“Ang Katusuhan ng Diyablo laban sa Karunungan ng Diyos: Walang Duda Kung Sino ang Panalo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 16–19.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Katusuhan ng Diyablo laban sa Karunungan ng Diyos: Walang Duda Kung Sino ang Panalo
Maaari mong matutuhan ang natutuhan ni Joseph Smith: ang karunungan ng Diyos ay palaging panalo sa huli.
Isang pangyayari mula sa sinaunang kasaysayan ng Simbahan na palaging pinag-uusapan ang tumatalakay sa pagkawala ng 116 na mga pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Ang dalawang dahilan kung bakit palagi nating pinag-uusapan ang pangyayaring ito ay: (1) may direktang kaugnayan ito sa dalawang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan (bahagi 3 at 10), kaya palagi itong nagiging paksa ng talakayan sa ating pag-aaral ng banal na kasulatan; at (2) ang mga walang-hanggang aral na natutuhan ni Joseph Smith mula sa mga karanasang ito ay makakatulong sa atin ngayon sa maraming paraan.
Ang isa sa mga aral na iyon ay itinuro ng Panginoon sa mga salitang ito: “Ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo” (Doktrina at mga Tipan 10:43). Gusto ng Panginoon na magtiwala tayo sa Kanya. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng higit na pang-unawa, lakas, at kapayapaan.
Karanasan ni Joseph Smith
Matapos mawala ang 116 na pahina, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na huwag nang isalin muli ang bahaging iyon ng mga laminang ginto, dahil nagbabalak ang masasamang tao na linlangin ang ibang tao sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng dalawang salin. Ngunit ilang siglo bago iyon, sinabi ng Panginoon kay Nephi na gumawa ng maliliit na lamina at kay Mormon na isama ang mga ito sa kanyang talaan. Kaya’t nasimulan muli ni Joseph ang pagsasalin mula roon, at nasa atin na ngayon ang Aklat ni Mormon. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10; 1 Nephi 9; Mga Salita ni Mormon.)
Ang diyablo at ang mga sumuporta sa kanyang mga layunin ay gumawa ng tusong plano, pero napigilan ito ng karunungan ng Panginoon.
Ang Katusuhan ng Diyablo
Ang katusuhan ng diyablo ay maaaring lumitaw sa maraming anyo, pero tila ang isang pangunahing mensahe sa likod nito ay “Huwag maniwala.” Ito ang pangunahing punto ng pinakaunang mensahe ng kaaway sa mga anak nina Eva at Adan matapos ituro sa kanila ng kanilang mga magulang ang plano ng kaligtasan (tingnan sa Moises 5:13). At ito rin ang parehong mensahe na mahalagang tampok sa kanyang mga tusong plano ngayon.
Ano ba ang ayaw ng diyablo na paniwalaan mo? Anumang totoo o mabuti. Kung makukumbinsi ka niyang huwag maniwala sa katotohanan ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, ng plano ng kaligtasan, ng mga banal na kasulatan, ng mga kautusan, ng Pagpapanumbalik, at ng mga propeta, ibig sabihin, nagtagumpay siya. At mas madali ka nang magpapadala sa iba’t ibang tukso at ilalayo ka sa katotohanan, pagsisisi, at kadakilaan.
Paano ka niya kinukumbinsing huwag maniwala? Sa pamamagitan ng pagtatanim ng takot, kawalang-katiyakan, at pag-aalinlangan sa iyong isipan.
Isang Halimbawa sa Panahong Ito
Halimbawa, ngayon (tulad noong panahon ni Joseph Smith) ang mensahe ng diyablo tungkol sa kawalang-paniniwala ay higit na nakatuon kay Joseph Smith at sa kanyang gawain bilang propeta ng Pagpapanumbalik. Sisikapin ng mga tao na kumbinsihin ka na hindi propeta si Joseph Smith at hindi totoo ang Aklat ni Mormon. Kung magsasaliksik ka online, maaaring maramdaman mo na napakaraming ebidensya laban sa Propeta at sa kanyang gawain. Ngunit ito ay isang tusong panlilinlang.
