2021
Isang Malaking Pagbabago ng Puso
Pebrero 2021


“Isang Malaking Pagbabago ng Puso,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 12–13.

Pakay-Aralin para sa Home Evening

Isang Malaking Pagbabago ng Puso

Paano tayo matuturuan ng isang itlog tungkol sa kahalagahan ng isang malaking pagbabago ng puso?

Larawan
Isang Malaking Pagbabago ng Puso

Maraming bagay sa paligid natin ang nagbabago. Ang taglamig ay nagiging tagsibol. Ang maaliwalas na umaga ay nagiging maulan na hapon. Maging ang harina, pampaalsa, at tubig ay maaaring maging tinapay na gawang-bahay! Sinasabi sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa pangangailangan na magkaroon ng “malaking pagbabago sa [atin], o sa [ating] mga puso” (Mosias 5:2), pero ano nga ba ang ibig sabihin nito?

Sa pakay-aralin na ito para sa home evening, maituturo mo sa iyong pamilya kung bakit gusto ng Ama sa Langit na magbago ang ating mga puso, at maituturo mo ang alituntuning ito sa pamamagitan ng paglusaw ng balat ng itlog sa suka.

Ano ang Gagawin

  1. Ang pagbabago ay maaaring mangyari nang mabilis, tulad ng biglaang pagbabago ng klima o pagbabagong-anyo ng mga sangkap para maging pagkain. Mabuting alalahanin na ang pagbabago ng ating puso ay maaaring abutin ng mas mahabang panahon, marahil ay abutin pa nga ng habambuhay. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagbabagong ito ay dumadating nang “paunti-unti at halos hindi napapansin. … Ang yugtong ito ng proseso ng pagbabago ay nangangailangan ng panahon, pagsisikap, at pagtitiyaga.”1

    Ang itlog, tulad ng ating mga puso, ay mangangailangan ng panahon para magbago. Maaari mong itanong sa iyong pamilya kung anong mga pagbabago sa palagay nila ang magaganap kapag ang itlog ay nababad sa suka. Ilagay ang itlog sa garapon. Magbuhos ng sapat na suka para mailubog nang mabuti ang itlog, isara nang hindi mahigpit ang takip ng garapon, at hayaang mababad ang itlog sa loob ng hindi kukulangin sa 24-oras. Kahit na kailangang mababad ang itlog nang mahaba-habang panahon, maaari mo itong suriin at maaari mong panooring malusaw ang balat nito.

  2. Matapos maghintay nang 24 oras, tipunin muli ang iyong pamilya para tingnan ang mga pagbabago sa itlog. Alisin ang takip at dahan-dahang ibuhos ang suka habang tinitiyak na hindi malalaglag ang itlog. Ilapag ang garapon at basahin ang Mosias 5:1–2 nang magkakasama.

    Tulad ng mga tao ni haring Benjamin, maaari rin tayong makaranas ng pagbabago ng puso sa pamamagitan ng pagkatutong makinig sa Ama sa Langit at sundin ang Kanyang mga kautusan. May panahon na ba sa iyong buhay kung saan naramdaman mong “wala [ka] nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2)?

  3. Ngayon, hugasan ang itlog gamit ang tubig at alisin ang anumang natirang balat nito. Pansinin kung gaano na kakinis at kalambot ang itlog! Ipasa-pasa ito at hayaang maramdaman ng bawat miyembro ng pamilya ang pagbabago. Tulad ng suka na nakapagpapabago sa itlog, mababago ng Panginoon ang ating mga puso. Kapag nakinig tayo sa Kanya at sinunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, lalambot ang ating mga puso. Kung pipiliin nating huwag makinig sa Ama sa Langit at lumayo sa Kanya, ang ating mga puso ay maaaring maging matigas, tulad ng balat ng itlog, at makahadlang sa atin na maramdaman ang Espiritu Santo.

  4. Pasulatin ang iyong pamilya sa kapirasong papel ng isang bagay na maaari nilang gawin para mas magkaroon ng malambot na puso. Maaari ka bang mag-ukol ng mas maraming oras sa mga banal na kasulatan o sa pagrerebyu ng pangkalahatang kumperensya? Siguro ay nakakaramdam ka ng pahiwatig na makinig nang mas mabuti habang nananalangin ka? Maglaan ng oras para mapag-isipan nang mabuti kung ano ang maaari mong gawin para mapalambot ang iyong puso.

Gusto mo bang sumubok ng isa pang eksperimento? Maglagay ng panibagong itlog sa iba‘t ibang likido para makita kung pareho ang magiging resulta. Ano ang mangyayari kung ibababad mo ito sa katas ng lemon, soda, tubig, gatas, o katas ng mansanas?

Tala

  1. David A. Bednar, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2007 (Ensign o Liahona, Mayo 2007, 21).

Print