“Matitibay na Saligan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 30–31.
Matitibay na Saligan
Sulit Ito
May seminary ako nang alas-6 n.u., bago pumasok sa eskuwela. Gumigising ako nang maaga para kumain ng almusal, manalangin kasama ng pamilya, at maglakad papunta sa simbahan. Ngunit habang mas dumadalo ako sa seminary, mas lalo kong nakikita na sulit ang paggising ko nang maaga!
Ang mga guro ay talagang magagaling at palaging nagtuturo nang may Espiritu. Matatalino sila at marami silang alam tungkol sa ebanghelyo, kaya nasasabik akong dumalo at matuto pa.
Ang pagpunta sa seminary tuwing umaga ay nakatulong sa akin na ibahagi ang ebanghelyo sa dalawang kaklase ko at nakatulong sa akin na maipaliwanag ang mga banal na kasulatan. Tinulungan din ako ng seminary na maging matapang na manindigan sa aking mga pinaniniwalaan. Nakikinig ako sa radyo isang umaga, at sinabi ng isang lalaki na si Joseph Smith ay isang sinungaling. Talagang nadismaya ako dahil nagkaroon na ako ng malakas na patotoo tungkol kay Joseph Smith sa seminary at nalaman ko na ang sinasabi ng lalaki ay hindi totoo.
Sinabi ko ito sa guro ko sa seminary, at sinabi niya na sulatan ko ang lalaki at ibahagi ang patotoo ko tungkol kay Joseph Smith. Sumulat ako at nagpatotoo tungkol kay Joseph Smith at sa Simbahan. Nakatulong ito para mapanatag ako at hindi maging malungkot. Hindi siya sumagot, pero nadama ko ang pagpapatibay sa aking patotoo habang isinusulat ko ito. Talagang nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng malakas na patotoo tungkol sa Propeta at sa ebanghelyo sa seminary.
Raquel B., Argentina
Klase sa Sunday School
Ako’y isang deacon. Itinuro sa akin ng mga magulang ko na dapat akong maging mabuting halimbawa sa mga kaibigan ko dahil mayhawak ako ng priesthood at dahil kinakatawan ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Tinutulungan ako nitong piliin ang tama at maghanap ng mga pagkakataong makapaglingkod sa iba. Alam ko na kung gagawa ako ng mabubuting bagay, makikita ng mga kaibigan ko ang ginagawa ko at siguro ay magugustuhan din nilang gawin ang mabubuting bagay.
Pagkatapos ng Sunday School kani-kanina lang, nasa bulwagan ako nang makita ko ang isang guro na nangangailangan ng tulong sa ilang silya. Ilalagay niya ang mga ito sa labas ng gusali para sa isang aktibidad. Hindi siya humingi sa akin ng tulong, pero nakita ko na kailangan niya ng tulong. Maraming upuan, at nag-iisa lamang siya. Kaya dinala ko ang karamihan sa mga silya sa labas at inayos ang mga ito para sa kanya.
Pagkatapos ay sinabi ng guro, “Salamat sa pagtulong mo.” Hindi ito malaking bagay para sa akin dahil mabilis ko lang naman ginawa ito, pero nagpasalamat siya talaga, at mabuti ang naging pakiramdam ko. Kalaunan, sinabi ng guro kay Inay ang ginawa ko. Sinabi ni Inay na maganda ang ginawa ko at dapat akong maghanap ng mga pagkakataong maglingkod sa iba, dahil ito ang isang bagay na gagawin ni Cristo.
Masaya ako at nagpapasalamat na naglingkod ako. Gumanda ang pakiramdam ko, at dahil dito ay gusto kong maglingkod nang mas madalas.
Emiliano H., Texas, USA
Ang Flashlight ng Pasasalamat
Nang pumasok ako sa hayskul, parang naging mas mahirap para sa akin ang lahat. Naiinggit ako sa mga talento ng ibang tao, sa mga taong parang mas magaling kaysa sa akin, sa mga oportunidad na dumating sa iba pero hindi sa akin. Palagi akong humihiling o naghahanap ng bagay na wala sa akin.
Kinausap ko ang mga magulang ko tungkol dito. Ipinaalala nila sa akin na ibinigay na sa akin ng Ama sa Langit ang lahat ng kailangan ko pero hindi Niya ako maaaring bigyan ng bawat bagay na gusto ko. Tinulungan ako ng mga magulang ko na maisip na kapag naunawaan mo na walang bagay na talagang kailangan mo ang kulang, magkakaroon ka ng kapayapaan.
Kailan lang ay nabasa ko ang isang aklat na naghahambing sa pasasalamat sa isang flashlight. Kung pupunta ka sa labas sa gabi kung saan ay walang anumang ilaw, ang lahat ng makikita mo ay kadiliman. Pero kung lalabas ka na may flashlight at itututok ang liwanag nito sa nasa paligid mo, makikita mo ang lahat ng naroon.
Ang pasasalamat ay katulad ng liwanag na iyon. Kapag nagliliwanag ito, iniilawan nito ang mga bagay na naroon na. Ngunit dahil maaari mo na ngayong makita ang mga ito, mas pinahahalagahan mo ang mga ito.
Ang maganda sa flashlight ng pasasalamat ay magagamit mo ito araw man o gabi, saan ka man naroroon o ano man ang sitwasyon mo. Ang kailangan mo lang gawin ay buksan ito.
Ethan B., Utah, USA