Kaibigan
Perpektong Party ni Papa
Enero 2024


“Perpektong Party ni Papa,” Kaibigan, Ene. 2024, 18–19.

Perpektong Party ni Papa

Paano kung hindi tumigil ang ulan?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Samoa.

alt text
alt text

Madilim at mapanglaw ang mga ulap sa kalangitan. Nakatitig si Alex sa mga iyon.

BOOM!

Lalo pang kumulog. Bumagsak na ang malalaki at mabibigat na patak ng ulan sa lahat ng dako.

Umiling si Alex. Hindi maganda ito. Hindi talaga maganda. Kung minsan, sa Samoa, maaaring umulan nang ilang araw nang walang tigil. Pero gusto niyang maging perpekto ang kaarawan ng lolo niya!

Pumasok si Alex sa kuwarto niya at lumuhod sa tabi ng kama niya.

“Mahal na Ama sa Langit,” sabi niya. “Sana po tumigil ang ulan kasi birthday party ni Papa bukas. Naipamigay na po namin ang mga imbitasyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Nang tumayo si Alex, nakita niya sina Inay at Itay na nakatayo sa pintuan niya. Nakangiti sila.

“Sana ayos lang sa iyo na narinig namin ang dasal mo,” sabi ni Inay.

Ngumiti si Alex. “Okey lang po ‘yon. Gusto ko lang pong maging espesyal ang bukas para kay Papa. Iba po kasi kung mananatili lang tayo sa loob ng bahay. Wala tayong lugar para magsayawan!”

Pinisil ni Itay sa balikat si Alex. “Anuman ang panahon, malalaman ni Papa kung gaano mo siya kamahal.”

Kinaumagahan, hiniling nina Inay at Itay na si Alex ang magdasal para sa pamilya. Malakas pa rin ang ulan. At mukhang hindi pa rin ito titigil.

“Loobin Mo po sanang tumigil na ang ulan para sa party,” sabi niya. “At basbasan Mo rin po sana kaming lahat na maging masaya kami. Lalo na si Papa!”

Buong umagang minasdan ni Alex ang kalangitan. Matagal na walang nagbago. Pero may nangyaring kamangha-mangha.

“Tingnan n’yo!” sigaw ni Alex. “May kapirasong asul sa kalangitan!” Tumakbo ang pamilya niya papunta sa bakuran. Nagsisimula nang maglaho ang mga ulap.

Sa loob ng ilang oras, naglaho na ang lahat ng ulap! Natuyo na pati ang mga tubig na namuo sa lupa. Nagmadali si Alex na dekorasyunan ang bakuran. Hindi magtatagal at darating na si Papa at ang iba pang mga bisita.

Nang makarating doon si Papa, nagulat siya. Tiningnan niya ang mga ilaw, ang makukulay na banderitas, at lahat ng bisita. “Ang ganda lahat,” sabi niya. “Maraming salamat!”

Naging masaya ang party tulad ng inasam ni Alex. Sumayaw sila sa tugtog ng mga paboritong awitin ni Papa. Masarap ang pagkain—lalo na ang matamis na coconut bread. Kumanta pa si Alex kasama si Papa.

Pero ang pinakamagandang bahagi ay noong oras na para sa Siva Taualuga. Ang sayaw na ito ay laging itinatanghal ng pinakamahalagang tao sa araw na iyon. At, siyempre pa, si Papa iyon!

Tumayo si Papa para sumayaw, pero tumingin siya kay Alex. “Samahan mo ako, Alex!” pagtawag ni Papá. Tumalon si Alex at sumayaw sa tabi ni Papa. Hindi nagtagal at nagsasayawan na rin ang lahat ng iba pa.

alt text
alt text

Yumuko si Papa para yakapin si Alex. “Ipinadama mo sa akin na napakaespesyal ko sa araw na ito,” sabi ni Papa. “Ito ang perpektong birthday party.”

Pagkatapos ng party, tumingala si Alex sa kalangitan. Nagbalik ang makakapal at maiitim na ulap. Nagsimulang umulan ulit nang malakas. Pero sa pagkakataong ito, wala nang pakialam si Alex. Alam niya na pinaganda ng Ama sa Langit ang panahon nang sapat para sa oras ng party ni Papa.

“Salamat po sa magandang panahon,” dasal ni Alex. “At salamat po sa isang napakabait na Papa.”

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Augusto Zambonato