2021
Ang Bagong Buhay ni Kayli
Pebrero 2021


“Ang Bagong Buhay ni Kayli,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 2–5.

Ang Bagong Buhay ni Kayli

Ang dalagang ito ay naglakbay nang higit pa sa mga kilometro para marating ang kinaroroonan niya ngayon.

batang babae na may dilaw na maleta

Ang tanawin ay hindi tulad ng nakagawian niya. Mainit, tuyo, at walang niyebeng makikita rito, ang Texas ay parang nasa ibang planeta para kay Kayli C. Para sa isang batang babaeng lumaki sa Alaska, mauunawaan kung bakit ganoon ang reaksyon niya.

“Kapag tag-init sa Alaska, itinuturing na naming mainit ang klima na mas mataas sa 10 degrees Celsius,” sabi ni Kayli. “Sa Texas, mahirap huminga dahil sobrang maalinsangan at mainit sa labas.”

Para kay Kayli, ang pagbabago ng klima mula sa Alaska papunta sa Texas ay isa lamang sa napakaraming pagbabago. Kamamatay lang ng kanyang tatay sa isang di-inaasahang trahedya, at hindi kayang alagaan ng kanilang Inay si Kayli at ang dalawa niyang mas batang kapatid na babae. Noong panahong iyon, si Kayli, na ngayo’y malapit nang magtapos ng hayskul, ay 13 taong gulang at ang kanyang mga mas batang kapatid na sina Jada at Rhianna, ay 10 at 8 taong gulang pa lamang.

Nagdesisyon ang kanilang mga kamag-anak na ang pinakamainam na solusyon ay tumira ang tatlong magkakapatid na kasama ng kanilang ate at ng asawa nito sa Texas.

Bagama’t maganda ang pagtanggap ni Jenny, ang ate ni Kayli, at ng asawa nito na si Matt, sa tatlong magkakapatid, hindi naging madali ang pagbabagong ito.

Una ay ang klima. Dagdag pa rito ang katotohanan na, para sa magkakapatid na mula sa maliit na bayan, ang malalaking paaralan sa Texas ay nakakalula.

At pati na rin ang kaugaliang ito ng pagsisimba …

Ang mga Bagay na Nakagawian

batang babae na may hawak na dalawang isda

“Masaya akong lumaki sa Alaska,” sabi ni Kayli. “Gustung-gusto ko ang niyebe at malamig na klima. Mahilig akong lumabas. Ang lahat ng bagay ay napakaganda. At mahilig din akong mag-skating sa yelo, magpadausdos sakay ng sled, at gumawa ng iba pang karaniwang aktibidad sa taglamig.”

batang babae sa Iditarod finish line

Binanggit din niya ang ilan pang bagay tungkol sa buhay nila noon sa Alaska. “Napansin namin ng mga kaibigan ko na paggawa ng masama ang susi para sumikat ka. At para sa akin, ang kasikatan ang susi para maging masaya ka. Kaya hindi maganda ang direksyong pinatutunguhan ko noon.”

Ang isa sa mga kaibigan ni Kayli ay nabuntis. Ang isa naman ay nalulong sa droga. Ang ilan sa iba pa niyang kaibigan ay nagsimulang maging negatibo palagi.

“Gusto ko ang paninirahan sa Alaska,” sabi muli ni Kayli. “Pero talagang napapaisip ako kung ano ang maaaring kinahinatnan ng buhay ko kung nanatili ako roon. Marami sa mga kaibigan ko sa Alaska ang hindi maganda ang sitwasyon ngayon.”

Ang mga Bagay na Nagbago

Isang mahalagang pangyayari sa buhay ni Kayli ang naganap bago pa siya matutong maglakad at magsalita. Noong batang-bata pa si Kayli, nakilala ng kanyang ate na si Jenny ang mga missionary sa kolehiyo at sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Matapos mag-aral nang isang taon sa kolehiyo sa Alaska, lumipat si Jenny sa BYU–Idaho, kung saan niya nakilala ang asawa niyang si Matt. Nang makatapos sila, lumipat sina Matt at Jenny sa Texas.

Noong tinanggap nila sa kanilang tahanan ang magkakapatid, may dalawang patakaran sina Matt at Jenny tungkol sa relihiyon: “Ang una ay kailangan nilang magsimba kasama namin, bilang bahagi ng pamilya,” sabi ni Jenny. “Ang pangalawang patakaran ay hinding-hindi namin sila pipilitin ni Matt na magpabinyag o kahit magpaturo sa mga missionary. Dapat ay sariling desisyon nila iyon.”

Kaya, nagsimulang magsimba si Kayli at dumalo na rin sa mga aktibidad sa ibang araw. Noong una, hindi naging matindi ang impluwensya nito sa kanya. “Dumalo ako, pero hindi ako naniwala sa anuman,” sabi ni Kayli. “Hindi ko ito masyadong pinansin.”

Gayunman, nagsimula niyang mapansin ang di-pangkaraniwang bagay. “Tuwing magsisimba o dadalo ako sa mga aktibidad ng mga kabataan, masaya ako.”

