Kaibigan
Nakakaantok na Oras para sa mga Banal na Kasulatan
Enero 2024


“Nakakaantok na Oras para sa mga Banal na Kasulatan,” Kaibigan, Ene. 2024, 30–31.

Nakakaantok na Oras para sa mga Banal na Kasulatan

Kahit maaga pa, alam ni Elvira na sulit ang magbasa ng mga banal na kasulatan.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Norway.

Nagising si Elvira sa boses ni Itay. “Oras na para sa mga banal na kasulatan,” sabi nito.

Umupo siya sa kama at kinusot ang antok niyang mga mata. Madilim pa rin sa labas. At maginaw! Ayaw iwan ni Elvira ang malambot niyang higaan.

Sinabi ni Inay na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang paraan para mas makilala nila si Jesus. Pero mahirap magbasa ng mga banal na kasulatan tuwing umaga!

Dahan-dahang umakyat ng hagdan si Elvira at umupo sa tabi ng ate niyang si Sigrid sa sofa. Niyakap niya ang isang unan at namaluktot siya sa init ng mabalahibo niyang kumot. Nasa kabilang silid ang kanyang mga kapatid at nagsisimula sa kanilang online seminary class.

Tumunog ang cell phone ni Itay. Sinagot niya ito, at lumabas ang mga miyembro ng pamilya sa screen. Bihis na si Aunt Liv at handa nang magtrabaho. Naka-pajama pa ang pinsan nilang si Dorthea, tulad ni Elvira.

alt text

Kumaway si Elvira sa kanila sa video call at naghikab. Lagi silang nagbabasa ng banal na kasulatan kasama sina Aunt Liv at Dorthea. Nakatira sila sa ibang bahagi ng Norway na apat na oras ang layo. Mas madali para sa kanilang lahat na basahin ang mga banal na kasulatan kapag may layon silang magtawagan araw-araw. At gustung-gustong makita ni Elvira ang pinsan niya!

Makalipas ang ilang minuto, sumama rin si Inay sa video call. “Hello, mga bata,” sabi nito. Magbibiyahe siya papunta sa trabaho sa linggong ito, pero tumawag pa rin siya sa oras ng pagbabasa ng pamilya sa banal na kasulatan.

Nagdasal sila. Pagkatapos ay binuklat ni Elvira ang mga banal na kasulatan niya. Sama-sama nilang binasa ang Aklat ni Mormon. Lahat ay naghalinhinan sa pagbasa sa mga talata.

Nakinig si Elvira habang nagbabasa ang iba, pero mahirap manatiling gising. Nakatulog ulit si Sigrid sa sopa. Kinalabit siya ni Elvira. Pero may isang bagay sa talata na umagaw sa kanyang pansin.

“At nakamalas ako ng gabay na bakal, at ito ay nasa kahabaan ng pampang ng ilog, at patungo sa kinatatayuan kong punungkahoy,” pagbasa ni Dorthea.*

“Alam ko ang kuwentong ito!” sabi ni Elvira. “Ito ang panaginip si Lehi.” May napanood siyang video ng banal na kasulatan tungkol dito. May magandang puno na may puting bunga, at nakahawak ang mga tao sa gabay para tulungan silang makarating doon.

alt text

“Naaalala mo ba kung sa ano natutulad ang gabay?” tanong ni Inay.

“Sa mga banal na kasulatan po?”

“Tama!” sabi ni Itay. “Ituturo ni Nephi kalaunan na ang gabay ay katulad ng salita ng Diyos. Sa palagay ninyo, paano tayo makakahawak sa gabay na tulad ng mga tao sa panaginip ni Lehi?”

“Hawak po natin ang gabay ngayon mismo!” Itinaas ni Elvira ang kanyang Aklat ni Mormon. “Sa pagkakaroon po ng oras para sa banal na kasulatan.”

Tumango si Inay. “Kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, mas napapalapit tayo kay Jesucristo. Tulad ng mga tao na mas nakalapit sa punungkahoy ng buhay nang humawak sila sa gabay.”

Habang patuloy silang nagbabasa, nawari ni Elvira ang sarili niya na humahawak sa gabay at lumalakad papunta sa magandang puno. Hindi na siya gaanong inantok.

Hindi nagtagal ay oras na para umalis. Kinailangan nang pumasok sa trabaho sina Aunt Liv at Inay. At kinailangan nang maghandang pumasok sa eskuwela sina Elvira, Sigrid, at Dorthea.

“Babay na sa lahat!” Kumaway si Elvira sa kanyang pamilya sa screen. “Mahal ko kayo!”

Habang tumatakbo siya pababa para maghandang pumasok sa eskuwela, maganda ang pakiramdam ni Elvira. At hindi dahil sa mabalahibo niyang kumot. Alam niya na ang magandang pakiramdam ay ang Espiritu Santo na nagsasabi sa kanya na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Napakagandang paraan para simulan ang araw!

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Hector Borlasca