Kaibigan
Isang Espesyal na Kaloob
Binyag at Kumpirmasyon


“Isang Espesyal na Kaloob,” Kaibigan, Agosto 2023, 18–19.

Isang Espesyal na Kaloob

“Ito siguro ang Espiritu Santo,” naisip ni Mehrimah.

Ang kuwentong ito ay naganap sa France.

“Mehrimah! Fatima! Narito ang mga missionary,” pagtawag ni Mama.

Isinara ni Mehrimah ang kanyang aklat ng mga kuwento sa banal na kasulatan at tumakbo papunta sa sala. Tinuturuan noon ng mga missionary ang kanilang pamilya tungkol kay Jesucristo. Malapit nang mabinyagan si Mehrimah at ang kanyang pamilya. Hindi na siya makapaghintay!

Naupo si Mehrimah kasama ng kanyang pamilya.

alt text

“Ngayon ay pag-uusapan natin ang Espiritu Santo,” sabi ni Elder Moea’i. “Ipinadarama Niya sa atin ang kapayapaan at kapanatagan mula sa Ama sa Langit.”

“Hinihikayat din Niya tayong gumawa ng mabubuting bagay,” dagdag pa ni Elder Campbell. “At tinutulungan Niya tayong malaman kung ano ang totoo. Nadama na ninyo siguro ang Espiritu Santo noon.”

Inisip ni Mehrimah ang natutuhan niya tungkol sa Aklat ni Mormon. Nakadama siya ng kapayapaan at saya. Ganyan niya nalaman na totoo iyon. Iyon po ba ang Espiritu Santo?

“Matapos kayong mabinyagan, ibibigay sa inyo ang kaloob na Espiritu Santo,” sabi ni Elder Moea’i. “Ibig sabihin ay maaaring palagi Siyang mapasainyo para tulungan at gabayan kayo.”

“Sa linggong ito, pagtuunan ninyong mabuti ang inyong mga iniisip at nadarama,” sabi ni Elder Campbell. “Hanapin ang mga pagkakataon na nangungusap sa inyo ang Espiritu Santo?”

Nang gabing iyon sa panalangin ng pamilya, napansin ni Mehrimah ang kanyang nadama. Nakadama siya ng kapanatagan at kapayapaan. Halos parang may yumayakap nang mahigpit sa kanya. Ito siguro ang Espiritu Santo, naisip niya.

Sa simbahan noong Linggo, nakinig si Mehrimah sa isang awitin tungkol kay Jesucristo. Sumaya siya. Dahil doon ay ginusto niyang tulungan ang ibang tao. Ito rin siguro ang Espiritu Santo, naisip niya.

Bago matulog, binasa ni Mehrimah ang kanyang aklat ng mga kuwento sa banal na kasulatan. Nakiusap ang kapatid niyang si Fatima na siya naman ang magbasa. Hindi pumayag si Mehrimah.

Patuloy na nagbasa si Mehrimah. Pero sumama ang pakiramdam niya nang hindi siya pumayag.

“Sori,” sabi niya kay Fatima. “Gusto mo bang magkasama tayong magbasa?”

Tumabi sa kanya si Fatima. Naghalinhinan sila sa pagbasa. Naging masigla at masaya si Mehrimah. Ito siguro ang Espiritu Santo, naisip niya.

Sa wakas ay dumating ang araw ng binyag nila. Nagpunta si Mehrimah at ang kanyang pamilya sa gusali ng Simbahan at nagpalit ng puting damit.

Unang bininyagan si Mehrimah. Malamig ang tubig, pero natuwa siyang makipagtipan sa Ama sa Langit. Binalutan siya ni Mama ng tuwalya. Pagkatapos ay pinanood niya ang pagbibinyag kina Mama, Papa, at Fatima.

Nagbihis ng kanyang tuyong damit si Mehrimah. Ngayon ay oras na para kumpirmahin siya.

alt text

Ipinatong ng mga missionary ang kanilang mga kamay sa ulunan ni Mehrimah. “Kinukumpirma ka namin na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ni Elder Campbell, “at sinasabi namin sa iyo, tanggapin ang Espiritu Santo.” Sumigla nang husto si Mehrimah nang marinig niya ang natitirang bahagi ng basbas.

Matapos ma kumpirma si Mehrimah, niyakap siya ni Mama. “Ano ang pakiramdam mo?”

“Maganda po talaga,” sabi ni Mehrimah. “Matapos nilang ipatong ang mga kamay nila sa ulunan ko, may nadama po ako, at parang kapayapaan iyon.” Ngumiti siya. “Parang may nagsasabi po sa akin na mamuhay nang maayos, tumulong sa mga tao, at sumunod sa mga kautusan.”

“Alam mo ba kung ano ang nadarama mo?” tanong ni Mama.

“Opo,” sabi ni Mehrimah, na nagniningning ang mga mata. “Iyon po ang Espiritu Santo!”

alt text here

Mga larawang-guhit ni Alyssa Petersen