2021
Kayo ang Bida ng Sarili Ninyong Kuwento
Pebrero 2021


“Kayo ang Bida sa Sarili Ninyong Kuwento,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 8–11.

Kayo ang Bida ng Sarili Ninyong Kuwento

eroplano

Larawan mula sa Getty Images

Kapag naiisip ko ang mga kabataan at young adult ng Simbahan ni Jesucristo, nakadarama ako ng matinding pagmamahal sa inyo. Kapag naiisip ko kayo, nakikita ko ang sarili ko!

Noong binatilyo pa ako, tumayo ako sa bakod ng isang pandaigdigang paliparan at pinanood ko ang magagandang makinang lumilipad.1 Ang mga pag-angat at paglapag ay isang mahimalang tanawin. Pinukaw niyon ang aking kaluluwa! Pinangarap kong makapasok sa cockpit ng isa sa mga kahanga-hangang eroplanong iyon at madama ang kilig ng pag-angat mula sa lupa, paglipad sa ibabaw ng mga ulap, at paglalakbay sa mga bagong tanawin.

tatlong batang lalaki

Ngunit posible ba ang pangarap na iyon? Hindi ako isinilang na mayaman. Dalawang beses naging mga refugee ang pamilya ko, na ang dala lamang ay ang kaya naming dalhin. Itinuring ako ng ilan na tagalabas. Habang nakikipaglaro ang ibang mga bata sa mga kaibigan nila, kinailangan kong iukol ang mga hapon at Sabado’t Linggo ko sa negosyo ng aming pamilya na paglalabada, kadalasan ay bilang delivery boy.

ang binatilyong si Dieter F. Uchtdorf sakay ng bisikleta

Sinasabi ko ito dahil maaaring iniisip din ng ilan sa inyo kung magkakatotoo nga ba ang inyong mga pangarap. Nauunawaan ko ang nadarama ninyo. Kung mababalikan ko ang panahong iyon at makakausap ko ang batang iyon na nakatayo sa kabilang panig ng bakod na nasasabik sa mas magandang kinabukasan, sasabihin ko:

“Hindi magiging madali, pero kaya mong gawin iyon. Magiging maayos ang lahat. Ang paglalakbay ay mapupuno ng mga hamon, Dieter. Ngunit babaguhin ka ng paghihirap mismo na maging ang tao na nais mong kahinatnan. Magsikap nang husto. Huwag magpabagu-bago. Magtuon sa mga bagay na kaya mong baguhin, huwag masyado sa mga bagay na hindi mo kayang baguhin. Manampalataya. Umasa. Magtiwala sa Diyos. Dapat mong malaman na kung gagawin mo ang iyong bahagi, magiging maayos ang lahat.”

Ito rin ang payo ko sa inyo ngayon.

Kayo ang Bida sa Sarili Ninyong Kuwento

Mahal kong mga kaibigan, bata pa ako ay mahilig na ako sa mga kuwento ng pakikipagsapalaran. Marami sa mga kuwentong iyon ang nagsisimula sa isang tauhang may problema. Mas malaki ang problema, mas makabagbag-damdamin ang kuwento. At ang hindi alam ng tauhan ay lalala pa nang husto ang mga bagay-bagay! Sa katunayan, nagiging napakasama ng mga ito kaya maaaring unti-unting madama ng bida na hindi niya kailanman malalampasan ang mga hamon na nasa kanyang harapan.

Hanggang sa may mangyaring espesyal na bagay sa kanilang buhay, parang lilitaw ang isang pinagkakatiwalaang tao o isang pinagkukunan ng karunungan para tulungan silang magtamo ng sapat na kaalaman at kabatiran upang makabuo ng bagong plano. Ang natitirang bahagi ng kuwento ay tungkol sa kung paano susundin ng bida ang plano at madaraig ang mga hirap na kinakaharap niya.

Sa isang nakaraang pangkalahatang kumperensya, nagsalita ako tungkol kay Bilbo Baggins—isang napakaordinaryong hobbit na nakipagsapalaran para patayin ang isang dragon. Si Gandalf ang kanyang pinagkunan ng karunungan at tulong. O isipin si Obi-Wan Kenobi, na tumulong kay Luke Skywalker na matutong unawain ang Force at talunin ang Death Star. Kasama ni Anne ng Green Gables sina Marilla at Matthew, na nagmahal at gumabay sa kanya simula noong siya ay maging isang ulila hanggang sa siya ay maging matagumpay na estudyante at minamahal na kaibigan. Sina Hermione Granger at Harry Potter ay may mga nagmamahal na guro sa Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry upang tulungan silang malaman ang kailangan nilang gawin para madaig si “He-Who-Must-Not-Be-Named.”

At ngayon, lumalapit ako sa inyo. Bida man kayo sa pakiramdam ninyo o hindi, bida kayo! Kayo ang bida sa sarili ninyong kuwento ng buhay! Marahil ay nakatayo kayo sa harapan ng inyong sariling pader, nasasabik na maging katulad ng nais ninyong kahinatnan. Kung minsan, maaari ninyong madama na nag-iisa kayo—pero hindi kayo nag-iisa.

Kayo ay anak ng Diyos. Siya ang inyong Ama sa Langit. Mahal Niya kayo at isang panalangin lamang ang layo sa inyo. Sumasainyo si Jesucristo. Ang mga epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala ay laging nariyan para pawiin ang sakit at kalungkutan ng mga pagkakamali. Mayroon kayong mapagmahal na mga bishop at iba pang mga lider ng Simbahan at pamilya ng inyong ward na maaaring gumabay at tumulong sa inyo.

Magtiwala na Gagabayan ng Diyos ang Inyong mga Hakbang

Gaano man kalayo sa pakiramdam ninyo ang inyong hantungan, dapat ninyong malaman ito: maaaring hindi ninyo marating ang nais ninyong puntahan sa loob ng isang araw o isang linggo o kahit isang taon. Pero kung magpapatuloy kayo sa paisa-isang hakbang at magsisikap bawat araw na sundin ang inyong plano, magiging maayos ang lahat at makakamit ang inyong mga mithiin. Siguradong makakatagpo kayo ng mga sorpresa at mga di-inaasahang hamon sa pakikipagsapalaran, ngunit iyon ang mga bagay na bumubuo sa matagumpay na kuwento—ang kuwento ng inyong buhay! At, lalo na, tandaan na kung magtitiwala kayo sa Panginoon, matututo tungkol sa Kanya, mananampalataya sa Kanya, gagabayan Niya ang inyong landas.2

Mahal kong mga kaibigan, kapwa mga manlalakbay sa daan ng malaking pakikipagsapalaran ng mortalidad, huwag masiraan ng loob. Huwag sumuko. Maganda ang hinaharap! Balang-araw, tulad ko, lilingunin ninyo ang inyong sarili ngayon nang may kabaitan at habag, at malalaman ninyo na ang mga hakbang na ginawa ninyo ngayon ay hinubog kayong maging mabuting tao na siya ninyong kahihinatnan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Those Magnificent Men in their Flying Machines (1965), isang pelikulang katatawanan noong panahon ng mga British.

  2. Tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6