2021
Pagkatutong Makilala ang Espiritu Santo
Pebrero 2021


“Pagkatutong Makilala ang Espiritu Santo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 6–7.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pagkatutong Makilala ang Espiritu Santo

Papatnubayan at gagabayan ng Espiritu Santo ang ating buhay kapag natutuhan nating kilalanin at sundin ang Kanyang mga pahiwatig.

dalagita

Noong kabataan ko, hindi ko alam kung ano ang pakiramdam ng madama ang Espiritu Santo. Mga 12 taong gulang ako nang pinaupo ako ng nanay ko at itinanong niya sa akin ang mahalagang tanong na ito: “Mark,” sabi niya, “sinabi na ba sa iyo ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ang Simbahan ay totoo?”

Hindi ako nagsisinungaling sa nanay ko, kaya tapat at nahihiya akong sumagot ng “Hindi po?”

Pagkatapos ay sinabi niya, “Nais ng Ama sa Langit na malaman mo mismo sa iyong sarili, pero kailangan mong magsikap. Kung magbabasa ka ng Aklat ni Mormon at mananalangin, ipapaalam Niya sa iyo ang katotohanan nito sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”

May sarili akong kopya ng Aklat ni Mormon, pero hindi ko pa ito nababasa nang mag-isa. May determinasyon na gawin ang imbitasyong ito nang taimtim, sinimulan ko ang sarili kong espirituwal na paglalakbay. Tuwing gabi bago ako matulog, binabasa ko sa Aklat ni Mormon ang isa o mas marami pang kabanata. Nang lumuhod ako para manalangin, hiniling ko sa Ama sa Langit na ipaalam sa akin na ito ay totoo. Habang nagdarasal ako, nagkaroon ako ng payapang pakiramdam. Maganda ang naging pakiramdam ko.

Mula kaya sa Espiritu Santo ang mga pakiramdam na ito? Hindi talaga ako sigurado. Ang lahat ng ito ay bago sa akin, at hindi ko alam kung ano ang pakiramdam ng mga paramdam ng Espiritu Santo. Nag-isip-isip ako kung kakausapin ba ako ng isang anghel o baka may isang matinding banal na liwanag na lilitaw sa silid ko. Gayunpaman, taglay ang hangaring tanggapin ang ipinangakong kaalaman mula sa Espiritu Santo, patuloy akong nagbasa at nanalangin gabi-gabi. Tuwing nagdarasal ako, payapa ang pakiramdam ko, at maganda ang pakiramdam ko.

Kalaunan ko na lang napag-isip na sinasagot na pala ng Panginoon ang mga dasal ko, pero iba ang sagot na hinahanap ko. Hindi ko naisip na “madarama” pala natin ang mga paramdam ng Espiritu Santo.

binatilyong nagbabasa sa tablet

Pag-aralang Kilalanin ang mga Pahiwatig

Si Oliver Cowdery ay minsan nang nahirapang mahiwatigan ang Espiritu. Nang tanungin niya si Propetang Joseph Smith tungkol dito, tinanggap niya ang sagot na ito mula sa Panginoon: “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” (Doktrina at mga Tipan 6:23). Natanggap na niya ang sagot, pero hindi niya ito nakilala. Ang sagot ay kapayapaan sa kanyang isipan—tulad ng nadama ko noong kabataan ko.

Hindi nagtagal, nagbigay ang Panginoon ng dagdag na payo kay Oliver at sa ating lahat: “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso. … Ito ang diwa ng paghahayag.” (Doktrina at mga Tipan 8:2–3).

Itinuro sa atin ni Apostol Pablo na kilalanin ang mga nararamdaman nating “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, [at] kaamuan” (Galacia 5:22–23).

Ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo ay madalas na tahimik at banayad. Bihirang sisiigaw ang Diyos para subukang kunin ang ating atensiyon. Sa halip, kapag maglalaan tayo ng oras para huminto, makadama, at magnilay-nilay, ipinapakita natin sa Kanya na tayo ay nakikinig at naghahangad ng mga sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa susunod na luluhod kayo sa panalangin, sa halip na tumayo kaagad pagkatapos magsabi ng “amen,” maghintay sandali. Manatiling nakaluhod at makinig lamang. Maaaring nagsisikap ang Panginoon na “[m]angusap ng kapayapaan sa iyong isipan” tulad ng ginawa Niya kay Oliver Cowdery at sa akin.

dalagitang nagdarasal

Ang Dakilang Kaloob na Espiritu Santo

Pagkatapos ng binyag, tinatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo. Ang banal na kaloob na ito ay nagbibigay ng tulong mula sa isang miyembro ng Panguluhang Diyos sa buong buhay natin. Pinapangakuan tayo na kapag nagsisikap tayong mamuhay nang karapat-dapat sa kaloob na ito, ang Espiritu Santo ay “magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Ang Espiritu Santo ay nagpapatibay ng katotohanan sa ating puso, pomoprotekta sa atin mula sa kasamaan, at gumagabay sa atin sa buong buhay natin. Ito’y isang kamangha-manghang regalo!

Nagpapasalamat ako sa pambihirang kaloob na Espiritu Santo at sa Kanyang pagpatnubay sa buhay ko.