2021
Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo
Hunyo 2021


“Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 8–11.

Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo

Tayong lahat ay manindigan at magsalita nang may pananalig sa pagbabahagi ng ating mensahe sa mundo.

kabataang babae na may hawak na mobile phone na may Aklat ni Mormon sa screen

Naaalala ko nang umuwi ang aking ama dala ang unang telebisyon sa aming lugar. Ang lahat ng mga kaibigan ko ay nagpunta sa bahay namin at manghang-manghang nanood kung paano lumalabas ang itim at puting larawan sa maliit na 12-pulgadang kahon na iyon.

Nang simulan ko ang aking misyon sa England noong 1948, ang pinakakaraniwang paraan upang malaman ng mga tao ang balita ay sa pamamagitan ng diyaryo at radyo.

Talagang iba na ang inyong mundo ngayon. Ang sa inyo ay mundo ng hinaharap, na may mga imbensyong hindi ninyo inaakalang posible na darating sa inyong buhay. Paano ninyo gagamitin ang mga kagila-gilalas na imbensyong ito? Higit sa lahat, paano ninyo gagamitin ang mga ito upang maisulong ang gawain ng Panginoon?

Tools para sa Pagbabahagi

Sa loob ng daan-daang taon, tumutulong ang Panginoon sa pagbibigay-inspirasyon sa mga tao na mag-imbento ng mga kasangkapan na makatutulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ginagamit nang husto ng Simbahan ang tools na iyon, kabilang na ang mga lathalain, brodkast, at ngayon, pati ang internet at social media.

Dahil sa internet at social media ay kayang maiparinig ng lahat ang kanilang tinig, at labis nitong binabago ang lipunan. Dahil dito, nagkaroon ng mga pandaigdigang pag-uusap tungkol sa halos lahat ng paksa, kabilang na ang relihiyon, at halos lahat ay maaaring makibahagi.

Sumali sa Pag-uusap

Ang salitang pag-uusap ay mahalaga. Palaging may mga pag-uusap tungkol sa Simbahan. Ang mga pag-uusap na iyon ay magpapatuloy piliin man natin o hindi natin piliin na makibahagi sa mga iyon. Pero hindi tayo maaaring manahimik na lang sa tabi habang sinisikap ng iba, kabilang na ang mga pumupuna sa atin, na bigyan ng kahulugan ang itinuturo ng Simbahan. Bagama’t libu-libo o milyun-milyon ang nakikilahok sa ilang pag-uusap, karamihan sa mga ito ay lubhang mas maliliit na grupo lang. Pero ang lahat ng pag-uusap ay may epekto sa mga nakikilahok dito. Sa bawat pag-uusap na ito, ang mga paniniwala tungkol sa Simbahan ay nahuhubog.

Alam ninyong lahat na ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay palaging pinapaalalahanan at patuloy na hinihikayat na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Ang Simbahan ay palaging naghahanap ng mga pinakaepektibong paraan upang maipahayag ang ating mensahe.

Noon pa man, espesyal na sa akin ang pangangaral ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Gustung-gusto ko ang pagiging missionary sa England noon. Gustung-gusto ko ang pagiging mission president noon sa Canada. At gustung-gusto ko ang kasalukuyan kong tungkulin, na nagbibigay sa akin ng pagkakataong ibahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mundo at magpatotoo na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith noong 1820. Sa pamamagitan ni Joseph, naipanumbalik ang ebanghelyong itinatag ni Jesus noong panahon ng Bagong Tipan. Ito ay nawala kasabay ng pagkamatay ng mga sinaunang Apostol. Maibabahagi ko sa mundo ang kaalaman na ang awtoridad ng priesthood, doktrina, at mga ordenansa ng Simbahan noong panahon ng Bagong Tipan ay nasa mundo na muli. Ito ang pinakamahalagang gawain na maaari nating salihan.

