na lalagyan ng tubig. “Ibigay mo na lang ito sa kaibigan mo para magamit niya nang paulit-ulit. Sa gayong paraan hindi mo na kailangang magdala ng plastik na bote araw-araw.”

“Talaga po?” tanong ni Sophia.

Tumango si Inay. “Oo. Sabihan mo lang siya na ingatan ito.”

Dinala ni Sophia ang bote ng tubig sa paaralan. Ang unang ginawa niya ay ibigay kay Kadie ang bote.

“Wow,” sabi ni Kadie. “Salamat, Sophia!” Niyakap siya ni Kadie.

Sumigla si Sophia. Alam niya na natulungan niya ang kanyang kaibigan, tulad ng gagawin ni Jesus.

alt text
alt text here

Mga larawang-guhit ni Melissa Kashiwagi