Tulad ng mga tao noong panahon ni Joseph Smith na nais siyang siraan at handang magsinungaling at manlinlang para magawa iyon, may mga tao ngayon na hihikayatin kang magtuon lamang sa kulang-kulang at baluktot na impormasyon tungkol sa Propeta o sa Aklat ni Mormon. Ayaw nilang malaman mo ang kabuuan ng impormasyon; gusto nilang magtuon ka lamang sa mga bagay na nagdudulot ng pag-aalinlangan.
Tatlong Payo
Ibinigay ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tatlong payo na ito para sa pag-aaral tungkol kay Propetang Joseph Smith: “Maging matiyaga, huwag maging mababaw, at huwag balewalain ang Espiritu” (“The Prophet Joseph Smith” [mensahe sa debosyonal sa BYU–Idaho, Set. 24, 2013], byui.edu/devotionals).
-
Maging matiyaga. Palagi tayong pagpapalain ng Panginoon para sa ating pagtitiyaga at pananampalataya. Kung tayo ay matiyaga at patuloy na naniniwala, ang mga bagay na tila malabo noon ay madalas na nagiging malinaw sa paglipas ng panahon. At ang ilan sa “ebidensya” na inilalatag ng mga tao laban sa Propeta ngayon ay maaaring mapabulaanan bukas dahil sa bagong ebidensya na magpapawalang-bisa rito.
-
Huwag maging mababaw. Kung tayo ay lubos na nakatuon sa ating pag-aaral, maiiwasan nating mabitag sa sadyang limitado at negatibong pananaw ng ibang tao at malalaman natin ang kabuuan ng impormasyon tungkol sa Propeta—ang mga katotohanan at ang konteksto ng mga ito. Makikita natin na ang mga bunga ng kanyang gawain ay talagang mabubuti.
-
Huwag balewalain ang Espiritu. Kung magtutuon tayo ng pansin sa mga kaisipan, pahiwatig, at damdaming nagmumula sa Espiritu, magkakaroon tayo ng mas kumpletong kasangkapan para makamtan at maunawaan ang katotohanan. At magagawa nating sumulong at umunlad sa espirituwal kahit hindi napapasaatin ang lahat ng sagot sa ating mga tanong.
Ang Karunungan ng Diyos
Ang karunungan ng Diyos ay tunay na nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo. Kahit hindi natin alam ang lahat ng dahilan sa likod ng mga utos ng Panginoon, maaari pa rin tayong magtiwala sa Kanya at sa Kanyang mga propeta.
Hindi alam ni Nephi kung bakit inutusan siya ng Panginoon na gawin ang maliliit na lamina. Hindi niya alam ang tungkol sa 116 na pahina at sa mga planong siraan si Joseph Smith 2,400 taon sa hinaharap. Pero alam ni Nephi na ito ay “para sa isang matalinong layunin sa [Panginoon],” at alam niya na mapagkakatiwalaan niya Siya (tingnan sa 1 Nephi 9:5–6).
Ngayon, maaari rin tayong magtiwala sa Panginoon, kahit hindi natin alam ang lahat ng dahilan sa payong ibinibigay Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari tayong patuloy na maniwala at manampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang piniling propeta ng Pagpapanumbalik, si Joseph Smith, kahit hindi nasasagot ang lahat ng tanong natin. Maaari tayong magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon. Maaari tayong patuloy na magkaroon ng pag-asa, kahit parang nakakatakot at matindi ang mga hamong kinakaharap natin.
Maaari nating gawin ang lahat ng ito dahil, anuman ang mangyari, kapag itinapat ang mga tusong plano ng diyablo laban sa karunungan ng Diyos, walang duda kung sino ang panalo. Ang karunungan ng Diyos ay palaging mananaig.