Kaibigan
Kaguluhan sa Parke
Binyag at Kumpirmasyon


“Kaguluhan sa Parke,” Kaibigan, Agosto 2023, 46–47.

Kaguluhan sa Parke

Huminga nang malalim si Hunter. “Hindi ako nagsasalita ng ganoon.”

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Tumakbo si Hunter patawid ng parke kasama ang kanyang mga kaibigan. Napangiti siya nang maramdaman niya ang pagdampi ng hangin. Pakiramdam niya ay napakabilis at napakagaan niya!

Si Kyle ang unang nakahawak sa bakod. “Nanalo ako!” sigaw niya.

Narating ni Hunter ang bakod pagkaraan ng isang sandali. “Ang daya naman! Ikaw ang nagsimula.”

“Oo nga,” sabi ni Miguel. “Unahan tayong makarating sa puno!”

Nagsimulang tumakbo ulit si Hunter. Sa pagkakataong ito, siya ang unang nakahawak sa puno. Pero kasunod na kasunod niya sa likuran si Miguel.

“Nanalo ako!” sabi ni Miguel.

“Hindi, si Hunter ang nanalo,” sabi ni Piper.

“Oo nga,” sabi ni Kyle.

Humalukipkip si Miguel. Pagkatapos ay nagmura ito.

Nagtawanan ang ibang mga bata. Inulit ni Miguel ang mura, at lalo pa silang nagtawanan.

Nalungkot si Hunter. Alam niyang hindi magandang sabihin ang salitang iyon. Pero ayaw niya na inaasar siya. Hindi siya umimik.

Nagsalita si Piper ng isa pang mura. Pagkatapos ay si Kyle naman ang nagmura.

“Ngayo’y ikaw naman ang magmura, Hunter,” sabi ni Kyle.

“Oo nga, sige na,” sabi ni Miguel. “Magsalita ka ng isang bagong mura.”

Huminga nang malalim si Hunter. “Hindi ako nagsasalita ng ganoon.”

“Hindi ka naman masasaktan sa pagmumura,” sabi ni Kyle.

“Ayaw ko,” sabi ni Hunter.

“Takot na takot ka ba?” Tumawa si Miguel.

Nag-init ang mukha ni Hunter. “Maglalaro ako sa ibang lugar.”

Patuloy na nagtawanan at nagmura ang iba pang mga bata. Ginustong lumayo ni Hunter. Hindi na masaya sa parke ngayon. “Kita tayo mamaya,” bulong niya.

alt text

Ipinamulsa ni Hunter ang mga kamay niya at dahan-dahang naglakad palayo sa lahat ng iba pang mga bata. Hindi na niya ramdam na mabilis o magaan siya. Bumigat ang pakiramdam niya.

Nakita niya sina Inay at Itay na nakaupo sa isang bangko. Ibinaba ni Itay ang binabasang aklat. “OK ka lang ba?”

Nagkibit-balikat si Hunter. “Nagsimula po silang magmura. Ayaw kong gawin iyon, kaya umalis ako.”

Ngumiti si Inay. “Matapang ka.”

“Ipinagmamalaki ka namin,” sabi ni Itay. “Mahirap gumawa ng mabubuting pasiya kapag hindi gumagawa ng mabubuting pasiya ang mga tao sa paligid natin.”

Bumuntong-hininga si Hunter. Natuwa siya na tama ang ipinasiya niya, pero masama pa rin ang pakiramdam niya.

“Gusto mo na bang umuwi?” tanong ni Inay.

Pinag-isipan iyon ni Hunter. “Hindi pa po,” sabi niya. Tumingin siya sa isa pang grupo ng mga batang naglalaro sa mga zip line. “Pupunta po ako roon.”

Habang papunta roon si Hunter, kinawayan siya ng isa sa mga batang lalaki. “Hi, ako si David.”

“Ako si Hunter. Puwede ba akong sumali sa inyo?”

“Oo naman!”

Sumakay sa zip line si Hunter at nadama niya ang pagdampi ng hangin. Habang kalaro niya si David at ang iba pa, muli niyang nadama na mabilis siya at magaan. Nagawa niya ang tama, kahit mahirap iyon. Natuwa siya na nakagawa siya ng mabuting pasiya.

alt text
alt text here

Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney