“Maaari Kayong Makagawa ng Kaibhan,” Kaibigan, Ene. 2024, 32.
Kaibigan sa Kaibigan
Maaari Kayong Makagawa ng Kaibhan
Mula sa isang interbyu kina Olivia Kitterman at Rachel Peterson.
Mahal na mahal kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Dahil mahal Nila kayo, inanyayahan Nila kayong gumawa ng mga tipan, o mga pangako, sa Kanila. Sinisimulan ninyong gawin ang mga pangakong iyon kapag bininyagan kayo.
Pagkatapos ng inyong binyag, tatanggapin ninyo ang kaloob na Espiritu Santo. Magiging miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang ibig sabihin niyan ay nagtitiwala ang Ama sa Langit na tutuparin ninyo ang inyong mga tipan.
Ano ang magagawa ninyo bilang ganap na miyembro ng Simbahan para tuparin ang inyong mga tipan? Maaari ninyong malugod na batiin ang iba sa Primary. Maaari ninyong tabihan sa upuan ang isang bagong dating at tulungan silang matutuhan ang mga awitin. Maaari kayong tumulong sa mga aktibidad ng Primary. Maaari din kayong maging lider sa inyong pamilya. Maaari ninyong hilinging manalangin ang pamilya o ibahagi ang natutuhan ninyo sa Primary.
Matapos ninyong matanggap ang Espiritu Santo, maaari ninyong makita ang mga pangangailangan ng iba sa isang bagong paraan. Maaari kayong manalangin sa Ama sa Langit at magsabing, “Tulungan Mo po akong malaman kung sino ang maaari kong tulungan ngayon.” Pagkatapos ay maaari kayong tulungan ng Espiritu Santo na mapansin ang isang taong mag-isang nakaupo o batiin ang isang kaibigan. Malaki ang kaibhang nagagawa ninyo kapag ipinapasiya ninyong tumulong sa iba. Kumikilos kayo bilang miyembro ng Simbahan ng Ama sa Langit!
Mahal kayo ng Ama sa Langit. Nais Niyang mamuno kayo sa pamamagitan ng inyong halimbawa saan man kayo magpunta para mas mailapit ninyo ang iba sa Kanya. Pero hindi ninyo kailangang gawin ito nang mag-isa. Hindi titigil kailanman ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa pagtulong sa inyo. Maaari kayong magtiwala sa inyong sarili dahil alam ninyo na kasama ninyo Sila. Maaari ninyong ilarawan sa inyong isipan na palaging nakatayo si Jesus sa inyong tabi.