Ngayon, hinihiling ko na sumali kayo sa pag-uusap sa pamamagitan ng pakikilahok sa internet, lalo na sa social media, upang maibahagi ang ebanghelyo at maipaliwanag ang mensahe ng Pagpapanumbalik gamit ang mga simple at malinaw na salita.

kabataang lalaki na gumagamit ng smartphone

Ang Magagawa Ninyo

Alam na ng karamihan sa inyo na maraming paraan upang masimulan ang pagbabahagi ng alam ninyong totoo. Maaari kayong mag-download ng mga video mula sa Simbahan at sa iba pang angkop na site at ibahagi ninyo ang mga ito sa inyong mga kaibigan. Maaari kayong maglagay ng komento sa mga post tungkol sa Simbahan, at magpahayag ng inyong mga pananaw tungkol sa katumpakan ng mga post na iyon. Kinakailangan, siyempre, na nauunawaan ninyo, at ng lahat ng miyembro ng Simbahan, ang mga pangunahin at saligang alituntunin ng ebanghelyo.

Ang iba ay nagrekord at nag-post ng kanilang mga patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik, sa mga turo ng Aklat ni Mormon, at sa iba pang paksa ng ebanghelyo sa YouTube at sa iba pang sikat na site sa pagbabahagi ng mga video. Maaari rin ninyong ibahagi ang inyong kuwento sa mga hindi miyembro ng Simbahan sa ganitong paraan. Gumamit ng mga kuwento at salita na mauunawaan ng mga tao. Magbahagi nang tapat at taos-puso tungkol sa epekto ng ebanghelyo sa inyong buhay, kung paano ito nakatulong sa inyo na madaig ang mga kahinaan o hamon at mahubog ang inyong mga paniniwala. Maaaring kadalasan ay kaunti lang ang inyong mga tagapakinig, pero ang kabuuang epekto ng libu-libong kuwentong tulad niyon ay maaaring maging malaki. Talagang sulit ang sama-samang pagsisikap kahit kaunti lang ang naiimpluwensyahan ng inyong mga salita tungkol sa pananampalataya at pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Walang duda na ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay may malaking epekto sa inyong buhay. Nakatulong ito na mahubog kayo at ang inyong hinaharap. Huwag matakot na ibahagi sa iba ang inyong mga kuwento at karanasan bilang tagasunod ng Panginoong Jesucristo. Lahat tayo ay may mga kawili-wiling kuwento na nakaimpluwensya sa ating pagkatao. Ang pagbabahagi ng mga kuwentong iyon ay isang paraan ng pakikipag-usap na hindi nakakatakot sa iba. Maaari rin kayong makatulong na maitama ang maraming maling pananaw tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng mga taong naiimpluwensyahan ninyo.

mga kabataang nag-uusap sa may dalampasigan

Alalahanin Kung Sino Kayo

Ang bawat disipulo ni Cristo ay magiging lubos na epektibo at makagagawa ng higit na kabutihan sa pamamagitan ng pagkilos sa paraang nararapat sa isang tagasunod ng Tagapagligtas ng mundo. Ang mga talakayang nakatuon sa pagtatanong, pagdedebate, at pagdududa sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay wala masyadong naitutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Pinayuhan tayo ni Apostol Pablo na huwag “[ikahiya] ang ebanghelyo [ni Cristo]; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan” (Roma 1:16). Tayong lahat ay manindigan at magsalita nang may pananampalataya sa pagbabahagi ng ating mensahe sa mundo.

Habang nakikibahagi kayo sa mga pag-uusap na ito, alalahanin ninyo kung sino kayo. Kayo ay isang Banal sa mga Huling Araw. Hindi kailangang makipagtalo o makipagdebate sa iba tungkol sa ating mga paniniwala. Hindi kailangang labanan ang mga pag-atake o maging agresibo. Matibay ang ating paniniwala; totoo ang Simbahan. Kailangan lang nating makipag-usap, tulad ng magkakaibigang nasa iisang silid, na palaging may patnubay ng mga pahiwatig ng Espiritu at patuloy na inaalala ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, na nagpapaalala sa atin kung gaano kahalaga ang mga anak ng ating Ama sa Langit.

Nawa‘y pagpalain, patnubayan, at bigyan kayo ng inspirasyon at kaliwanagan ng isip ng Panginoon upang malaman ninyo kung paano makikibahagi sa malawak na pandaigdigang pag-uusap na nagaganap ngayon. Iparinig ang inyong tinig sa pagpapahayag ng dakila at maluwalhating mensahe ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.