Matapos mapansin ito nang ilang taon, handa na si Kayli na makilala ang napaka-espesyal na kaibigan.

Maliliit na Hakbang, Malalaking Gantimpala

“Nakilala ko ang kaibigan kong si Maddie nang lumipat kami sa ibang bahagi ng Texas noong tag-init bago ako tumuntong sa ika-10 baitang,” sabi ni Kayli. “Nagpakilala siya at naging napakagandang halimbawa sa akin.”

Sabi ni Kayli, parang palaging positibo at masayahin si Maddie, kahit sa mahihirap na sandali. Habang lumalago ang pagkakaibigan nila, mas nasasabik si Kayli na dumalo sa mga miting at aktibidad sa Simbahan.

dalawang batang magkakapit-bisig

“Si Maddie ay mabuting kaibigan,” sabi ni Kayli.

Mga larawang kuha ni Aubrey Stock

Isa pang malaking impluwensya sa buhay ni Kayli ang seminary. Hindi tulad noong una siyang magsimba, sa pagkakataong ito, talagang nagsimulang magtuon ng pansin si Kayli sa itinuturo. “Ang rason kung bakit nagsimula akong magtuon ng pansin sa seminary ay dahil napakagaling sumagot at makilahok ng mga tao sa paligid ko. Gusto kong maging bahagi niyon.”

Sabi nga nila, ang mga bagay ay umaayon sa nararapat mangyari. Dahil sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa seminary, pagsaksi sa kaligayahang hatid ng ebanghelyo sa kanyang ate, sa asawa nito, at sa iba pang miyembro ng ward, at pagkakaroon ng mahahalagang kaibigan, handa nang magsabi ng oo si Kayli nang tanungin siya ni Maddie kung gusto niyang magpaturo sa mga missionary sa kanyang bahay.

Mula roon, mabilis ang pangyayari. Si Kayli at ang mas bata niyang kapatid na babae—na personal ding tinanong ng isa pang kaibigan na magpaturo sa bahay ng kaibigang iyon—ay nagdesisyong magpabinyag sa parehong araw.

“Sa Alaska, ang kaligayahan ko ay nagmula sa pag-iistambay kasama ng mga kaibigan ko at pagsisikap na maging sikat,” sabi ni Kayli. “Ngayon, ang kaligayahan ko ay nagmumula sa ebanghelyo. Marami akong natutuhan mula sa mga miyembro rito. Natutuhan ko na ang kaligayahan at liwanag ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.”

batang babaeng nagdarasal

Isang Buhay na Nakasentro sa Ebanghelyo

Isa sa mga pangunahing rason kung bakit lumago ang patotoo ni Kayli sa ebanghelyo ay dahil sa masusing pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa seminary. Sa mga panahong ito, mahalaga pa rin sa kanya ang Aklat ni Mormon. “Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga pangunahing bagay na naghahatid sa akin ng kaligayahan,” paliwanag niya. “Malaki ang ipinagbago ko dahil dito. Gusto kong maramdaman din iyon ng iba at sinisikap kong ibahagi ito.”

batang babaeng nagbabasa ng Aklat ni Mormon

Dinadala niya ang Aklat ni Mormon saanman siya magpunta, pati na sa paaralan. “Napakaraming bagay na ginagawa ng mga bata sa paaralan na nagtataboy sa Espiritu, tulad ng masamang pananalita o masyadong pagsisikap na maging sikat,” sabi ni Kayli. “Ang pagkakaroon ng Aklat ni Mormon sa aking backpack ay nakatutulong sa akin na alalahanin ang mithiin ko: na panatilihin ang Espiritu at ibahagi ang mga positibong bagay na inihahatid sa atin ng ebanghelyo.”

isinama ng isang babae ang Aklat ni Mormon sa backpack

Hindi niya alam kung magkakaroon ng ganoong pagkakataong lumago ang kanyang patotoo kung hindi dahil sa matatapat na halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan sa paligid niya. “Ang mga miyembro ng Simbahan ay may malaking papel kung bakit ako nabinyagan,” sabi niya. “Kung wala ang mga halimbawa at espirituwal na liwanag nila, malamang hindi ko mapapansin ang anumang kaibhan sa kanila at patuloy kong hindi papansinin ang anumang may kinalaman sa Simbahan.”

Palaging Umasa

Talagang nakaranas si Kayli at ang kanyang mga kapatid ng ilang mahihirap na panahon. Gayunman, natagpuan ni Kayli ang pag-asa para sa kanyang hinaharap, at ito ay pag-asa na nais niyang ipasa sa sinumang nahihirapan ngayon.

dalagita

“Tandaang magpatuloy at magtuon sa mga positibong aspeto ng mga bagay-bagay,” sabi ni Kayli. “At kung nawalan ka ng mahal sa buhay, tandaan na may plano ang Ama sa Langit para sa iyo at sa iba. Makakapiling natin ang ating pamilya magpakailanman kung gagawin natin ang tama.”