“Ang Mithiing Magbasa,” Kaibigan, Ene. 2024, 36–37.
Ang Mithiing Magbasa
Ayaw ni Anders na magbasa nang malakas.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Nakinig si Anders sa ate niya na magbasa sa oras ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Sinubukan niyang sabayan iyon sa tablet niya. Pero mahirap magtuon sa mga salita.
Laging nahihirapan si Anders na magbasa. Noong nakaraang taon, nalaman niya na mayroon siyang dyslexia. Ang dyslexia ay isang kapansanan sa pag-aaral na nagpapahirap sa pagbabasa. Napaghahalo ng utak niya ang mga salita at letra, at tumatawid sa kabilang pahina ang mga mata niya kapag sinusubukan niyang magbasa.
Natapos nang basahin ng ate niya ang kanyang talata, at binasa ng kuya niya ang sumunod na talata. Pero hindi nagbasa si Anders. Ayaw niyang magbasa nang malakas. Nakatulong nang kaunti ang pagpapalaki ng mga salita sa tablet niya. Pero nainis siya sa bagal at pagkaasiwa niya sa pagbabasa. Napakarami niyang nasabing mali! Kinailangan niyang magsikap nang husto para sa isang bagay na tila madali para sa iba.
Nang matapos silang magbasa, nanood ng video ang pamilya ni Anders. Tungkol iyon sa programang Mga Bata at Kabataan.
“Magtakda ng mga personal na mithiin na humahamon at nagpapabanat sa iyo,” sabi ni Elder Gong sa video. “Tumuklas ng mga bagong talento, interes, at kasanayan.”*
Pinag-isipan ni Anders ang mga mithiing maaari niyang itakda. Siguro maaari niyang pag-aralan kung paano mag-bake ng cookies. O maglaro ng soccer nang mas mahusay!
Pagkatapos ay tumingin siya sa Aklat ni Mormon na nasa ibabaw ng mesa. Ang pagiging mas mahusay sa pagbabasa ay parang hindi isang masayang mithiin. Pero gusto niyang magawang basahin ang mga banal na kasulatan kasama ang kanyang pamilya.
“Alam ko na po kung ano ang gusto kong maging mithiin,” sabi niya kay Itay.
“Ano ’yon?” tanong ni Itay.
Dinampot ni Anders ang Aklat ni Mormon. “Gusto ko pong magbasa ng isang talata ng Aklat ni Mormon nang malakas araw-araw.”
“Mukhang magandang ideya ’yan,” sabi ni Itay. “Kailan mo gustong simulan?”
“Ngayon na po!”
Nagpunta si Anders sa kuwarto niya at isinara ang pinto. Ayaw niyang may makarinig sa kanya. Pagkatapos ay binuklat niya ang kanyang Aklat ni Mormon. Napaghalu-halo niya ang ilan sa mga salita, pero isang minuto lang ay natapos na niya ang unang talata. Hindi na masama, naisip niya.
Nagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan si Anders araw-araw. Mahirap gawin iyon! Pakiramdam niya ay hindi rin siya humuhusay. Pero ipinagpatuloy niya iyon.
Pagkatapos isang araw sa paaralan, sinabi ng kanyang guro, “Wow! Hindi ako makapaniwala sa bilis mong matuto.”
Tumingala si Anders mula sa pagkakayuko sa homework niya. “Talaga po?”
Tumango ito. “Ang laki na ng iniunlad mo.”
Tumingin si Anders sa mga salita sa kanyang papel. Mas madali nang basahin ang mga iyon kaysa rati. Ang mithiin niyang magpraktis sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay tumutulong pa sa kanya na matuto sa paaralan.
Pag-uwi niya, tumakbo siya paakyat para basahin ang kanyang mga banal na kasulatan. Nang tingnan niya ang pahina, umiikot pa rin ang mga salita. Pero mas madali nang maintindihan ang sinasabi ng mga ito.
Tuwang-tuwa si Anders sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya nang gabing iyon.
“Itay,” sabi niya. “Puwede po ba akong tumulong sa pagbabasa ngayon?”
Ngumiti si Tatay. “Gustung-gusto ko ’yan!”
Maingat na sinundan ni Anders ang pagbabasa ng bawat isa sa kanyang mga kapatid ng isang talata. Nang siya na ang magbabasa, binasa niya nang dahan-dahan ang talata para masiguro na tama ang pagbasa niya sa bawat salita. Pagkatapos niyang magbasa, tumingala siya. Lahat ay nakangiti sa kanya.
Kahit hindi siya isang perpektong mambabasa, ipinagmalaki ni Anders ang sarili niya. Batid niya na kapag nagsikap siya nang husto, laging nariyan ang Ama sa Langit para tulungan siya.