Kaibigan
Hindi Talaga Nag-iisa Kailanman
Binyag at Kumpirmasyon


“Hindi Talaga Nag-iisa Kailanman,” Kaibigan, Agosto 2023, 22–23.

Hindi Talaga Nag-iisa Kailanman

Paano kung muling masaktan si Ethan at walang sinumang naroon para tumulong?

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

alt text

Umuguy-ugoy si Ethan sa duyan gamit ang kanyang mga paa. Pataas siya nang pataas. Para siyang inililipad ng hangin!

Pagkatapos ay tumunog ang bell. Bumuntong-hininga si Ethan. Ayaw pa niyang matapos ang recess.

Luminya ang mga bata para bumalik sa loob. Hinayaan ni Ethan na bumagal ang duyan. Pagkatapos ay bumaba siya ng duyan para bumalik sa klase.

Pero pagtama ng mga paa ni Ethan sa lupa, nakaramdam siya ng matinding sakit sa binti. Bumagsak siya sa lupa. Tinangka niyang tumayo, pero parang nag-aapoy ang binti niya. Napakasakit niyon!

“Tulong!” sigaw ni Ethan. Tumulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Tumakbo ang mga bata at guro para tulungan siya.

“Ano’ng nangyari?” tanong ng isang guro.

“Nabali po ang binti ko!”

Hindi ito ang unang beses na nabalian ng buto si Ethan. Ni hindi ito ang pangalawa o pangatlong beses! May sakit na malutong na buto si Ethan, isang sakit na dahilan kaya madali siyang mabalian ng mga buto. Kahit maliliit na bagay, tulad ng pagtapak sa gilid ng bangketa o pagbunggo sa isang tao, ay maaaring makabali sa kanyang mga buto.

“Tatawagan namin ang mga magulang mo para madala ka sa doktor,” sabi ng guro. “Magiging OK ang lahat.”

Natuwa si Ethan na naroon ang mga tao para tulungan siya. Napakasakit pa rin ng binti niya, pero alam niya na magiging ligtas siya.

Nagpunta sina Inay at Itay sa paaralan at dinala si Ethan sa doktor. Kinabitan siya ng asul na cast sa kanyang binti at umuwi para magpahinga.

Dahil sa kanyang baling binti, matagal na nahiga si Ethan sa kama. Marami siyang babasahing aklat. Kung minsan ay nagpupuntahan ang mga kaibigan niya para makipaglaro sa kanya. Pero bagot pa rin siya.

Isang gabi, nagising si Ethan at hindi na makabalik ng tulog. Sinubukan niyang magrelaks, pero patuloy siyang nag-alala. Paano kung mabalian ako ng buto at walang sinuman ang naroon, tulad sa kalagitnaan ng gabi? naisip ni Ethan. Kumabog ang puso niya. Natakot siya.

“Itay!” sigaw ni Ethan.

Tumakbo si Itay papunta sa kuwarto ni Ethan. “Ano’ng nangyari?”

“Natatakot po ako,” sabi ni Ethan. “Paano kung mabalian ako ng isa pang buto at walang sinumang naroon na tutulong sa akin?”

Tinabihan siya ni Itay at naupo sa kama. “Nakakatakot isipin iyan,” sabi niya. “Kahit sikapin nating maging maingat at ligtas, maaari pa ring mangyari ang masasamang bagay. Pero anuman ang mangyari, binabantayan ka ng Ama sa Langit.”

“Kaya ibig bang sabihin niyan ay lagi ko Siyang kasama?” sabi ni Ethan.

“Mismo!” Magiliw na niyakap ni Itay si Ethan.

Naisip ni Ethan kung gaano kabilis dumating si Itay para tulungan siya. Alam niya na mahal siya ni Itay at lagi siyang gustong tulungan nito. Ganoon din siguro ang Ama sa Langit.

Kinabukasan, nabasa ni Ethan ang isang talata ng banal na kasulatan sa magasing Kaibigan. Sabi rito, “Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”*

Napanatag si Ethan at nadamang ligtas siya nang mabasa niya ang talata, tulad ng nadama niya nang kausapin niya si Itay. Alam niya na ang Espiritu Santo iyon na umaalo sa kanya. Parang muli niyang yakap si Itay.

Malamang na marami pa akong mababaling buto, naisip ni Ethan, pero hindi ako kailangang matakot. Alam niya na hindi talaga siya mag-iisa kailanman.

alt text
alt text here

Mga larawang-guhit ni Simini Blocker