“Nakalubog sa Putikan: Isang Aral tungkol sa Pagsisisi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2021, 14–15.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nakalubog sa Putikan
Isang Aral tungkol sa Pagsisisi
Kapag pinipili nating bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nakikita natin na nariyan Sila at handa tayong tulungang makaahon mula sa anumang mapanganib na sitwasyon.
Kung minsan ay maaaring mahirap pag-usapan ang pagsisisi. Maaaring hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin ng magsisi. Maaari nating isipin na ibang tao lamang ang maaaring mapatawad o na ang malalaking kasalanan lang ang kailangan nating pagsisihan. Huwag makinig sa mga ideyang iyon.
Nais ng Ama sa Langit na malaman mo ang tunay na kahulugan ng pagsisisi. Gusto Niyang malaman mo na hindi ito parusa kundi isang pagpapala. Ang pagsisisi ay pagbabago sa ating kalooban—sa ating mga iniisip, ating mga hangarin, ating mga kilos, atin mismong likas na pagkatao. Bahagi ito ng pagiging higit na katulad ni Cristo. Tinutulungan ka ng pagsisisi na makadama ng higit na kagalakan ngayon.
Masayang Pagsisisi
Paano maaaring maghatid ng kasiyahan ang pagsisisi?
Sabi ni Jesucristo, “[Magbalik kayo] sa akin, at [magsisi] sa inyong mga kasalanan … upang mapagaling ko kayo” (3 Nephi 9:13). Ang pagsisisi ay nagtutulot na “makadama tayo … ng kagalakan dahil sa tulong ng Tagapagligtas.”1
Gusto ni Satanas na isipin natin na nag-iisa tayo kapag nagkakamali tayo. Hindi iyan totoo! Tinutulungan tayo ng pagsisisi na makita na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay laging nariyan. Gayunman, nasa atin na kung lalapit tayo sa Kanila. Kapag ginagawa natin iyon, nakadarama tayo ng pagmamahal, kapanatagan, at kagalakan na batid na maaari tayong mapatawad at muling sumubok.
Isang Maputik na Hapon
Naisip ko ang aral na ito tungkol sa pagsisisi matapos kong panoorin ang kapatid kong babae isang hapon. Ang bakuran ng aming pamilya sa likod-bahay ay papunta sa isang bukiring nalinis para pagtayuan ng gusali. Kapag may malalakas na bagyo, nagpuputik ang bukirin. Hindi ito pangkaraniwang putik. Hindi, ang putik na ito ay madikit, malapot, at makapal. Kung malulubog ka, ang pag-ahon ay parang pagsubok na makaraan sa peanut butter.
Isang araw nagdesisyon ang kapatid ko na gusto niyang lumabas at maglaro. Ipinaalala sa kanya ng nanay ko na manatili sa sementadong patyo na malapit sa bahay. Sa halip, gumala-gala ang kapatid ko sa bukirin.
Hindi nagtagal, may narinig akong umiiyak at tumingin ako sa labas. Hindi ako makapaniwala! Nakaupo ang kapatid ko sa gitna ng putikan, punung-puno ng putik, tumutulo ang mga luha sa kanyang pisngi. Patuloy siyang nagsikap na umahon, pero imposible iyon. Tuwing susubukan niyang gumalaw, lalo siyang lumulubog sa makapal na putik. Siyempre, agad kaming tumakbo para iahon siya.
Tinulungan ko ang nanay ko na maglatag ng mga tablang malalakaran namin papunta sa kapatid ko nang hindi kami lumulubog. Napakakapal ng putik kaya nang maiahon ang kapatid ko, tanggal ang sapatos at medyas niya!
Nalinis sa pamamagitan ni Cristo
Ang buhay ay maaaring katulad ng maputik na bukiring iyon. Kung hindi tayo maingat, maaari tayong malubog sa kasalanan, mga makamundong impluwensya, o mga maling desisyon. Ang mga bagay na ito ay parang espirituwal na putik na nakadikit sa ating espiritu at nagpapasama sa ating kalooban.
Kapag pinipili nating bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nakikita natin na nariyan Sila at handa tayong tulungang makaahon mula sa anumang mapanganib na sitwasyon. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas na si Jesucristo, maaari tayong mapatawad at maging malinis na muli. Lagi kayong makakakita ng “kagalakan sa pagpili na magsisi.”2