“Ang Araw na Napakahalaga kay Giorgia,” Kaibigan, Agosto 2023, 8–9.
Ang Araw na Napakahalaga kay Giorgia
“Malapit na akong mabinyagan,” sabi ni Giorgia. “Tulad ni Jesus noon!”
Ang kuwentong ito ay naganap sa Australia.
Tumakbo si Giorgia paakyat sa kuwarto niya habang nakasunod si Matilda. Palaging masaya ang araw kapag nagpupunta ang kaibigan niya para makipaglaro.
“Puwede ba nating laruin ang robot mo?” tanong ni Matilda.
“Oo!” sabi ni Giorgia. Isa iyon sa mga paborito niyang gawin.
Habang inilalabas ni Giorgia ang robot, tiningnan ni Matilda ang mga larawan sa dingding ni Giorgia. Itinuro niya ang larawan sa gitna.
“Ano ito?” tanong niya.
“Si Jesucristo iyan na binibinyagan,” sabi ni Giorgia. “At malapit na akong mabinyagan. Tulad Niya noon!”
“Bakit ka bibinyagan?” tanong ni Matilda.
“Dahil gusto kong tularan si Jesus,” sabi ni Giorgia. “Kapag bininyagan ako, iyan ang ipapangako kong gawin!”
Pagkatapos ay may naisip si Giorgia. “Gusto mo bang pumunta sa binyag ko?”
“Tatanungin ko ang nanay ko kung puwede,” sabi ni Matilda.
Palapit nang palapit ang araw ng binyag ni Giorgia. Nagbasa siya mula sa kanyang aklat ng mga kuwento sa banal na kasulatan at dumalo sa Primary linggu-linggo. Matapos siyang magdasal bago matulog, tumingin siya sa larawan ni Jesus. Gusto niyang isipin kung ano ang pakiramdam ng mabinyagan.
Noong Linggo bago ang kanyang binyag, ininterbyu si Giorgia para sa kanyang binyag. Kinausap nila ng kanyang mga magulang ang bishop sa opisina nito. Nagtanong ito ng ilang bagay para matiyak na handa na siyang magpabinyag.
“Naniniwala ka ba na si Jesucristo ang anak ng Diyos?” tanong nito.
Naniwala siya roon! “Opo,” sagot niya.
Nginitian siya ng bishop. “Ang magpabinyag ay isang napakahalagang pasiya. Gusto mo bang magpabinyag?”
Naisip ni Giorgia kung gaano niya kamahal at kagustong tularan si Jesus. “Opo!” sagot niya.
Sa wakas ay dumating na ang napakahalagang araw para kay Giorgia. Nang lumusong siya sa tubig, nakita niyang nanonood ang kanyang mga kaibigan at pamilya. Naroon din si Matilda!
Nang sambitin ng tatay niya ang panalangin sa binyag, nakaadama ng kapayapaan at kaligayahan si Giorgia sa mga salitang iyon. Pagkatapos ay maingat siya nitong inilubog nang husto sa tubig at muling iniahon. Nang umahon siya, nadama niya na masaya at malinis na siya.
Niyakap siya nang mahigpit ni Itay. Naghihintay sa kanya si Inay sa itaas ng hagdan na may dalang tuwalya at nakangiti.
Nakadama ng kaligayahan si Giorgia. Espesyal na araw iyon. Pinili niyang tularan si Jesus. At nais niya na patuloy Siyang tularan araw-araw!