Nais kong marinig ang tinig ng Panginoon sa buhay ko. Paano ko malalaman na pinakikinggan ko Siya?” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 29.
Tuwirang Sagot
Paano ko malalaman na pinakikinggan ko ang tinig ng Panginoon sa buhay ko?
Inimbita tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “mag-isip nang malalim at madalas” tungkol sa kung paano natin pakikinggan si Jesucristo at “gumawa ng mga hakbang upang pakinggan Siya nang mas mabuti at mas madalas” (“‘How Do You #HearHim?’ A Special Invitation,” Peb. 26, 2020, blog.ChurchofJesusChrist.org).
Mapakikinggan natin Siya sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta. Ngunit hindi lamang pakikinig o pagbabasa sa mga salitang iyon ang mahalaga. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinaliwanag ng Panginoon:
“Ang aking tinig ang nangusap ng [mga salitang ito] sa inyo; sapagkat ang mga ito ay ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo … ;
“Dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig” (Doktrina at mga Tipan 18:35–36).
Bukod pa rito, ang paghahangad na pakinggan Siya ay hindi isang bagay na ginagawa natin nang pabugso-bugso. Sabi nga ni Pangulong Nelson, “Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap” (“Pakinggan Siya,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2020 [Liahona, Mayo 2020, 89]).
Habang kayo ay nag-aaral, nagdarasal, sumasamba, naglilingkod, at sumusunod sa mga utos ng Panginoon, pagpapalain Niya kayo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at babaguhin kayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa gayon ay malalaman ninyo na pinakikinggan ninyo ang Kanyang tinig.