“Mga Pahiwatig sa Bangko sa Parke,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 20–21.
Mga Pahiwatig sa Bangko sa Parke
Hindi pa alam ng babaeng nakaupo sa bangko, pero kailangan niya kaming kausapin.
Isa na namang malamig at maulan na araw para sa aming magkompanyon nang naglakad kami sa mga kalye ng maliit na bayan sa may baybay-dagat ng Los Vilos, Chile. Mahirap na linggo iyon para sa amin—wala kaming maturuan at hirap kaming makahanap ng gustong makinig sa aming mensahe. Pinanghinaan na talaga ako ng loob, at pakiramdam ko ay hindi kami gaanong nagtatagumpay dahil hindi kami nagtuturo ng maraming lesson.
Naglalakad kami ng kompanyon ko nang gabing iyon, at nagmasid ako at nakita ang isang babaeng umiiyak sa isang bangko sa parke. Alam kong kailangan namin siyang kausapin. Tiningnan ko ang kompanyon ko at ibinaling siya sa babae. Habang naglalakad kami papalapit sa kanya, patuloy kong nadama na kailangan niyang marinig ang isang bagay mula sa amin, pero hindi ko maisip kung ano. Ang alam ko lang ay mahalagang makausap namin siya.
Nang nakita niya kami, sinabi niya, “Umalis kayo. Ayaw kong makipag-usap kahit kanino.”
Sinikap kong sabihin sa kanya kung sino kami at na gusto lamang naming tumulong, pero ayaw niyang makinig. Sinabihan niya kami ulit na umalis. Sinubukan kong mag-isip ng maaari naming sabihin pero wala akong maisip. Umalis na kami.
Siguro’y nakakaapat na hakbang pa lang kami palayo nang madama ko na kailangan namin siyang kausapin. Bumaling ako sa aking kompanyon at sinabing, “Kailangan nating bumalik.”
Bumalik kami, at ganoon pa rin ang nangyari, pero sa pagkakataong ito ay lalo pa siyang nagalit. “Kailangan kong mapag-isa. Umalis na kayo.”
Muli, wala akong maisip na anumang mahalagang sasabihin sa kanya. Masasabi kong talagang nahihirapan siya noong araw na iyon, pero hindi ko alam kung ano ang kailangan niyang marinig. Kaya napabuntong-hininga ako, at muli kaming umalis.
Medyo mas malayo na kami nang madama kong muli ang pahiwatig: Kausapin n’yo siya.
“Hindi ko talaga gustong sabihin ito, Hermana,” sabi ko, “pero kailangan talaga nating bumalik at kausapin ang babaeng iyon.”
Sinabi ng kompanyon ko na huwag na namin itong gawin, dahil malinaw na hindi natutuwa sa amin ang babae.
Sa totoo lang, sang-ayon ako sa kanya at nag-alala ako nang kaunti tungkol sa muling pagbalik at pang-iinis sa babae, na malinaw na balisa. Pero sa halip, ang sinabi ko ay “Hindi, naramdaman ko talaga na kailangan natin itong gawin. Hindi pa niya ito alam, pero kailangan niya tayong kausapin.”
Maingat kaming bumalik sa babae sa bangko, na umiiyak pa rin. Bago kami nakalapit sa kanya, nagdasal ako nang kaunti. “Ama sa Langit,” naisip ko, “pakitulungan po Ninyo ako na malaman kung ano ang kailangang marinig ng babaeng ito.”
Nang makarating na kami sa kanya, sabi ko, “Pasensya na po sa muling pang-aabala, pero gusto ko lang sabihin sa iyo na ikaw ay anak ng Diyos. Talagang kailangan Niyang ipaalam sa iyo na mahal ka Niya. Dahil totoo iyan. At masaya kaming makipag-usap pa sa iyo, pero kung talagang ayaw mo, okey lang. Gusto ko lang na malaman mo iyan.”
Tiningnan niya kami nang mas mahinahon. Sabi niya, “Siguro ay puwede kayong umupo.”
Ang pangalan niya ay Veronica. Nagsimula siyang magtapat sa amin ng kanyang mga saloobin at sinabi ang nangyayari sa buhay niya. Marami siyang problema sa pamilya at nakatanggap ng masamang balita tungkol sa kanyang trabaho. Talagang naguguluhan siya at pakiramdam niya ay mag-isa siya.
Nagbahagi kami ng isang talata mula sa Aklat ni Mormon sa kanya at nagtanong kung gusto pa niyang marinig ang iba pa tungkol sa ebanghelyo. Magalang siyang tumanggi pero pinasalamatan niya kami sa aming mensahe at sa pamimilit na makipag-usap sa kanya. Bago umalis, nagdasal kami kasama niya sa maliit na bangko na iyon sa parke, at hiniling namin na pagpalain at gabayan siya at ang kanyang pamilya.
Hindi na namin nakitang muli si Veronica, pero itinuro sa akin ng karanasang iyon na kahit na maaaring hindi na namin makita ang isang tao na mabinyagan, ang pagpapakita ng pagmamahal sa isang tao ay mahalaga sa gawaing misyonero. Kahit ang pinakamaliliit na gawain ay maaaring magkaroon ng malaking epekto, kaya kapag nakatanggap tayo ng pahiwatig—kahit medyo parang nakakatakot ito o hindi natin alam kung bakit—mahalaga na sundin natin ito. Dahil alam ng Ama sa Langit ang kailangan ng Kanyang mga anak. Kahit na ang magagawa lang natin ay ang ibahagi ang pagmamahal ng Diyos sa isang tao, ito ay isa pa ring tagumpay.