Kaibigan
Ang Aktibidad sa Kuwento ng Pamilya
Binyag at Kumpirmasyon


“Ang Aktibidad sa Kuwento ng Pamilya,” Kaibigan, Agosto 2023, 30–31.

Ang Aktibidad sa Kuwento ng Pamilya

“Maaari mo ba akong kuwentuhan ng isa pang kuwento ng pamilya?” tanong ni Lorrain.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Vanuatu.

Ngumiti si Lorrain habang kinakanta niya ang mga huling titik ng awitin. Katatapos lang nila ng oras ng pag-awit sa Primary. Ngayon ay oras na para magpunta sa klase.

Pero bago ang lahat, tumayo si Sister Taleo. “Gusto kong magkuwento sa inyo tungkol sa isang aktibidad sa Primary na malapit nang maganap,” sabi niya. “Nais naming malaman ng bawat isa sa inyo ang tungkol sa inyong pamilya. Tanungin ang mga magulang ninyo tungkol sa mga kuwento ng pamilya. Pagkatapos sa aktibidad, maaaring ibahagi ng bawat isa sa inyo ang nalaman ninyo.”

Nang makauwi si Lorrain mula sa simbahan, tuwang-tuwa siya. Nakakita siya ng isang malaking piraso ng papel at dinala iyon sa mesa. Hindi na siya makapaghintay na malaman ang tungkol sa kanyang pamilya!

Nagdrowing si Lorrain ng isang family tree sa papel. Tinulungan siya nina Inay at Itay na baybayin ang lahat ng pangalan. Pagkatapos ay nagdikit siya ng mga larawan ng kanyang mga kapamilya sa poster.

alt text

“Lorrain din ang pangalan ng iyong lola-sa-tuhod,” sabi ni Inay. “Isinunod namin ang pangalan mo sa kanya.”

“Wow,” sabi ni Lorrain.

“Si Lola Lorrain ay isang napakamapagmahal na tao.” Ngumiti si Inay. “Nang maubusan ng kahoy na panggatong ang ibang tao sa nayon, binigyan sila ni Lola Lorrain.”

Masayang malaman ang tungkol sa kanyang pamilya! “Maaari mo ba akong kuwentuhan ng isa pang kuwento ng pamilya?” tanong ni Lorrain.

“Maikukuwento sa iyo ni Itay ang unang pagpunta niya sa templo,” sabi ni Inay. “Anim na taong gulang pa lang siya noon. Mahaba ang nilakbay nila ng kanyang mga magulang papunta sa templo sa New Zealand.”

Gustung-gustong makarinig ni Lorrain tungkol sa templo. “Ikuwento n’yo nga po sa akin, Itay!” sabi niya.

“Sumakay muna kami ng eroplano papuntang New Zealand. Pagkatapos ay sumakay kami ng bus. Mahabang paglalakbay iyon.” Pinakitaan ni Itay si Lorrain ng isang retrato ng templo. “Sa huli ay pumasok kami ng mga magulang ko sa loob. Nabuklod kami bilang pamilya. Ibig sabihin niyan ay maaari tayong magkasama-sama magpakailanman.”

Sumigla roon si Lorrain. Natuwa siyang makarinig ng mga kuwento tungkol sa kanyang pamilya.

Sa wakas ay sumapit ang umaga ng aktibidad sa Primary. Tinulungan ni Lorrain sina Inay at Sister Taleo na ihanda ang lahat sa gusali ng simbahan.

Pagkatapos ay nakarinig sila ng isang nakakatuwang balita. Isang templo ang itatayo sa kanilang isla!

Masayang-masaya si Lorrain. Kapag nasa edad na siya para makapasok sa templo, hindi na niya kailangang maglakbay nang malayo!

Nang gabing iyon, lahat ng kaibigan ni Lorrain ay nasa aktibidad ng Primary. Naghalinhinan ang mga bata sa pagbabahagi ng nalaman nila tungkol sa kanilang pamilya. Nang si Lorrain na ang magkukuwento, itinaas niya ang poster ng kanyang family tree.

“Gusto ko talagang malaman ang tungkol sa pamilya ko,” sabi niya. “Nalaman ko na isinunod ang pangalan ko sa aking lola-sa-tuhod. Nalaman ko rin ang tungkol sa unang pagpunta ng pamilya ko sa templo. Matutulungan ng templo ang ating pamilya na magkasama-sama magpakailanman.” Bumalik ang masiglang pakiramdam. “Tuwang-tuwa ako na magkakaroon tayo ng templo rito sa Vanuatu.”

Naupo na ulit si Lorrain nang may malaking ngiti sa kanyang mukha. Nagpapasalamat siya na maaari siyang maging higit na katulad ni Jesus. At nagpapasalamat siya para sa templo! Hindi na siya makapaghintay na makapasok doon balang-araw.

alt text
alt text here

Mga larawang-guhit ni Emily Davis