“Mga Banal na Kasulatan ni Sami,” Kaibigan, Ene. 2024, 10–11.
Mga Banal na Kasulatan ni Sami
Gusto ring magbasa ni Sami.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Bolivia.
Pumalakpak si Papi sa pagtatapos ng family home evening. “May ideya ako para sa mithiin ng pamilya,” sabi niya. “Sama-sama nating basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw.”
Tumango na may malalaking ngiti sa ideya ang mga kuya ni Sami na sina Andrés at Juan.
“OK!” sabi ni Andrés.
Natuwa rin si Sami. Kaya lang may naalala siya. Nagtaas siya ng kamay. “Hindi po ako marunong magbasa. Paano po ako makakatulong?”
Nagkibit-balikat si Juan. “Maaari ka namang makinig.”
Marunong nang magbasa ang mga kuya ni Sami. Pero limang taong gulang pa lang si Sami. Hindi pa siya marunong magbasa.
“Pero gusto ko ring tumulong!” sabi ni Sami na nakasimangot.
Niyakap ni Mamá si Sami. “At tutulong ka,” sabi niya. “Laging may paraan para magawa ang utos sa atin ng Diyos.”
Nang sumunod na gabi, nagtipon ang pamilya ni Sami para basahin ang Aklat ni Mormon. Dala nilang lahat ang sarili nilang mga banal na kasulatan, maliban kay Sami. Binigyan siya ni Mamá ng aklat ng mga larawan ng mga kuwento sa Aklat ni Mormon.
“Hindi ka pa nakakabasa ng mga salita. Pero kaya mong magbasa ng mga larawan,” sabi nito na nakangiti.
Niyakap ni Sami ang aklat. Ngayon ay maaari na rin siyang magbasa kasama ang kanyang pamilya!
Naghalinhinan sila sa pagbasa. Tiningnan ni Sami ang mga larawang nagpapakita sa kuwento. Nang siya na ang magbabasa, sinabi niya sa iba ang nakita niya sa mga larawan. Sinabi niya ang lahat ng detalyeng kaya niyang sabihin.
Sa paglipas ng mga araw, ginusto pang magbasa nang magbasa ni Sami. Itinuro sa kanya ni Mamá kung ano ang tunog ng bawat letra. Pagkatapos ay ipinakita nito sa kanya kung paano bigkasin ang mga salita. Makalipas ang ilang buwan, hindi na gaanong kinailangan ni Sami ang aklat ng mga larawan. Sa halip, binasa niya ang huling salita ng bawat talatang binasa ng kanyang pamilya. Binasa muna ni Mamá ang salita, at inulit ito ni Sami.
Noong una, mabagal ang pagbabasa nila. Matagal bago nila matapos ang bawat kabanata. Nagrereklamo sina Andrés at Juan kapag si Sami na ang magbabasa. Pero nagbasa pa rin sila bilang pamilya.
Paunti-unti, mas marami nang nababasa si Sami. Binasa niya ang isang salita ng isang talata, pagkatapos ay dalawang salita, pagkatapos ay tatlo. Pagkatapos ay nagsimula siyang magbasa ng isang buong talata!
Nang malapit nang matapos ang kanilang mithiin, kaya na ni Sami na basahing mag-isa ang ilang talata. Mas mahusay na siyang magbasa. Lumago rin ang pagmamahal niya sa Aklat ni Mormon.
Sa wakas, natapos ng pamilya ni Sami ang Aklat ni Mormon. Umabot iyon ng dalawang taon! Ngayon ay pitong taong gulang na si Sami, at natuto na siyang magbasa nang napakaayos.
“Binabati ka namin!” sabi ni Papi. “Nakatapos na tayo!”
Nakipalakpak si Sami sa kanyang pamilya. Natulungan niya silang tapusin ang Aklat ni Mormon!
Niyakap ni Juan nang mahigpit si Sami. “Ano ang magiging mithiin mo sa susunod na dalawang taon?”
Ngumiti si Sami. Tumayo siya nang diretso at sinabing, “Babasahin ko ulit ang Aklat ni Mormon!”